HUSTISYA KAY TADO AT SA IBA PANG NADISGRASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 na pantig bawat taludtod
namatay sa aksidente'y labing-apat na tao
higit dalawampu ang nasugatang pasahero
kabilang sa mga namatay ang dalawang dayo
nahulog sa bangin ang bus sakay ang mga ito
kasama si Tado, komedyante at aktibista
sa mga pagkilos ay matagal na nakasama
kolorum daw yaong bus, iba ang gamit na plaka
kaya't lagot itong may-ari ng bus na Florida
ayon sa tsuper, nawalan ng preno ang sasakyan
habang palusong sa kurbadang bahagi ng daan
sigaw daw ng ilan, ang bus ay ibangga na lamang
upang malalang disgrasya'y kanilang maiwasan
ngunit tsuper sa payong ito'y di naman nakinig
"magagalit ang may-ari" ang lumabas sa bibig
ang tinuran niyang ito'y sadyang nakayayanig
"magagalit ang may-ari" ang sa kanya'y narinig
di dapat parusa'y makansela lang ang prangkisa
dapat mabayaran din ang lahat ng nadisgrasya
lahat ng bus, inspeksyunin, ayusin ang sistema
at sa lahat ng nangamatay, hustisya! hustisya!
di sapat makulong lang ang tsuper ng nasabing bus
sosyalisadong transportasyon ay gawin nang lubos
bagong sistemang di na naghahabol ng panustos
sistemang ang pasahero'y iniingatang taos
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento