Miyerkules, Abril 27, 2011

Anuman ang kulay ng balat

ANUMAN ANG KULAY NG BALAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay: mangyayaring ang isa'y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao." - mula sa Kartilya ng Katipunan

malalim, sadyang tumatagos sa kaibuturan
pag Kartilya ang Katipunan ay naunawaan
dinadalisay nito'y pagkatao't kalooban
na armas sa maraming tunggalian sa lipunan

ang pagpapakatao'y binibigyan ng halaga
pakikipagkapwa'y dapat tagos sa kaluluwa
maging mabuti sa kapwa'y isabuhay tuwina
upang pakikitungo'y magbubunga ng maganda

anuman ang kulay ng balat ng tao sa lupa
sila'y ating kapwa, kapwang dapat inaaruga
sapagkat may pagkatao ring tunay na dakila
dapat pantay at walang sinumang nagdaralita

taos-pusong sundin ang nilalaman ng Kartilya
igalang natin ang pagkatao ng bawat isa

Walang komento: