Sabado, Abril 23, 2011

Di Na Uso ang mga Supremo

DI NA USO ANG MGA SUPREMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

i.

ang Supremo noon ay kinatay
ng mga kasama sa Kilusan
hinatulang ibaon sa hukay
kakampi'y tinuring na kalaban

ganyan ang kwento ni Bonifacio
nang makalaban si Aguinaldo

ii

di lang agawan sa pamumuno
marahil ang isyu nila noon
kundi ang ugali ng pinuno
na akala mo'y kung sinong maton

nangyari na iyon sa Tejeros
nang Supremo'y magwala ng lubos

iii.

kasamaha'y totoong nabigla
rebolber niya'y binubunot na
ganito pala ito magwala
buti na lang at naawat siya

siya'y pinagpasyahang ipiit
kasama pati kanyang kapatid

iv.

bago pa sumugod ang Kastila
ay dinala na sila sa labas
tinangka nilang maging malaya
ngunit sila'y agad na nautas

ang mga kapwa Katipunero
ang pumaslang mismo sa Supremo

v.

di na uso ang Supremo ngayon
baka maulit ang kasaysayan
pagkat nagbabago ang panahon
di tulad niya ang kailangan

dapat pamumuno'y kolektibo
at di diktadurya ng Supremo

* pinatay si Andres Bonifacio, kasama ang kapatid na si Procopio, noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite

Walang komento: