Linggo, Enero 31, 2010

Di Banal

DI BANAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

kapital
binungkal
kalakal
sinugal
kontraktwal
sinakmal
at kaswal
sinampal
nangatal
kriminal
tiwakal
pedestal
imburnal
di banal

Istorya ni Barok

ISTORYA NI BAROK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

pasok
barok
umpok
lagok
alok
tambok
hayok
rurok
bulok
hutok
gulok
tusok
umbok
hagok
antok
lugmok

Sabado, Enero 30, 2010

Minsan sa Isang Kanto

MINSAN SA ISANG KANTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

kawatan
looban
holdapan
kasahan
labanan
buntalan
duguan
banatan
patayan
libingan

Pisak

PISAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

balak
lagak
tambak
alak
imbak
hamak
tunggak
libak
laklak
pisak
pasak
bulak

Sa awtor ng "Catcher in the Rye"

SA AWTOR NG "CATCHER IN THE RYE"
Jerome David Salinger (Enero 1, 1919 – Enero 27, 2010)
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

isa kang inspirasyon sa maraming manunulat
upang mga bayang hirap ay tuluyang mamulat
bagamat para sa kabataan yaong sinulat
matatanda'y humanga sa mga isiniwalat

tinalakay ng libro'y di pagkamakatarungan
ng pagitan nitong kagalingan ng kabataan
at sa mga matatanda'y gawang katiwalian
na ang mensahe'y may awang sa kanilang pagitan

ano nga bang meron sa iyong aklat na "Catcher in the Rye"
dahil sa aklat mo'y maraming pumatay at namatay
gayong aklat mo nama'y tumatalakay sa buhay
tulad ni Holden Caufield na tila bayaning tunay

ayon kay David Chapman na pumatay kay John Lennon
ang nobela mo'y maraming sagot na tumutugon
sa maraming suliranin at kanyang inspirasyon
taglay ba ng libro mo'y mga hamon at rebelyon

si John David Hickley na tulad din ni David Chapman
ay nakitaan din sa kanyang otel ng librong turan
nang tangkain niyang paslangin si Pangulong Reagan
taglay yata ng libro mo'y maraming katanungan

"Catcher in the Rye", sa mundo'y librong kinikilala
kasama sa sandaang magagaling na nobela
sa estilo mo ng pagsusulat ay hanga sila
at ako ring sa aklat mo'y nagsimulang magbasa

Linggo, Enero 24, 2010

Tumutula ako dahil...

TUMUTULA AKO DAHIL...
ni Gregorio V. Bituin Jr.

tumutula ako
dahil di ko masabi sa iyo
ng diretso
ang laman ng puso ko

makapal ang mukha ko
sa anumang labanan
sa pakikibaka
sa rali sa lansangan
ngunit napipipi ako
pag kaharap ka, sinta

hindi naman ako pipi
patunay ang paghiyaw ko sa rali
laban sa pamahalaang bingi
sa iyo lang ako napipipi

kaya dinadaan ko sa tula
ang aking saloobin
ang nilalaman ng puso
ang kaloob-loobang diwa
ang aking pagkaako

patuloy akong kakatha
ng maraming akda
patuloy akong tutula
ng maraming katha
para sa iyo at sa madla

Sabado, Enero 23, 2010

Si Macario Sakay, ayon kay Heneral Artemio Ricarte

SI MACARIO SAKAY, AYON KAY HENERAL ARTEMIO RICARTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sina Sakay at De Vega nga'y bayaning totoo
ngunit binitay dahil sa Ley de Bandolerismo
upang yaong di nagsisuko sa Amerikano
ay maparatangan at usigin bilang bandido
ngunit sila'y tunay na mga rebolusyonaryo
para sa atin sila'y bayani't patriyotiko

* This statement was supported by Gen. Artemio Ricarte in his letter sent to Mr. Jose P. Santos. He said, “Sakay and de Vega were hanged because of the LEY DE BANDOLERISMO in order that these patriots who refused to surrender might be persecuted as outlaws.
- mula sa artikulong "Why did Sakay wear his hair long?" ni Quennie Ann Palafox sa kawing na http://nhcp.gov.ph/why-did-sakay-wear-his-hair-long/

