Lunes, Abril 11, 2011

Di sapat ang mabuting puso lang ng pulitiko

DI SAPAT ANG MABUTING PUSO LANG NG PULITIKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

gaano man kabait itong mga pulitiko
na sa masa'y nangako ng tunay na pagbabago
marami pa ring maghihirap sa lipunang ito
dahil ang kalagayan ngayon ay kapitalismo

mangangako sila ng pabahay sa mga dukha
itataas daw ang sahod ng mga manggagawa
at may libre pang gamutan para sa maralita
may libre din silang pakain sa mga kawawa

sapat bang may mabuting puso yaong pulitiko?
sapat bang maging mabait ang isang kandidato?
kaya bang sabay-sabay bumait ang mga trapo?
sa kalooban ba ang umpisa ng pagbabago?

di ba't may batayan kung bakit ganid ang sistema?
di ba't ang naghahari'y ang may-ari ng makina?
di ba't desisyon ay nasa may-ari ng pabrika?
di ba't nag-aari ng lupa'y siyang mapagpasya?

di ba't kapangyarihan ay nasa mga may-ari?
ng kagamitan sa produksyon, sila yaong hari?
di ba't sila ang sa manggagawa'y nang-aaglahi?
di ba't ang mga may-ari ang naghaharing uri?

paano sasabay sa sistema ang kabaitan?
kung sa kalakalan, sila-sila'y nagsasagpangan?
kung una lagi'y tubo, sa tubo'y nag-uunahan?
kung ang trapo'y elitistang nasa pamahalaan?

gaano man kabait silang mga pulitiko
at laging nasasapuso'y paglilingkod sa tao
di pa rin uubra pag sistema'y kapitalismo
sistemang ito'y sagpangan, may panalo't may talo

tanggalin ang batayan ng naghaharing sistema
dapat nang wakasan ang pag-aari ng makina
gawing sosyalisado ang mga lupa't pabrika
upang kasuwapangan sa tubo'y di na umubra

Walang komento: