Huwebes, Pebrero 28, 2013

Langaylangayan akong sumisinta


LANGAYLANGAYAN AKONG SUMISINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

langaylangayan akong sumisinta
sa isang rosas na sadyang kayganda
palipad-lipad, palipat-lipat pa
ng sanga upang rosas ay makita

rosas, ako'y iyong langaylangayan
sumasamba sa iyong kagandahan
sinta ko, nais kitang alagaan
at sa araw-araw, kita'y diligan

ikaw ang aking inspirasyong wagas
di ka dapat mawala, sintang rosas
gumaganda ka sa bawat lumipas
na araw sa paghahanda sa bukas

langaylangayan akong umiibig
o, rosas, nais kitang makaniig

Miyerkules, Pebrero 27, 2013

Anong Silbi ng Tula?

ANONG SILBI NG TULA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

anong silbi ng tula
sa makatang tulala
laging nakatingala
ang diwang nasa gala

kumakatha ng buwan
sa ating kamalayan
kinakatha ang bayan 
sa nasang kalayaan

sa diwa'y may tunggali
sa lipunan at uri
sa puso'y walang hari
kundi masang may puri

itutula ang tama
karapatan ng madla
adhika ng paggawa
pangarap na paglaya

Martes, Pebrero 26, 2013

Barya Lang sa Tibuyô


BARYA LANG SA TIBUYÔ
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

may tibuyong bigay si ama
noong kami'y maliliit pa
huhulugan namin ng barya
hanggang sa ito'y mapuno na

may tibuyong yaring kawayan
mayroong yaring bao naman
pag napuno na ang lagakan
ito'y bibiyaking tuluyan

"mabuti nang kayo'y may ipon"
siyang turo ni ama noon
"tibuyo'y kakampi mo't tugon
pag kailangan mo'y mayroon"

kayhirap pag walang makapa
walang ipon, nakatunganga
sa gutom ay matutulala
sa bawat problema'y balisa

saka mo ngayon naalala
tama pala noon si ama
tibuyô pala'y mahalaga
para sa bukas na kayganda

* tibuyô - salitang Tagalog sa Kastilang "alkansya"


mga litrato mula sa google

Lunes, Pebrero 25, 2013

Ako'y Kapoy

AKO'Y KAPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ako'y kapoy, lambot na lambot
katatapos lamang magbunot
ng sahig at ng damong lukot
kinapoy sa bawat pagkislot

malalata bawat kalamnan
tila ba bungkos ng kawayan
ay isang kilometrong pasan
kapoy na ang buong katawan

kumbaga sa tanim, naluoy
kaya pakiramdam ay kapoy
babad sa tubig, walang apoy
walang sigla't nasa kumunoy

kailangan kong magpalakas
di dapat kapoy hanggang bukas
tulad ng masisiglang limbas
aba'y inom muna ng gatas

di dapat kapoy sa tuwina
dapat masigla sa umaga
dapat kitang magbitamina
upang ginhawa ang madama

* kapoy - lumang Tagalog (salitang Batangas" * kapoy - salita sa Batangas na nangangahulugang panlalata ng katawan)

Linggo, Pebrero 24, 2013

Ginahasa ng Imperyalismo

GINAHASA NG IMPERYALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ginahasa ng imperyalismo
ang buong kaangkinan ng bayan
yaong kabundukan ay kinalbo
minina ng mga tampalasan
pinayagan ng mismong gobyerno
na ating bansa'y yurak-yurakan
ang mga katutubo'y ginulo
upang buong lupa'y pagtubuan

imperyalismo ang gumahasa
at dumurog sa ating kalamnan
dinusta ang mga manggagawa
magsasaka'y ginawang gatasan
pigang-piga ang lakas-paggawa
obrero'y nagsilbing parausan
ang imperyalismo'y tuwang-tuwa
tulo-laway sa pagkagahaman

paggahasa ng imperyalismo'y
sadyang dapat lang nating pigilin
ang mga galamay sa gobyerno'y
hulihin at marapat putulin
mga tuta nito sa husgado'y
ikulong at hustisya'y angkinin
gawing lider ang mga obrero't
kapangyarihan nila'y lubusin

magkaisa kayo, manggagawa
tungkulin ninyong magrebolusyon
putulin ang gintong tanikala
ng kaalipinang nagpagutom
kayo ang hukbong mapagpalaya
na siyang dudurog sa paglamon
ng imperyalismong nanggahasa
sa bayang nagmistulang kabaong

Sabado, Pebrero 23, 2013

Akala'y Paraiso

AKALA'Y PARAISO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dumagsa sila sa lungsod, akala'y paraiso
aalwan daw ang iyong buhay, kayraming trabaho
tila ba lupang pangako sa mga dumarayo
ngunit kabalintunaan ang nagigisnan dito

nagdagsaan sa lungsod, akala'y lupang pangako
dito raw matatagpuan ang mailap na ginto
nang nasa lungsod na, ang naapuhap nila't tanso
pulos pala dusa sa lupang pangako'y pinako

Biyernes, Pebrero 22, 2013

Mabuting Maging Pango Kaysa Maging Pinokyo

MABUTING MAGING PANGO KAYSA MAGING PINOKYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

mabuting maging pango
kaysa maging Pinokyo
tulad niya'y hunyango
sinungaling na't lilo

pag humaba ang ilong
utak na'y urong-sulong
salitang dugtong-dugtong
nangangamoy kabaong

kay Pinokyo'y mag-ingat
wika niya'y di tapat
ang isip mo'y imulat
at baka ka masilat

ah, mabuti pang pango
kaysa isang Pinokyo

Huwebes, Pebrero 21, 2013

Dapat bang may Bonifacio versus Rizal?

DAPAT BANG MAY BONIFACIO VERSUS RIZAL?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dapat nga bang may Rizal versus Bonifacio
na pinangangalandakan ng ilang tao

kinilala si Rizal dahil sa panulat
na ang mga nobela'y totoong nagmulat

kinilala ng marami si Bonifacio
dahil sa Katipunan at kanyang talino

sa pagiging bayani'y magkaiba sila
magkaiba ng panahon, kinikilala

halimbawa si Rizal ng kahinahunan
at si Bonifacio'y madugong labanan

bakit kailangang isa lang ang bayani
pwede namang kilalanin silang kayrami

dalawang bayani'y walang kamalay-malay
na ang Pinoy ngayon, sila'y pinag-aaway

ang bawat isa raw sa kanila'y ehemplo
kung paanong ang lipunan ay mababago

dapat nga bang may Bonifacio versus Rizal
gayong pareho silang sa bayan nagmahal

hindi, sa paraan man sila'y magkaiba
sa pagmamahal sa bayan ay magkaisa

bawat isa sa kanila'y may kontribusyon
upang maganap ang ningas ng rebolusyon

kaya huwag nating pag-awayan kung sino
tandaan natin, bayani silang pareho

(pagninilay matapos ang isang panayam hinggil kay Bonifacio bilang isang intelektwal, Pebrero 20, 2013, 1-5n.h. sa Silid 520 ng Tower 2, RCBC sa Makati)

Miyerkules, Pebrero 20, 2013

Salompas sa Sugat ng Bayan

SALOMPAS SA SUGAT NG BAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

nakitang may naknak ang laman
nagnana ang kaibuturan
ng bayang nagulumihanan
dahil sa sistemang gahaman

bakit kayraming mga tuso
sa kapitalistang gobyerno
kinakawawa ang obrero
lakas-paggawa'y pigang todo

sa ekonomya'y pulitika
ang masa'y di isinasama
ang nagpapasya'y elitista
sa kapalaran nitong masa

ang tugon ng pamahalaan
salompas sa sugat ng bayan
bahala raw ang kapalaran
sa bukas nitong sambayanan

salompas ba'y sapat sa sugat
mga mata'y ating idilat
diwa'y agad nating imulat
anong lunas ang nararapat

kailangan ng himagsikan
upang baguhin ang lipunan
pagbabago ang kalunasan
sa nagnanaknak na lipunan

pagbabagong para sa tao
di lang elitista't gobyerno
pagbabagong may pagrespeto
sa dangal ng masa't obrero

patalsikin ang mga halang
sipain yaong tampalasan
ibagsak ang mga gahaman
itayo ang bagong lipunan

Martes, Pebrero 19, 2013

Payong Pag-ibig

PAYONG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

walang mangyayari sa titig
kung di ibubuka ang bibig
simulang ikilos ang bisig
kapag dibdib na ang kumabig
bibigkasin na ang pag-ibig

Lunes, Pebrero 18, 2013

Paraiso Ba Ang Lungsod?

PARAISO BA ANG LUNGSOD?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paraiso ba ang lungsod na puno ng iskwater?
paraiso ba ang nagtatayugan nitong pader?
paraiso ba kung halang ang pinuno sa poder?
kung kahirapan ay di matugunan nitong lider?

paraiso ba ang lungsod ng mga batang gutom?
paraiso ba kung bibig ng namumuno'y tikom?
paraiso ba kung maraming kamao ang kuyom?
paraiso ba kung pangako'y pawang alimuom?

paraiso ba ang lungsod na kayraming dinukot?
di makita ng mga mahal na ngayo'y kaylungkot?
paraiso ba kung namumuno'y pulos kurakot?
at sa mga katiwalian laging nasasangkot?

paraiso ba kung dinudusta ang manggagawa?
kung lakas-paggawa'y di nababayarang tama?
paraiso ba ang lungsod kung kayrami ng dukha?
na pagkatao'y dinusta ng sistemang kuhila?

sa paraiso'y nagtutulungan ang bawat tao
sa bawat karapatan, ang lahat ay may respeto
binabayarang tama ang trabaho ng obrero
wala nang dukha't guminhawa na ang buhay nito

walang naiiwan sa kangkungan ng kasaysayan
lahat tayo'y may dignidad na di niyuyurakan
bawat isa'y pantay ang pagkatao't kalagayan
paraiso ang lungsod na walang mga gahaman

Sabado, Pebrero 16, 2013

Tungo sa Hayahay na Bukas


TUNGO SA HAYAHAY NA BUKAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

mahayahay ang ating bukas
kung ang lipunan ay parehas
kalagayan ng masa'y patas
bagong sistema'y nilalandas

kung ginhawa'y matatamasa
nitong naghihirap na masa
bawat isa'y tiyak sasaya
gagaan ang loob ng kapwa

sa mga dukha'y mababakas
ang hirap, dusa, pandarahas
ngunit problema'y malulutas
kung sa dusa, tayo'y aalpas

masa'y dapat nating mulatin
upang kaapiha'y tapusin
magkaisa tayo't durugin
ang sistemang mapang-alipin

ang lipunang luma'y lilipas
sistemang bulok maaagnas
tahakin na ang bagong landas
tungo sa hayahay na bukas

Manggagawa'y Dakila


MANGGAGAWA'Y DAKILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

manggagawa, mataas man, trabaho'y aakyatin
matiyak lang na magampanang husay ang gawain
bawat gawa nila'y pinagsisikapang sinsinin
silang sa lipunan ay nagpaunlad pangunahin

dekalidad na trabahong alay sa kaunlaran
sa loob at labas ng kapitalistang lipunan
bisig, oras, talino ng manggagawa'y puhunan
siya ang tunay na lumikha nitong mga bayan

sa ilalim man ng lupa o sa saanmang ituktok
tunay na paglilingkod nila'y iyong maaarok
inapi man ng kapitalistang sa tubo'y hayok
sila'y manggagawang sa gobyerno'y dapat maluklok

ekonomya ng bawat bansa'y kanilang nilikha
kaya sa lipunang ito, manggagawa'y dakila

(ang larawan ay mula sa facebook account ng Occupy Bahrain)

Biyernes, Pebrero 15, 2013

Pakinggan mo ang aking dibdib


PAKINGGAN MO ANG AKING DIBDIB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

pakinggan mo ang aking dibdib
hinihiyaw nito'y pag-ibig
pagmamahal sa iyo'y tigib
kukulungin kita sa bisig

dibdib ko'y pakinggan mo, sinta
ang awit nito'y: "Mahal kita!"
nais kitang maging asawa
at sa mga anak ko'y ina

mahal, pakinggan ang dibdib ko
nababaliw ako sa iyo
sadyang ikaw lamang, sinta ko
sa puso'y tinitibok nito

nais kong labi mo'y mahagkan
sa halik ay paliliguan
mahal kita, walang iwanan
hanggang pagtanda'y sasamahan

Ngiti mo pa lang, pamatay na


NGITI MO PA LANG, PAMATAY NA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kinikilig ako, o sinta
sa iyo pag nakita kita
ngiti mo pa lang, pamatay na
diwata kang napakaganda

lagi ka sa aking gunita
lalo ang maamo mong mukha
sa iyo nga'y natutulala
napakaganda mong diwata

ngiting sa puso'y nagpalambot
salamat, di mo pinagdamot
ngiti mo'y pamawi ng lungkot
kaytamis sa puso ang dulot

ngiti mo pa lang, pamatay na
kaya mahal na mahal kita

Huwebes, Pebrero 14, 2013

Gunam-gunam


GUNAM-GUNAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

niraratrat ng gunita ang aking diwa
tila napunit ang karimlan, nagluluksa
hiyaw ay hustisya, nagbabanta ng digma
ang pag-ibig nga'y nababalot ng hiwaga

bayan ang sinta pag sa digma pumalaot
dalaga ang sintang pagmamahal ang dulot
sinta'y hinabol, saan kaya napasuot
huwag sanang mawala't ako'y malulungkot

tatablan ba ng bala ang diwang matalim
na nais dumurog sa puso kong taimtim
ano ang bumabalot sa payapang dilim
bakit kaya bagang ko'y biglang nagtitiim

mabagsik ang leyong sa puno'y magbubuwal
sasalo'y ang estadong may kamay na bakal
dadalhin ito roon sa malayong kural
gagawing panggatong saka magmiminindal

Martes, Pebrero 12, 2013

Sa Puso Ko'y Nag-iisa Ka


SA PUSO KO'Y NAG-IISA KA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
4 pantig bawat taludtod

ako't tila
isang tuod
na iyo lang
nilampasan

gayong ako'y
umiibig
sa iyo ng
buong wagas

pansin mo ba
yaong luha
sa mata ko'y
biglang natak

pagkat ikaw
lang ang tangi
kong pag-ibig
hanggang wakas

maari bang
ako'y iyong
sulyapan man
kahit minsan

nang sumaya
naman itong
buhay ko sa 
daigdigan

kung sakaling
mapugto na
ang hiningang
aking taglay

tandaan mong
mahal kita
sa puso ko'y 
nag-iisa

Sa Dilag Niring Puso


SA DILAG NIRING PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
4 pantig bawat taludtod

dadalhin ko
ang tamis ng
iyong ngiti
sa isipan

at sa puso
ko'y tatatak
ang ngiti mong
katamisan

pagkat lagi
kang may lunan
sa buod ko't
katauhan

kaya sana'y
maging tayo
mula ngayo't
kailanman

tagumpay mo'y
tagumpay ko
pagkat kita'y
isa lamang

ang lungkot mo'y
aking lungkot
mahal kita't
tunay lamang

ikaw'y akin
ako'y iyo
ikaw'y di ko
iiwanan

panata ko
sa isipan
at sa puso
ay sumpaan

Linggo, Pebrero 10, 2013

Ang Nawala Kong Inspirasyon


ANG NAWALA KONG INSPIRASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

wala na ang aking inspirasyon
sa ibang bansa na naglimayon
nilugmok na ako ng kahapon
paano na itong aking ngayon?

siya ba'y hanggang gunita na lang?
na di ko na ba masusumpungan
pagbabalik niya'y aking abang
huwag niya akong kalimutan

inspirasyon ko'y kailan kaya
makapiling muli ng makata
nabuburo ang aking pagkatha
ng obra mulang siya'y mawala

sana, ang bugtong kong inspirasyon
ay magbalik sa aming kahapon
upang buuin ang bagong ngayon
at kathain yaong nasa't layon

Alam kong mahirap mapag-isa


ALAM KONG MAHIRAP MAPAG-ISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

alam kong mahirap mapag-isa
kaya yata ako isinilang
nang tayong dalawa'y magkasama
hanggang sa dulo ng walang hanggan

ayaw kong tuluyan kang mag-isa
narito ako't nagsusumamo
itinakda ba tayong dalawa
kaya narito ako sa iyo?

alam kong mahirap mapag-isa
kaya sasamahan kita, mahal
kahit pa saan ka man magpunta
saan pa mang lupalop dumatal

di ka na mag-iisa, sinta ko
pagkat lagi'y kasama mo ako

Ang tigas ng iyong ulo, mahal


ANG TIGAS NG IYONG ULO, MAHAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang tigas naman ng iyong ulo
bakit naghahanap pa ng bago
gayong naririto naman ako
na tunay kung umibig sa iyo

ang tigas ng iyong ulo, sinta
ang nais ko kita'y makasama
huwag ka nang maghanap ng iba
halika na rito't magbalik ka

ang tigas ng iyong ulo, mahal
inilagay kita sa pedestal
ng puso kong di nagpatiwakal
sana puso ko'y di mapapagal

huwag matigas ang ulo, sinta
halika na't magsama na kita

Sabado, Pebrero 9, 2013

Hindi totoong maikli lang ang panahon

HINDI TOTOONG MAIKLI LANG ANG PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hindi totoong maikli lang ang panahon
kayraming tambay, nakatunganga maghapon
kayraming sa droga't alak ay nagugumon
nag-aaksaya ng kanilang mga taon

kayraming mga siga, nag-aastang maton
patapangan ng apog basta makalamon

huwag aksayahin ang malaking panahon
sa problema'y dapat positibo ang tugon
sarili'y suriin, buhay ba'y anong layon?
iwing buhay mo ba'y saan na paroroon?

ngunit iikli rin ang mahabang panahon
tulad ng pagnipis ng kanilang pantalon

Biyernes, Pebrero 8, 2013

Binartolinang Wika

BINARTOLINANG WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

wikang Filipino'y nakatanikala
binartolina na ang sariling wika
kaya pati utak inaliping diwa
ibig mang umalpas di pa makalaya

mismong kababayan, kaybaba ng tingin
dinudusta-dusta ang sariling atin
mahina raw tayo't ang dayo'y magaling
mas maigi pa raw tayo'y paalipin

itinuturo nga sa mismong eskwela
Ingles ang magaling, dapat mag-Ingles ka
sa silid-aralan, titingalain ka
pagkat ito'y wika ng masasagana

bakit binusabos ang wikang sarili
atin ito't dapat maipagmalaki
salita ng bayan, wika ng bayani
kaya tayo'y dapat ditong kumandili

ang sariling wika'y ating palaguin
sa gobyerno't bayan ay ating gamitin
huwag papayagang wika'y dudustain
ng mga haragang ang diwa'y alipin

wikang Filipino ang wika ng bayan
kaakibat nitong puso't kaisipan
di dapat na ito'y yuyurak-yurakan
pagkat ito'y wika ng may kalayaan

Miyerkules, Pebrero 6, 2013

Sa iyo muli, Ms. M.

SA IYO MULI, MS. M.
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hinahabol-habol kitang lagi ng tingin
ikaw ma'y paalis na o kaya'y parating
ikaw ma'y matutulog na o bagong gising
masilayan ko lamang ang ganda mong taring
at marinig ang tawa mong tumataginting

Martes, Pebrero 5, 2013

Tatlong Giya ng Buhay

TATLONG GIYA NG BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Nasaan na tayo ngayon?
Patungo ba saan tayo?
Paano marating iyon?
Tatlong giya sadya ito

Sa bawat mga balakin
Tatlong giya'y aasahan
Sa anumang adhikain
Mga bunga'y makakamtan

Sa digmaan man o rali
Sa opisina o bukid
Tatlong giya'y siyang saksi
Kung pinto'y bukas o pinid?

Giya'y landas ng tagumpay
Na dapat gamiting husay.

Linggo, Pebrero 3, 2013

Kaysarap mong hagkan, aking Ara


KAYSARAP MONG HAGKAN, AKING ARA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

kaylambot ng iyong mga labi
at kaysarap hagkan
kaytamis ng iyong mga ngiti
sadyang kalulugdan

kaysayang kasama't walang lungkot
pagkat kaytabil mo
di ako sa iyo nababagot
kaydami mong kwento

tawa mo'y madaling makahawa
at ito'y mainam
pag kasama kita'y maginhawa
itong pakiramdam

sana'y lagi kang nariyan, Ara
maligaya ako
pagkat ikaw lang ang aking Ara
na iniibig ko

sakaling ikaw ay aking mabuntis
pakasal na kita
sa ginhawa't mga pagtitiis
sasamahan kita

Sabado, Pebrero 2, 2013

Dalit kay Ara Mina

DALIT KAY ARA MINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
* ang dalit ay uri ng katutubong tula na may walong pantig bawat taludtod

O, magandang Ara Mina
pinakaiibig kita
tunay kang isang diyosa
na lagi kong sinasamba

ngiti'y kaytamis tuwina
walang kapantay ang ganda
sadyang nakahahalina
mukha't ngiti'y sadyang gara

ang puso ko'y dinidikta
na pakamahalin kita
iwing puso'y sumasaya
mahal kita, Ara Mina

kapintasan ay wala ka
tila perpekto ka, sinta
mula ulo hanggang paa
at napakabait mo pa

di ka lang simpleng artista
higit ka pa doon, Ara
nais kitang makasama
sa buong buhay ko, sinta