Si Macario Sakay, ayon kay Heneral Pio del Pilar

SI MACARIO SAKAY, AYON KAY HENERAL PIO DEL PILAR (23 Enero 1930)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

si Heneral Pio del Pilar noon ay nag-ulat
kay Ginoong Jose P. Santos ay kanyang sinulat:
"si Macario Sakay, makabayang tunay at tapat
na prinsipyo ng Katipunan ay ipinakalat

upang makamtan ng bayan ang asam na paglaya
mula sa pang-aapi't pananakop ng Kastila
hanggang sa Amerikanong sa bayan kumamawa
si Sakay ay bayaning tunay sa harap ng madla

sa bayan-bayan, Katipunan ay pinalaganap
sa kababayan ay matiyagang nakipag-usap
bakit dapat lumaya, anong lipunang pangarap
hanggang si Macario'y maraming Katipong nakalap"

sa pangangalap ng tao'y tunay na mahinahon
magaling na organisador ng kanyang panahon

* According to Gen. Pio del Pilar in a letter to Mr. Jose P. Santos, dated January 23, 1930, “Macario Sakay in his best knowledge was a true patriot who spread the seeds of the Katipunan to win the independence of the Philippines. He was one of those who went from town to town, winning the people over to the cause of the Katipunan, and thus, kept alive the spirit of resistance to the enemies”. He added, “Sakay may be called a tulisan or bandit by the Americans. That was the reason they executed him. But before God, Country, and Truth, he was a true son of the Country whom his fellow countrymen must revere for all the times”. 
- mula sa artikulong "Why did Sakay wear his hair long?" ni Quennie Ann Palafox sa kawing na http://nhcp.gov.ph/why-did-sakay-wear-his-hair-long/

Biyernes, Enero 22, 2010

Sana'y makadaupang palad ko si Fidel Castro

SANA'Y MAKADAUPANG PALAD KO SI FIDEL CASTRO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

Sana ay makadaupang palad ko si Fidel Castro
At maraming matutunan sa kanya, di lang sa libro
Siyang kilalang bayani sa panahon nating ito
Lider ng Cuba at tagapagtatag ng sosyalismo

Pagkat di lang sa pagbabasa ng kasaysayan nila
Tayo matututo kundi sa mismong lider ng Cuba
Na nakibaka't napalaya pa ang maraming masa
Magandang aral ito sa makabagong aktibista

Itong nasa isipan ko'y isa lang simpleng pangarap
Ngunit ako'y nagsisikap na matupad itong ganap
Wala namang mawawala kung sa akin ngang hinagap
Ang personalidad na ito'y akin nang nakaharap

Sana ay makadaupang palad ko si Fidel Castro
Bago man lang mawalang tuluyan ang aking idolo

Huwebes, Enero 21, 2010

Ibalik daw si Erap

IBALIK DAW SI ERAP
ni Matang Apoy
13 pantig bawat taludtod

Ibalik si Erap, ang sabi ng iilan
Sa kahirapan daw, siya ang kasagutan
Walang kama-kamag-anak at kaibigan
Nais nang bumalik, ibalik ngang tuluyan
At bakasakali ngang siya'y matauhan
Ibalik si Erap! Ibalik sa KULUNGAN!

Pangulong Hari, Haring Pangulo

PANGULONG HARI, HARING PANGULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"I Want To Be King Again" declares Erap Estrada, Inquirer headline, January 21, 2010

"ang hangad ko'y muling maging hari sa bansa"
anang dating pangulong Estrada sa madla
ang tinuran niyang ito't inaadhika
ay di hangarin ng totoong makadukha

ang pangulo'y dapat nagsisilbi sa bayan
ang hari naman yaong pinagsisilbihan
kaya pag nanalo si Erap sa halalan
Haring Erap, di Pangulong Erap ang turan

payag ba kayo sa kandidatong si Erap
na muling maging pangulo ng bayang hirap
kung maging hari siya sa kanyang pangarap
siya'y pagsisilbihan, di siya lilingap

dapat bang maging pangulo ang kandidato
na ang gusto'y maging hari sa mga tao
imbes na siya'y maglingkod bilang pangulo
nasa isip ay maghari-harian ito

aba'y di pala tayo ang paglilingkuran
nais nya'y maging haring dapat pagsilbihan
kaya tayo'y di dapat muling magpalinlang
dahil baka tayo'y pulutin sa kangkungan

Miyerkules, Enero 20, 2010

Maso ang nais ko sa puntod

MASO ANG NAIS KO SA PUNTOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maso, hindi kurus, ang nais ko sa puntod
pagkat ito'y tanda ng aking paglilingkod
sa uring manggagawang todo ang pagkayod
mabuhay lamang kahit kaybaba ng sahod

maso, hindi kurus sa puntod ang nais ko
pagkat ito'y tanda ng tangan kong prinsipyo
na lipunang ito'y lipunan ng obrero
di ng ganid na sistemang kapitalismo

maso ang nais ko sa puntod, hindi kurus
pagkat ito'y tandang naglingkod akong lubos
sa mga manggagawa't mamamayang kapos
upang sa araw-araw sila'y makaraos

maso't di kurus sa puntod ang aking nais
pagkat ito'y tanda ng prinsipyong malinis
hangad na sistema'y di maging labis-labis
at mapalitang tunay ang lipunang lihis

Martes, Enero 19, 2010

Palsipikadong Lingkod

PALSIPIKADONG LINGKOD
(Pitik lang sa mga trapong kandidato sa Eleksyon 2010)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

talagang huwad iyang mga pulitiko
wala tayong mapapala sa mga ito
lagi nang pangako doon, pangako dito
ang sinasabi nitong mga lokong trapo

pag kampanyahan sila na'y makamahirap
hahawiin daw nila ang lambong ng ulap
iibsan daw nila ang ating paghihirap
hay, panahon na nga ito ng mapagpanggap

mag-ingat tayo sa mga lingkod na ito
sinasabi nila'y pawang hindi totoo
gusto lang nila sa atin ay ating boto
at hindi tunay na maglilingkod sa tao

pagkat sila'y palsipikadong lingkod-bayan
ang tingin sa masa'y paano pagtubuan
ang lakas-paggawa nito't pangangatawan
palsipikadong lingkod ay sadyang gahaman

kaya sa kangkungan atin silang ibato
dahil wala ngang silbi silang mga trapo
mga tulad nila'y huwag nang ipanalo
pag nanalo sila'y kawawa muli tayo

Serbisyo, Hindi Perwisyo

SERBISYO, HINDI PERWISYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nais ng masa'y serbisyo publiko
at tunay na paglilingkod sa tao
nais nila'y tapat at hindi trapo
na naglilingkod di sa negosyo

ayaw nila ng perwisyo publiko
na pangunahin ay tubo, di tao
ayaw rin nila ng trapong perwisyo
na walang ginawa kundi manggago

serbisyo ang kailangan ng bayan
tunay na lingkod ng sambayanan
ayaw nila ng kasinungalingan
ng mga trapong talagang gahaman

mga trapo'y lagi nang nakatanghod
sa boto ng masa'y naninikluhod
ang dapat magserbisyo kayong lingkod
nang itong bayan sa inyo'y malugod

Lunes, Enero 18, 2010

Pag Kumatok ay Di Mo Kilala

PAG KUMATOK AY DI MO KILALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kakatok sa pinto, magpapakilala
kalan nyo't gasul daw ay tsetsekin nila
kapag nasa loob na ng bahay sila
kayo'y tututukan na't holdaper pala

kakatok sa pinto, sila raw ay saksi
ng Diyos kaya kayo agad magsisi
alok ay magasin, ikaw na'y bumili
ngunit mag-ingat sa kanilang salisi

kakatok sa pinto, alok ay home service
body scrub, foot spa, masaheng Swedish
ngunit mag-ingat, kamay nila'y kaybilis
sa bahay nyo mismo ikaw'y tinitiris

kakatok sa pinto, huwag papasukin
kung di mo kilala at baka salarin
matatamis na salita'y huwag dinggin
di mo alam, ikaw ang bibiktimahin

kayrami ng ganitong mga balita
binibiktima ng sindikato'y madla
nasalisihan, nanakawan, lumuha
mga biktima'y sadyang natutulala

sa isip nila ikaw'y tatanga-tanga
at kayang-kaya ka nilang mabiktima
huwag papasukin ang di mo kilala
batas itong dapat ay tandaan mo na

Mga Gamit ng Kutsara

MGA GAMIT NG KUTSARA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

noong una tayo'y naghihinaw
bago kumain ng luto't hilaw
ngunit ngayon ito'y nag-iba na
pagkat kailangan na'y kutsara

kutsara na ang katulong natin
sa pagsubo ng ating pagkain
kaya ang kutsara'y inimbento
para lamang sa layuning ito

ngunit marami pa palang gamit
itong kutsara sa nagigipit
pwede itong gamiting panggayat
ng mga kamatis at sibuyas

pamitpit ng bawang nang sumarap
ang ulam na ating nilalasap
higit sa lahat ito'y pambukas
ng serbesa't lata ng sardinas

Linggo, Enero 17, 2010

Ang Aking Tsinelas


ANG AKING TSINELAS
ni greg bituin jr.
9 pantig bawat taludtod

hinahanap-hanap ko siya
pagkagising ko sa umaga
nang maginhawang maihatid
sa pupuntahang walang patid

depensa sa daang matinik
alalay sa daang matarik
pati sa lansangang kaylamig
nang ako'y di naman manginig

kaysarap sa paang de kalyo
na parang hinehele ako
nagserbisyo kahit luma na
swelas man ay medyo pudpod pa

tsinelas ko'y nakalulugod
pagkat siya'y totoong lingkod

Tarantadong Trapo

TARANTADONG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

huwag iboto ang mga tarantadong trapo
dahil tiyak tatarantaduhin muli tayo
nitong mga tarantadong trapo pag nanalo
kaya ang dapat nating gawin sa mga ito
ay gawin nang trapo silang mga tarantado

Trapo, Ibasura

TRAPO, IBASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

trapo'y walang kwenta
di lingkod ng masa
wala bang konsensya
mga tulad nila
dapat lamang pala
trapo, ibasura

trapo, ibasura
baguhin ang sistema
tayo'y magkaisa
laban sa kanila
ating ibasura
silang walang kwenta

Trapong Buktot

TRAPONG BUKTOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

Nilalang nila ang poot
Galit, pangamba, hilakbot
At kung anu-anong gusot
Para makapangurakot

Sadyang sila'y trapong buktot
Pagkukunwari ang dulot
Pagngiti'y nakasimangot
Ngunit utak ay baluktot

Huwag sa kanilang umamot
Ng kahit anong nahakot
Magtiis nang mamaluktot
Habang maiksi ang kumot

Trapong buktot ay asungot
Dulot sa bayan ay lumot

Sabado, Enero 16, 2010

Ang Aking Pamaypay - tula ni Gat Andres Bonifacio

Ilang pahayag hinggil sa salin: 

Hindi lang nagsalin ng tula ni Rizal si Bonifacio bilang patunay ng kanyang kaalaman sa wikang Kastila, kundi nagsulat din siya ng tula sa wikang Kastila, na ayon sa mananaliksik na si Virgilio S. Almario ay mula umano sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel. [Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), V. S, Almario, pahina 134]. Ang tulang ito "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." (Ibid.) Ibig sabihin, di lang simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi isang awit. 

Noong high school ako ay may kurso pang Spanish. Nasa third year yata kami noon nang nagturo sa amin ng Spanish ang aming gurong si Mam Luz Boayes. Kahit ang sikat na awiting Espanyol na "Eres tu" ay tinuro niya't pinakanta sa amin, at tanda ko pa ang tono nito. Halos limot ko na ang ilang itinurong mga pangungusap sa Espanyol dahil bihira naman itong gamitin sa araw-araw. Sa kaunti kong kaalaman sa wikang Kastila, sinubukan kong isalin ang tula ng ating bayani. Wala kasing salin ang awiting ito sa aklat ni Almario. Ang nagawa ko'y isang tulang may labing-anim na pantig na may sesura (hati) sa ikawalo. 

Narito ang dalawang saknong na tulang Mi Abanico ni Bonifacio at ang aking pagkakasalin:

MI ABANICO
un poema de Andres Bonifacio

Del sol nos molesta mucho el resplandor,
Comprar un abanico de quita el sol;
Aqui sortijas traigo de gran valor,
De lo bueno acaba de lo mejor,
de lo mejor.

El abanico servi sabeis para que?
Para cubrir el rostro de una mujer,
Y con disimulo pondreis mirar,
Por ente las rajillas del abanico.
Vereis la mar.

ANG AKING PAMAYPAY
tula ni Gat Andres Bonifacio
salin mula sa wikang Kastila ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sadyang nakababagabag yaring araw na sumikat
Kaya dapat lang mabili ang pamaypay na pantapat
May dala rin akong singsing na mahusay yaong karat
Kung ano ang mas mabuti ay buting karapat-dapat
kabutihang nararapat.

Ang silbi ng pamaypay ay iyo bang nababatid
Na sa maamong mukha ng binibini'y nagsisilid
At kabighanian niya'y susulyapan din ng lingid
Mula sa katawan niring pamaypay na ating hatid
habang ang dagat ay masid

Biyernes, Enero 15, 2010

Sila-sila na naman

SILA-SILA NA NAMAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sila raw ang bagong tagapagligtas
silang trapong bayan ang hinuhudas

silang galing sa pamilya ng trapo
pawang nag-aagawan na sa trono

sa pagbabago sila raw ang sugo
sa telebisyon panay ang pangako

sila-sila pa rin sa bayang ito
ngunit hirap pa rin itong bayan ko

sila pa rin ba ang dapat ihalal
nitong bayang kanilang sinasakal

ibagsak na natin ang mga trapo
at ibasura na ang mga gago

Panaghoy sa Guho

PANAGHOY SA GUHO
(Lindol sa Haiti)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nananaghoy ang tinig sa ilang
nang magsiguho ang kaunlaran
mga hikbi'y pumapailanlang
nananaghoy doon sa kawalan

gumuho'y mga gusali't tulay
pati yaong karaniwang bahay
lindol na kaylakas bumalatay
kaya kayraming tigib ng lumbay

bumaha na ang maraming luha
nang kanilang mahal ay nawala
mga pawang nilamon ng lupa
para bang natanggap nila'y sumpa

marami pang panaghoy sa guho
sagipin sila't huwag sumuko

Sutsot ni Ina


SUTSOT NI INA
ni greg bituin jr.

malayo ang kanto
na pinaglalaruan namin
meron yatang limampung metro
o sandaang metrong landasin
dahil ayaw naming maglaro
sa tapat ng bahay
baka makita ni ina
ay pauwiin kami agad
pagkat daanan ng dyip at kotse
ang sementadong daang laruan
ngunit sa isang sutsot lang ni ina
kahit nasa kalsadang nasa likod-bahay
agad kaming babalik ng pugad
agad kaming uuwi ng tahanan
dahil kilala namin si ina
dahil kilala namin ang sutsot ni ina
sutsot na nanunuot sa kalamnan
sutsot na sinturon ang katapat
pag di agad nakauwi
sutsot na senyales
upang maglinis na ng marusing na katawan
dahil sa magulong paglalayag
at pakikipagbuno
sa mga alikabok
ng aspaltadong lansangan

Huwebes, Enero 14, 2010

Uno, Dos, Tres

UNO, DOS, TRES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Uno

Panawagan natin sa kapwa tao
Baguhin natin ang sistemang ito
Pagkat salot itong kapitalismo
Sa buhay ng dukha't aping obrero

Dos

Kapitalismo ang bumubusabos
Sa mamamayan ng bayan kong kapos
Sadyang tayo'y kanilang inuubos
At unti-unti nilang pinupulbos

Tres

Huwag pabayaang tayo'y magahis
Ng sistemang bulok na sadyang lihis
Kaya tayo'y dapat magbigkis-bigkis
Upang sa kapitalismo'y tumiris

Paglilibang, Pagkahibang

PAGLILIBANG, PAGKAHIBANG
ni Greg Bituin Jr.

nainom ko'y dalawang beer pa lang
at ikaw'y naaalala
sarili ko'y aking nililibang
habang wala ka pa, sinta
sa magandang weytres nadadarang
dahil wala ka pa, sinta
ang puso ko kunwa'y inuumang
sa weytres na dalaga pa
pagkat wala ka pa'y nahihibang
sa weytres na pagkaganda
ngunit ayokong ako'y manlinlang
ikaw ang nais ko, sinta
di ko ugaling makapanlamang
lalo na't seksing dalaga
nainom ko'y dalawang beer pa lang
sinta ko, nasaan ka na?

Miyerkules, Enero 13, 2010

Huwag kang magbibigti

HUWAG KANG MAGBIBIGTI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bakit ba nakatalungko ka riyan
sa mga problema ba'y nabibigatan
bakit kaytindi ng nararanasan
problema nga ba'y walang katapusan

bakit ba lubid na ang iyong tangan
balak mo bang magbigti, kaibigan
aba. aba, maghinay-hinay ka lang
pagkat problema mo'y may kasagutan

ay naku, huwag mong pakadibdibin
ang bumabagabag na suliranin
solusyon ang iyong pakaisipin
at di kung paano ka ibibitin

huwag kang magbigti, sayang ang buhay
may solusyon pang darating na tunay

Planong Panis

PLANONG PANIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

"An idea not coupled with action will never get any bigger than the brain cell it occupied." ~Arnold Glasow

anumang plinano'y napapanis
pag di ginawa'y nakakainis
mahirap naman kung magtitiis
di maaksyunan ang planong nais

utak-biya kaya ang kapara
ng nagplanong panis naman pala
ang hirit ko lang sana'y pasensya
kung may nasapol sa pambubuska

Martes, Enero 12, 2010

Putok sa Buho

PUTOK SA BUHO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di na malaman kung saan nagmula
ang putok sa buhong pagala-gala
sa lansangan ang tulad niyang dukha
di matanto kung anong mapapala
sa buhay na sangkahig at santuka
nabuhay siyang nakatanikala
sa kahirapan, pagdurusa't luha

para bang tadhana'y napakaramot
kaya dinanas sa buhay ay lungkot
sa maraming gulo nga'y nasasangkot
siyang sa buhay ay tila nalimot
katotohanang nakapanlalambot
sa tulad niyang tila haliparot
putok sa buho ba'y saan aabot

putok man sa buho'y dapat lumaban
at di dapat paapi kaninuman
putok sa buho'y di dapat batugan
kundi'y magsumikap sa katungkulan
putok man sa buho'y may karangalan
at tandaang siya'y may karapatan
na dapat kilanlin ng buong bayan

Sabado, Enero 9, 2010

Ang Pangako ng Lalaking Makata

ANG PANGAKO NG LALAKING MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kaytamis ng pangako ng lalaking makata
sa kanyang pinapangarap na dalagang sinta
dalaga'y iibigin sa buong buhay niya
at aalagaan siya sa tuwi-tuwina

magbubuo sila ng maayos na pamilya
walang iwanan, sa ginhawa man o sa dusa
kaya yaong lalaking makata'y umaasa
na mapapasagot niya ng oo ang sinta

hindi maipangako ng lalaking makata
na buwan at bituin ay ikukwintas niya
sa leeg ng magandang dalagang sinisinta
kundi kung anong kayang trabaho ng makata

anumang luho'y di maibibigay sa sinta
ngunit pinapangakong sa hirap at ginhawa
magkasama pa rin at aayusin ang problema
maging kamatayan man ang kaharapin nila

kaya sa araw-araw ay magsisikap siya
upang patunayang hindi siya nambobola
itataguyod niya ang mabuong pamilya
ang kakainin nila'y galing sa pawis niya

kaytamis ng pangako ng lalaking makata
di lang pawang tula kundi magsisikap siya
para sa sinta'y magsisipag na ang makata
at lapat sa lupa ang mga pangako niya

Hangga't Di Nagwawagi

HANGGA'T DI NAGWAWAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

hindi tayo titigil hangga't di nagwawagi
laban sa mga kalabang naghaharing uri
sa pakikibaka tayo'y mananatili
nang tuluyang bumagsak ang mga naghahari

naghaharing uri'y pahirap sa manggagawa
uring naghahari'y pahirap sa mga dukha
karaniwang tao sa kanila'y balewala
at tingin sa sarili'y walang dungis sa mukha

hindi tayo titigil hangga't di bumabagsak
ang naghaharing sistemang sa tao'y pahamak
naghaharing uri'y dapat gumapang sa lusak
kung kakayanin pa'y ibaon sila sa burak

Titik sa hangin

TITIK SA HANGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pawang sa hangin lamang natititik
ang mga ninanais kong iimik
parang ako'y dinapuan ng lintik
pagkat sa dilag ako'y nasasabik
nawa'y gawaran n'ya ako ng halik

Biyernes, Enero 8, 2010

Usapan ng Dalawang Puso

USAPAN NG DALAWANG PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang tanaga

dalawang sintang tunay
ay may usapang gabay:
mabuti pang mamatay
kaysa magkahiwalay

Dalawang Mukha ng Pag-ibig

DALAWANG MUKHA NG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i
kalaguyo
nasiphayo
at nabigo
natuliro

ii
kasintahan
nagbungkalan
kalooban
nagmahalan

Mapanglaw Pa ang Dibdib ng Gabi

MAPANGLAW PA ANG DIBDIB NG GABI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halos magpatiwakal siya sa narinig
sinta raw niya'y may bago nang iniibig
parang buong pagkatao niya'y nalupig
tila siya'y nalumpo't nilunod sa tubig

ang mata niya'y nakatitig sa kawalan
utak niya'y bihag ng panglaw ng karimlan
di niya matanto ang angking kabiguan
at tila sugat-sugat ang kanyang kalamnan

mapanglaw, mapanglaw pa ang dibdib ng gabi
di alam kung siya ba'y manggagalaiti
may puwang pa kaya ang bait sa sarili
habang siya'y abot-abot ang pagsisisi

sadyang pumanglaw na ang dibdib ng karimlan
di pa niya alam kung anong magigisnan
paano kung sumikat ang kaliwanagan
may bagong umaga na ba siyang daratnan?

Alimuom ng Bagong Pagsinta

ALIMUOM NG BAGONG PAGSINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

sa sinumang dilag, puso'y bukas ng makatang aba
lalo na't mapupusuan ay magandang aktibista
biyaya ng pag-ibig sa puso ko'y tiyak kakasya
pagkat sisidlang ito'y laging walang laman sa twina

o, magandang aktibista, laging inspirasyon kita
sabay nating tahakin yaong landas na sosyalista
magkasama tayo sa pag-ibig at pakikibaka
sa dakilang pag-ibig ko'y pitasin mo yaring bunga

nakita na kita, mahal, niyanig mo itong puso
ngunit bakit ba ang puso natin ay di pa magtagpo
dahil ba makata'y aba pa't baka ka masiphayo
kaya hinahayaan mo nang ang puso ko'y magdugo

kaya ngayon, ang makatang aba'y naghahanap muli
ng bagong iibiging nais niyang lagyan ng binhi
ayaw na niyang kalumbayan sa puso'y manatili
nais niyang ang puso ng mahal ay maipagwagi

Huwebes, Enero 7, 2010

Ang mawawala sa manggagawa

ANG MAWAWALA SA MANGGAGAWA
ni Greg Bituin Jr.

ating tandaang pawa
na walang mawawala
sa mga manggagawa
kundi ang tanikala
ng iwing pagkadukha
ng tuluyang lumaya
sa sakripisyo't luha

Miyerkules, Enero 6, 2010

Kung galit ka sa sistema

KUNG GALIT KA SA SISTEMA
ni Greg Bituin Jr.

kung galit ka sa sistema
huwag mo itong ipakita sa pamamagitan
ng pagpapasabog o paggiba
ng mga gusali o kaya'y
pananakit ng kapwa

kung galit ka sa sistema
pag-aralan mo ang lipunan
unawain mo itong mabuti
mula doon ay magsimula ka
at pangarapin ang pagbabago

Ang Puntod ng Kalikasan

ANG PUNTOD NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

marami na ang nangamatay na puno
at pati hangin ay nakakatuliro
di ko na alam saan tayo patungo
itong kalikasan na'y naghihingalo

paano kung ito'y tuluyan namatay
ang kalikasan ay nagmistulang bangkay
ang puntod nito'y saan ba ilalagay
doon ba sa kung saan tayo humimlay

linaw ng tubig ay tuluyang lumabo
ganda ng kalikasan ay naglalaho
tila puso nito'y talagang nagdugo
pagkasira'y paano ba masusugpo

sino ang maglalagay ng puntod nito
kung wala na ritong nananahang tao
sinong mag-aalay ng bulaklak dito
gayong ulila na ang puntod na ito

Punglo at puso

PUNGLO AT PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bumubuti ang lagay ng sintang amasona
na tinamo sa pakikibaka'y isang bala
malapit sa puso't tagos hanggang kaluluwa
ako'y nanggagalaiti sa sinapit niya

sana ako na lang ang tinamaan ng punglo
upang di na natuliro itong aking puso
ayokong ang bala ang sa sinta ko'y gugupo
ayokong pangarap nami'y tuluyang gumuho

Martes, Enero 5, 2010

Huwag Basta Ibigay ang Lupang Arenda

HUWAG BASTA IBIGAY ANG LUPANG ARENDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

balak na naman nilang mang-agaw ng lupa
tao'y paalisin, itapong walang awa
kayrami nang demolisyong nakasisira
demolisyong dukha'y tila isinusumpa

ngayon, ang puntirya nila'y Lupang Arenda
na tahanan na ng libu-libong pamilya
higit isang dekadang ito'y naproklama
ngunit ngayon, ito'y nais nang bawiin pa

ang bawat tahanan ay katumbas ng dangal
at ang mang-aagaw nito'y talagang hangal
sa kaibuturan nila'y kaysamang asal
nais pa nilang ang tao'y sadyang masakal

kaya bawat pamilya rito'y magkaisa
ipaglaban natin ang bukas ng pamilya
huwag basta ibigay ang Lupang Arenda
tanging tahanan ay di dapat maagaw pa

(inakda matapos ang pagkilos ng mga taga-Lupang Arenda sa Malacañang noong Enero 5, 2010)

Lunes, Enero 4, 2010

Panahon na naman ng mga buwitre

PANAHON NA NAMAN NG MGA BUWITRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naglipana na naman ang mga buwitre
nag-aastang sila't tulad ng kalapati
kunwari'y nakikinig na ang mga bingi
at nangangakong sa masa na'y magsisilbi

huhubarin ang mamahalin nilang saplot
mukhang basahan ang kanilang isusuot
para daw mga dukha'y kanilang maabot
ngingiting pilit kahit nais sumimangot

dahil kailangan ng buwitre ng boto
upang sa kagubatan sila na'y manalo
at magpapakabundat muli silang todo
habang likas-yaman ay inuubos nito

pabayaan ang uwak na sila'y ihalal
ngunit huwag ipanalo ang mga hangal
ipakitang kalapati'y may angking dangal
buwitre'y ibagsak sa gubat na masukal

Mungkahing Tita Flor Theme


MUNGKAHING
TITA FLOR THEME
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

I
Tita Flor, ilagay sa konseho
Sa Lunsod Quezon, sa Distrito Uno
Tita Flor, para sa pagbabago
Kaya siya na'y ating iboto

II
Si Tita Flor ang ating kasangga
Ating kasama sa hirap, dusa
Si Tita Flor ang ating pag-asa
Siya'ay matulungin sa masa

Koro:
Si Tita Flor, pag-asa ng masa
Si Tita Flor, ating konsehala
Si Tita Flor, isulat sa balota
Pagkat siya ang ating pag-asa

Ulitin ang I, II at Koro
Ulitin ang Koro ng 2 beses

(Si Tita Flor Santos ng Sanlakas ay tumatakbo sa pagkakonsehala ng Unang Distrito ng Lunsod Quezon sa Halalang 2010)

Mungkahing JV Bautista Theme


MUNGKAHING
JV BAUTISTA THEME
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I
Kaytagal nang naghihirap ang sambayanan
Hirap pa rin sa kabila ng kaunlaran
Maraming nasa dusa, ilan ang mayaman
Dapat nang baguhin ang sistemang gahaman

II
At ngayon, dumating na ang ating pag-asa
Ang ating Senador na si JV Bautista
Ating pakatandaan ang pangalan niya
Aktibistang abogado, Jv Bautista

Koro:
Senador ng Masa
Sanlakas ng pwersa
Si JV Bautista
Ang ating pag-asa

III
SI JV Bautista, palaban sa Kongreso
Ay dapat lang ilagay doon sa Senado
Si JV Bautista ay atin nang iboto
Kung nais natin ng totoong pagbabago

Ulitin ang Koro

(Si JV Bautista, dating kongresista ng SANLAKAS partylist, ay tumatakbo sa pagkasenador sa Halalang 2010)

Linggo, Enero 3, 2010

Ang Nangangailangan

ANG NANGANGAILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang laging nangangailangan
alipin ng nagpapahiram
kaya dapat agad bayaran
ang anumang kanyang inutang

ganyan ang buhay ng busabos
siyang lagi nang kinakapos
tila kandilang nauupos
naghihintay lagi ng limos

kaya anumang kagipitan
ay dapat nating paghandaan
nang kung agad mangailangan
may madudukot sa lukbutan

Biyernes, Enero 1, 2010

Bagong Petsa, Lumang Sistema

BAGONG PETSA, LUMANG SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

umalis na ang matanda upang di na bumalik
sa kanyang panahon pangyayari'y kahindik-hindik
narito na ang sanggol na bagong tinatangkilik
dala ang bagong pag-asa na ating hinihibik

ang matanda'y lumisan at ang sanggol ay dumating
nagbago ang petsa, dala'y lumang sistema pa rin
sistemang nakasusulasok na dapat pawiin
sa bagong taon, itong dapat nating pursigihin

iniwan ng matanda ang kayraming kahirapan
pati na matitinding pangyayari sa lipunan
ang sanggol ay itong siyang kakaharapin naman
kaya harapin niya ito ng may katatagan

sa pag-asa at bagong hamon tayo'y nahaharap
upang pag-alabin ang puso't diwa ng mahirap
tuluyang durugin ang mga trapong mapagpanggap
at maitayo ang pantay na lipunang pangarap

hayaan natin ang matanda sa kanyang paglayo
na dala sa mundo'y problema't pawang pagkabigo
salubungin ang sanggol ng may pag-asa sa puso
na ang lumang sistema'y unti-unti nang gumuho

Mula Bubong Hanggang Kabaong

MULA BUBONG HANGGANG KABAONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tao'y ipinanganak sa ilalim ng bubong
at lilisan siyang nasa loob ng kabaong
ganito yaong palad sa daigdig na gulong
habang kapalaran ng masa'y paurong-sulong