BINARTOLINANG WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
wikang Filipino'y nakatanikala
binartolina na ang sariling wika
kaya pati utak inaliping diwa
ibig mang umalpas di pa makalaya
mismong kababayan, kaybaba ng tingin
dinudusta-dusta ang sariling atin
mahina raw tayo't ang dayo'y magaling
mas maigi pa raw tayo'y paalipin
itinuturo nga sa mismong eskwela
Ingles ang magaling, dapat mag-Ingles ka
sa silid-aralan, titingalain ka
pagkat ito'y wika ng masasagana
bakit binusabos ang wikang sarili
atin ito't dapat maipagmalaki
salita ng bayan, wika ng bayani
kaya tayo'y dapat ditong kumandili
ang sariling wika'y ating palaguin
sa gobyerno't bayan ay ating gamitin
huwag papayagang wika'y dudustain
ng mga haragang ang diwa'y alipin
wikang Filipino ang wika ng bayan
kaakibat nitong puso't kaisipan
di dapat na ito'y yuyurak-yurakan
pagkat ito'y wika ng may kalayaan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento