Huwebes, Pebrero 20, 2014

Narito ka sa kilusan dahil...

NARITO KA SA KILUSAN DAHIL...
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 na pantig bawat taludtod

pumasok ka sa kilusan / di dahil galit sa mundo
kundi dahil sa sistemang / dahilan nitong siphayo
narito ka sa kilusan / dahil nais mong mabuo
ang isang bagong sistemang / inalayan mo ng dugo

pumasok ka sa kilusan / dahil ikaw'y nalulugod
na ipagtanggol ang masa / isyu nila'y itaguyod
narito ka sa kilusan / dahil nais mong maglingkod
sa obrero't maitaas / ang karampot nilang sahod

pumasok ka sa kilusan / upang masa'y paglingkuran
at hindi upang layuan / ang mga pananagutan
nasa kilusan ka upang / pag-aralan ang lipunan
at sumama sa obrero / sa pamumuno sa bayan

pumasok ka sa kilusan / hindi upang problema mo
ay iyong makalimutan / hoy, isang kilusan ito
nasa kilusan kang puno / ng hirap at sakripisyo
habang tinataguyod mo'y / kaisipang sosyalismo

hindi ka nasa kilusan / upang tumunga-tunganga
at magbilang lang ng poste / sa harapan nitong madla
narito ka sa kilusang / umaagapay sa dukha
kumikilalang masugid / sa hukbong mapagpalaya

narito ka sa kilusan / upang ialay ang buhay
para sa prinsipyong tangan / nang wala kang hinihintay
na kapalit, maliban sa / inaasam na tagumpay
kamtin ang isang lipunang / sadyang makataong tunay

Walang komento: