HUWAG SAYANGIN ANG PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"Huwag mong sayangin ang panahun: ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahung nagdaan na'y di na muli pang magdadaan." ~ mula sa Kartilya ng Katipunan
ang bawat sandali'y dapat laging pahalagahan
magagawa ngayo'y huwag ipagpabukas na lang
mahirap kung lagi nating ipinagpapaliban
ang kayang magawa't matapos sa kasalukuyan
bumulong man ang hangin sa kanan man o kaliwa
may pakpak man ang balita't may tainga ang lupa
sa paggawa ng kabutiha'y huwag magsasawa
lalo't may panahong may kinakaharap na sigwa
may panahong mag-aatubili o magpapasya
di na magbabalik ang panahong kamusmusan pa
na maiisip lang pag kabataa'y naalaala
at sasabihing may iling, "Sayang, noon pa sana!"
huwag sayangin ang panahon, Kartilya'y nagbilin
na sa bawat puso't isip ay ating patagusin
Biyernes, Abril 29, 2011
Miyerkules, Abril 27, 2011
Anuman ang kulay ng balat
ANUMAN ANG KULAY NG BALAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
malalim, sadyang tumatagos sa kaibuturan
pag Kartilya ang Katipunan ay naunawaan
dinadalisay nito'y pagkatao't kalooban
na armas sa maraming tunggalian sa lipunan
ang pagpapakatao'y binibigyan ng halaga
pakikipagkapwa'y dapat tagos sa kaluluwa
maging mabuti sa kapwa'y isabuhay tuwina
upang pakikitungo'y magbubunga ng maganda
anuman ang kulay ng balat ng tao sa lupa
sila'y ating kapwa, kapwang dapat inaaruga
sapagkat may pagkatao ring tunay na dakila
dapat pantay at walang sinumang nagdaralita
taos-pusong sundin ang nilalaman ng Kartilya
igalang natin ang pagkatao ng bawat isa
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay: mangyayaring ang isa'y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao." - mula sa Kartilya ng Katipunan
malalim, sadyang tumatagos sa kaibuturan
pag Kartilya ang Katipunan ay naunawaan
dinadalisay nito'y pagkatao't kalooban
na armas sa maraming tunggalian sa lipunan
ang pagpapakatao'y binibigyan ng halaga
pakikipagkapwa'y dapat tagos sa kaluluwa
maging mabuti sa kapwa'y isabuhay tuwina
upang pakikitungo'y magbubunga ng maganda
anuman ang kulay ng balat ng tao sa lupa
sila'y ating kapwa, kapwang dapat inaaruga
sapagkat may pagkatao ring tunay na dakila
dapat pantay at walang sinumang nagdaralita
taos-pusong sundin ang nilalaman ng Kartilya
igalang natin ang pagkatao ng bawat isa
Lunes, Abril 25, 2011
Halik ng Truncheon
HALIK NG TRUNCHEON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
nakaharang muli ang mga truncheon
nitong parak sa mga raliyista
nilulunsad na raw yata'y rebelyon
gayong sila lang ay nagpoprotesta
mataas na ang presyo ng bilihin
gayong di naman tumaas ang sweldo
mahal na ang pamasahe't pagkain
kuryente, tubig, bahay at petrolyo
ikaw na lang ba'y tutunganga na lang
o sasama ka sa pagpoprotesta
trucheon, kanyon man ang nakahambalang
di tayo matatakot makibaka
ang pagrarali'y ating karapatan
kahit pa mukha nati'y magkadugo
o magkapasa ang ating katawan
kahit humalik ang truncheon sa bungo
karapatan natin ang magprotesta
kung walang ginagawa ang gobyerno
kundi lalong pahirapan ang masa
sistemang ito'y dapat nang mabago
Sabado, Abril 23, 2011
Di Na Uso ang mga Supremo
DI NA USO ANG MGA SUPREMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
i.
ang Supremo noon ay kinatay
ng mga kasama sa Kilusan
hinatulang ibaon sa hukay
kakampi'y tinuring na kalaban
ganyan ang kwento ni Bonifacio
nang makalaban si Aguinaldo
ii
di lang agawan sa pamumuno
marahil ang isyu nila noon
kundi ang ugali ng pinuno
na akala mo'y kung sinong maton
nangyari na iyon sa Tejeros
nang Supremo'y magwala ng lubos
iii.
kasamaha'y totoong nabigla
rebolber niya'y binubunot na
ganito pala ito magwala
buti na lang at naawat siya
siya'y pinagpasyahang ipiit
kasama pati kanyang kapatid
iv.
bago pa sumugod ang Kastila
ay dinala na sila sa labas
tinangka nilang maging malaya
ngunit sila'y agad na nautas
ang mga kapwa Katipunero
ang pumaslang mismo sa Supremo
v.
di na uso ang Supremo ngayon
baka maulit ang kasaysayan
pagkat nagbabago ang panahon
di tulad niya ang kailangan
dapat pamumuno'y kolektibo
at di diktadurya ng Supremo
* pinatay si Andres Bonifacio, kasama ang kapatid na si Procopio, noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite
Biyernes, Abril 22, 2011
Di Tayo Isinilang Para Sumunod Lang
DI TAYO ISINILANG PARA SUMUNOD LANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
di tayo isinilang para sumunod lang
o kaya'y para lang alipinin ninuman
bawat isa sa atin ay may karapatang
ituring na kapwa ng sinumang nilalang
kung sakaling isinilang tayong mahirap
huwag pumayag apihin ng mapagpanggap
magtulungan tayong abutin ang pangarap
na lipunang makatao sa hinaharap
dahil ba isinilang tayong maralita
karapatan na nilang apihin ang dukha?
ituturing pa nila tayong hampaslupa
tayo naman payag apihin ng kuhila
bawat isa'y may kalayaan nang isilang
di para maging alila't tagasunod lang
at kung nabuhay tayong iyan ang dahilan
buhay pala natin ay walang katuturan
di tayo alipin ninuman, tao tayo
kung alipin ang marami sa mundong ito
aba'y kumilos na tungo sa pagbabago
pagkat isinilang tayong malaya dito
kilalanin natin ang ating karapatan
kaya dapat lang matuto tayong lumaban
suriing mabuti ang ating kalagayan
matatantong di natin ito kapalaran
Miyerkules, Abril 20, 2011
Patuloy ang Paglalayag
PATULOY ANG PAGLALAYAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
patuloy pa rin ang aking paglalayag
kung saan-saan na ako naglagalag
upang hanapin kung sinong aking liyag
upang makilala ang magandang dilag
sino kaya itong aking pinangarap
sana'y makita ko na sa hinaharap
sa maraming taon nitong paghahanap
aking natagpuan siya't nakaharap
nakita ko siya't puso ko'y pumintig
pintig na kaylakas at dinig na dinig
sa magandang dilag agad napatitig
at naramdaman kong siya'y iniibig
sadyang kayganda ng kanyang mga ngiti
sa kanya nga'y tiyak di ako hihindi
pag nabigo ako'y maglalayag muli
doon sa kawalang walang pagkamuhi
Ang Magpapasya
ANG MAGPAPASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
sabi ko sa iyo, minamahal kita
at di ko sinabing mahalin mo ako
pagkat sa puntong 'yan, ikaw ang magpasya
ninais mo rin bang ako'y ibigin mo?
Martes, Abril 19, 2011
Isa Kang Palaisipan
ISA KANG PALAISIPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
sa akin, isa kang palaisipan
di ka naman gaanong kagandahan
di naman seksi ang iyong katawan
di perpekto ang iyong katauhan
ngunit inibig kita ng tuluyan
at tinanggap ko maging sino ka man
sa iyo, ako ba'y palaisipan?
kahit na di gaanong kagwapuhan
kahit na katawan ko'y katamtaman
kahit di perpekto ang katauhan
ako kaya'y iyong maiibigan?
at matanggap na maging kasintahan?
Sisikat Pa ang Araw Bukas
Linggo, Abril 17, 2011
Kung Paano Di Na Libakin
KUNG PAANO DI NA LIBAKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod
ang tao raw na walang pilak
ay parang ibong walang pakpak
kaya madalas nililibak
at lagi na lang hinahamak
kung ituring parang di tao
api ang pakiramdam nito
parang tao'y laging may presyo
kaya dapat gawin ba'y ano
kaya nasa isipan niya
magtotodong trabaho siya
dahil pag siya'y nagkapera
di na hahamakin ng iba
pera lang pala ang katapat
nang di na apihin ng lahat
kahit ang trabaho'y kaybigat
basta kunwari bulsa'y bundat
Sabado, Abril 16, 2011
Ang Nais ng Batang Lansangan
ANG NAIS NG BATANG LANSANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
buhay ba'y lagi nang ganyan
sabi ng batang lansangan
"araw-araw kagutuman
pamana ba'y kahirapan
ano bang pamamaraan
upang aking maiwasan
ang danas na kasalatan
at akin namang matikman
ang nasang kaligayahan
nais ko namang gumaan
itong aking kalagayan
a, ako'y maninilbihan
at aking pagsisikapang
magkatrabahong tuluyan
kahit maging alipin man
ng kung sinong mayayaman
tatanggapin kaya naman
ang tulad kong dukha lamang
o ako'y paglalaruan
at pagtatawanan lamang
basta aking susubukan
na magkatrabaho naman
di nga ba't may kasabihan
pag aking pinagsikapan
meron ding kapupuntahan
kapag pinangatawanan
pangarap ko'y makakamtan
basta't hindi sapilitan"
Dyaryo at Dyarista
DYARYO AT DYARISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
doon natititik ang mga insidente
nakatala sa dyaryo'y isyu't pangyayari
balita sa sambayanan ba'y anong silbi
para ba mabatid kung sinong nanalbahe
para ba maiwasan yaong mga imbi
para ba mayroong maikwento't masabi
ang panitik ng dyarista'y di napipipi
balitang nasagap ay di sinasantabi
agad na susundan, sila'y dumidiskarte
sinusulat agad kahit anong mangyari
balita ang kanilang ipinagbibili
dito sila nabubuhay at nagsisilbi
Biyernes, Abril 15, 2011
Hampaslupa at Dakila
HAMPASLUPA AT DAKILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hampaslupa ba'y kilala ng mga dakila
Maari bang dakilain ang mga hampaslupa
Pagkahampaslupa ba'y pagkadakila
Dahil isinilang na walang-wala
Walang saplot nang isilang
Walang sariling tahanan
Walang karapatan
Kung wala siyang karapatan
Bakit siya dakila
O dahil walang karapatan
Kaya siya hampaslupa
O ang mga hampaslupa'y
Alipin ng dakila
Huwebes, Abril 14, 2011
Di Bayani ang Diktador
DI BAYANI ANG DIKTADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.
di bayani ang diktador
na nagbaba ng martial law
at siyang dahilan
ng kamatayan ng marami
ng pagkawala ng maraming buhay
ng pagdukot sa mga aktibistang
di pa nakikita hanggang ngayon
di bayani ang diktador
na sumira sa buhay ng marami
na bumaboy sa karapatang pantao
na nagwasak sa dignidad ng kapwa
na nangutang ng nangutang
hanggang sa di ito mabayaran
at ngayon, nais ng maraming kongresista
na gawing bayani ang diktador
sa anong mga dahilan
upang matapos na ang kaguluhan?
upang burahin ang kanyang kamalian?
upang tuluyang baguhin ang kasaysayan?
o mga kongresistang ito'y nabayaran?
bakit ihahanay ang diktador
sa pagkilala kina Rizal?
Bonifacio at Ninoy Aquino?
nasaan na ang kanilang talento?
nasaan na ang kanilang puso?
nasaan na ang kanilang budhi?
wala ba silang aral sa kasaysayan?
binabastos nila ang sambayanan
o nais nilang tayo ay pagtawanan
ng mga kalapit bansa sa silangan
ng mga kapitalistang bansa
ng mga dating pangulo ng bayan
o nais nilang tayo'y maging luhaan
dahil wala pa ring katarungan
dahil di pa makita ang mga desaparesidos
dahil buburahin ang gunita ng bayan
di dapat pumayag ang mga matitino
di dapat sumang-ayon ang sambayanan
di tayo dapat pumayag, mga kababayan
na bayani na pala
ang nangurakot sa kabangbayan
ang dahilan ng kamatayan ng marami
ang dahilan ng pagkawala ng marami
ang sumira sa buhay ng masa
ang bumaboy sa karapatang pantao
ang nagwasak sa dignidad ng kapwa
di bayani ang diktador
di bayani si Marcos
Miyerkules, Abril 13, 2011
Ehersisyo ng Sinta
EHERSISYO NG SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Natanaw muli kita
Nag-eehersisyo
Patakbu-takbo
Pabali-bali ng balakang
Dahil nais mong mawala
Ang kaunting taba
Ang matambok na bilbil
Na nagpawala sa iyong
Kaseksihan
Aliw na aliw ako
Habang kita'y minamasdan
Maganda ka pa rin naman
Kahit tumaba ng bahagya
Kahit di gaanong seksi
Kahit may bilbil sa tiyan
Ang importante'y ikaw pa rin iyan
Di nagbabago ang pagtingin ko sa iyo
Dahil sabi ng puso kong hibang
Tumaba ka man o pumayat
Ikaw pa rin iyan
Di nito binabago
Ang pagtingin ko sa iyo
Dalumat kong magtatagumpay ka
Sa iyong pagtityaga
Sana'y magtagumpay ka
Lunes, Abril 11, 2011
Kalusugan o Kalasugan?
KALUSUGAN O KALASUGAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
kailangan ng kababaihan
ang reproduktibong karapatan
ngunit ayaw nitong kaparian
na ang babae'y maprotektahan
labing-isang ina bawat araw
pagkapanganak ang namamatay
ano bang nais ng kaparian
kamatayan ng kababaihan?
wala nga ba silang pakialam
sa babaeng dapat protektahan
labing-isang ina bawat araw
pagkapanganak ang namamatay
kalusugan at di kalasugan
ang reproduktibong karapatan
babae'y dapat pangalagaan
at huwag dalhin sa kamatayan
dapat ang babae'y di malasog
sila dapat ay maging malusog
ipasa ang panukalang batas
nang mapigilan ang pagkautas
ng mga nanganak ng di oras
ito'y makakatulong na lunas
pag nangyari'y mapipigilan na
ang pagkamatay ng mga ina
Di sapat ang mabuting puso lang ng pulitiko
DI SAPAT ANG MABUTING PUSO LANG NG PULITIKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
gaano man kabait itong mga pulitiko
na sa masa'y nangako ng tunay na pagbabago
marami pa ring maghihirap sa lipunang ito
dahil ang kalagayan ngayon ay kapitalismo
mangangako sila ng pabahay sa mga dukha
itataas daw ang sahod ng mga manggagawa
at may libre pang gamutan para sa maralita
may libre din silang pakain sa mga kawawa
sapat bang may mabuting puso yaong pulitiko?
sapat bang maging mabait ang isang kandidato?
kaya bang sabay-sabay bumait ang mga trapo?
sa kalooban ba ang umpisa ng pagbabago?
di ba't may batayan kung bakit ganid ang sistema?
di ba't ang naghahari'y ang may-ari ng makina?
di ba't desisyon ay nasa may-ari ng pabrika?
di ba't nag-aari ng lupa'y siyang mapagpasya?
di ba't kapangyarihan ay nasa mga may-ari?
ng kagamitan sa produksyon, sila yaong hari?
di ba't sila ang sa manggagawa'y nang-aaglahi?
di ba't ang mga may-ari ang naghaharing uri?
paano sasabay sa sistema ang kabaitan?
kung sa kalakalan, sila-sila'y nagsasagpangan?
kung una lagi'y tubo, sa tubo'y nag-uunahan?
kung ang trapo'y elitistang nasa pamahalaan?
gaano man kabait silang mga pulitiko
at laging nasasapuso'y paglilingkod sa tao
di pa rin uubra pag sistema'y kapitalismo
sistemang ito'y sagpangan, may panalo't may talo
tanggalin ang batayan ng naghaharing sistema
dapat nang wakasan ang pag-aari ng makina
gawing sosyalisado ang mga lupa't pabrika
upang kasuwapangan sa tubo'y di na umubra
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
gaano man kabait itong mga pulitiko
na sa masa'y nangako ng tunay na pagbabago
marami pa ring maghihirap sa lipunang ito
dahil ang kalagayan ngayon ay kapitalismo
mangangako sila ng pabahay sa mga dukha
itataas daw ang sahod ng mga manggagawa
at may libre pang gamutan para sa maralita
may libre din silang pakain sa mga kawawa
sapat bang may mabuting puso yaong pulitiko?
sapat bang maging mabait ang isang kandidato?
kaya bang sabay-sabay bumait ang mga trapo?
sa kalooban ba ang umpisa ng pagbabago?
di ba't may batayan kung bakit ganid ang sistema?
di ba't ang naghahari'y ang may-ari ng makina?
di ba't desisyon ay nasa may-ari ng pabrika?
di ba't nag-aari ng lupa'y siyang mapagpasya?
di ba't kapangyarihan ay nasa mga may-ari?
ng kagamitan sa produksyon, sila yaong hari?
di ba't sila ang sa manggagawa'y nang-aaglahi?
di ba't ang mga may-ari ang naghaharing uri?
paano sasabay sa sistema ang kabaitan?
kung sa kalakalan, sila-sila'y nagsasagpangan?
kung una lagi'y tubo, sa tubo'y nag-uunahan?
kung ang trapo'y elitistang nasa pamahalaan?
gaano man kabait silang mga pulitiko
at laging nasasapuso'y paglilingkod sa tao
di pa rin uubra pag sistema'y kapitalismo
sistemang ito'y sagpangan, may panalo't may talo
tanggalin ang batayan ng naghaharing sistema
dapat nang wakasan ang pag-aari ng makina
gawing sosyalisado ang mga lupa't pabrika
upang kasuwapangan sa tubo'y di na umubra
Biyernes, Abril 8, 2011
Ang Nagbibingi-bingihan
ANG NAGBIBINGI-BINGIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
nagbibingi-bingihan na naman
sinasabi mo'y ayaw pakinggan
tambak na yata ang luga niyan
tenga niya'y dapat malinisan
at baka makarinig na iyan
ang tinig mo'y naririnig niya
labas-masok lang sa kanyang tenga
ngunit walang pakialam baga?
para siyang dyipning di mapara
dahil nawalan ng preno pala?
di naman bingi ang isang iyan
lagi nang nagbibingi-bingihan
kausapin nyo ng masinsinan
baka naman siya'y matuluyan
at tuluyang di tayo pakinggan
Miyerkules, Abril 6, 2011
Ang Tulog at ang Bingi
ANG TULOG AT ANG BINGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
sadyang mahirap gisingin
ang nagtutulug-tulugan
ilang beses mang yugyugin
di rin magigising iyan
dahil gising na ang hayop
mahirap ding kausapin
ang nagbibingi-bingihan
pagsamo mo'y di diringgin
maglupasay ka man diyan
kahit dinig ka ng hayop
Martes, Abril 5, 2011
Hurado pa rin
HURADO PA RIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
di ang mga manonood
ang maghuhusga ng laban
tagabuyo lamang sila
sa mga nagsasalpukan
mga hinihiyaw nila
kung anong dapat mong gawin
habang sila'y tuwang-tuwa
kahit na duguan ka na
nagbayad kahit magkano
upang mapanood ka lang
kung paano mo gapiin
yaong iyong kinalaban
suntok, takbo, hingal, bayo
amba, bayo, suntok, takbo
ang buhay nila'y ganito
nilang mga boksingero
patulugin ang kalaban
sa panga'y iyong upakan
manonood na'y sigawan
magugulo't palakpakan
ang tanging magpapanalo
sa laban mo'y hindi sila
di ang mga manonood
na akala mo'y sadista
ngunit kung walang tumumba
manghihinayang na sila
ibalik daw tiket nila
gayong iyong pinasaya
ang lahat na'y ginawa mo
nang masungkit ang panalo
ngunit kaytitibay ninyo
sa labang umatikabo
gayunman, sa dulo pala
hurado ang magpapasya
anumang desisyon nila'y
dapat igalang ng masa
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
di ang mga manonood
ang maghuhusga ng laban
tagabuyo lamang sila
sa mga nagsasalpukan
mga hinihiyaw nila
kung anong dapat mong gawin
habang sila'y tuwang-tuwa
kahit na duguan ka na
nagbayad kahit magkano
upang mapanood ka lang
kung paano mo gapiin
yaong iyong kinalaban
suntok, takbo, hingal, bayo
amba, bayo, suntok, takbo
ang buhay nila'y ganito
nilang mga boksingero
patulugin ang kalaban
sa panga'y iyong upakan
manonood na'y sigawan
magugulo't palakpakan
ang tanging magpapanalo
sa laban mo'y hindi sila
di ang mga manonood
na akala mo'y sadista
ngunit kung walang tumumba
manghihinayang na sila
ibalik daw tiket nila
gayong iyong pinasaya
ang lahat na'y ginawa mo
nang masungkit ang panalo
ngunit kaytitibay ninyo
sa labang umatikabo
gayunman, sa dulo pala
hurado ang magpapasya
anumang desisyon nila'y
dapat igalang ng masa
Lunes, Abril 4, 2011
Busog sa Hirap
BUSOG SA HIRAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
busog sa hirap ang maralita
busog tatlong beses bawat araw
busog sa kawalan silang dukha
busog kaya lagi ang palahaw
Linggo, Abril 3, 2011
Binhi ng Rebelyon
BINHI NG REBELYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod
ihasik natin ang binhi
ng rebolusyon ng bayan
itindig natin ang puri
ng kapwa sa daigdigan
iwaksi ang pag-aari
na sanhi ng karukhaan
organisahin ang uri
upang lumaya ang bayan
Ang tsinelas at ang magkapareha
ANG TSINELAS AT ANG MAGKAPAREHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang tsinelas ay tulad din sa mag-asawa
walang silbi 'yung isa kung wala ang isa
kaya pag pag-ibig mo'y natagpuan mo na
aba'y huwag na siyang pakakawalan pa
bago man ang sapatos, kayganda ng balat
tingin mo ito sa iyo'y tama ang sukat
pag-uwi'y hahanapin pa rin ay tsinelas
kinasasabikan natin ito ng ganap
tulad din ng pinipintuho mong dalaga
pag kayong dalawa'y naging magkapareha
walang iwanan, pares na kayong dalawa
walang silbi 'yung isa kung wala ang isa
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang tsinelas ay tulad din sa mag-asawa
walang silbi 'yung isa kung wala ang isa
kaya pag pag-ibig mo'y natagpuan mo na
aba'y huwag na siyang pakakawalan pa
bago man ang sapatos, kayganda ng balat
tingin mo ito sa iyo'y tama ang sukat
pag-uwi'y hahanapin pa rin ay tsinelas
kinasasabikan natin ito ng ganap
tulad din ng pinipintuho mong dalaga
pag kayong dalawa'y naging magkapareha
walang iwanan, pares na kayong dalawa
walang silbi 'yung isa kung wala ang isa
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)