Huwebes, Mayo 31, 2018

Leila

hanggang ngayon, nagdurusa sa loob ng piitan
ang isang senadorang tagapagtanggol ng bayan
na pinuntirya dahil sa kanyang paninindigan
sa karapatang pantao at matinong lipunan

hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pananalasa
ng isang namumunong nangangamoy diktadura
amoy asupre ang bungangang dragon kung bumuga
isang pusakal na pumapatay ng dukhang masa

siya ang babaeng kinamumuhian ng buhong
sunud-sunod na'y babae ang binira ni Digong
iba'y binastos, pinagmumura ng anong lutong
aba'y utak ng namumuno'y tila ba paurong

palayain ang senadorang piniit ng ulol
na kung anu-anong gawang kaso ang ipinukol
tungkulin niya'y di dapat sa piitan igugol
kundi sa laya magsilbi't kawawa'y ipagtanggol

- gregbituinjr.
- hiniling ng isang kasama na paksa ng tula, nilikha upang bigkasin sa gabi ng paglulunsad ng aklat ni Fr. Robert Reyes matapos ang isang misa sa kampo ng Lamay para sa Demokrasya na ilang araw nang nakakampo sa labas ng Korte Suprema, Mayo 31, 2018

Miyerkules, Mayo 30, 2018

Sakbibi ng lumbay ang karapatang binusalan

sakbibi ng lumbay ang karapatang binusalan
di na matanaw ang hustisya pagkat piniringan
kaytalim ng titig sa kandila ng namatayan
animo'y di matahimik ang apoy sa kawalan

bakit karapatan ay nasa loob ng ataul
bakit sa kabila nito madla'y di umuungol
bakit yaong namumuno animo'y asong ulol
tokhang dito, bira doon, ang masa'y naparool

aba'y panahon nang dumilat ang kawawang madla
binibining hustisya'y tila baga lumuluha
di ba matimbang kung sinong mga pinagpapala
habang asong ulol sa sambayana'y nagwawala

dapat mapagtantong karapatan ay sinisiil
at sinong dapat pumigil sa mga mapaniil
nangyayari sa bayan ay laksa-laksang hilahil
dahil sa kagagawan ng idolo nilang sutil

pakikiramay sa laya't karapatang pinatay
hustisya nawa'y kamtin ng nawalan, nalulumbay
magpatuloy tayo sa paglaban, huwag humimlay
tatagan ang pakikibaka't buhay itong alay

- gregbituinjr.

Martes, Mayo 29, 2018

Wagas na pag-ibig nga ba itong nasasapuso?

Wagas na pag-ibig nga ba itong nasasapuso?
At dahilan ba nito'y may pagsintang nabubuo?
Gunam-gunamin ko man itong aba kong pagsuyo
Animo ang dama ko'y pagsintang di masiphayo

Sinuyong musa'y nais makasama habambuhay
Nagniniig, nagtatalik, ang pagsinta'y dalisay
Ating damhin sa puso ang pag-irog na dumantay
Pangarap na relasyon nawa'y walang dusa't lumbay

Anu't anuman ang mangyari sa kinabukasan
Gagawin lahat ng makakaya't pagsisikapan
Iniirog at bukas dapat sadyang paghandaan
Bubuuin ang pagsasamang may kaginhawahan

Iwing pagsinta'y sa suliranin di palulupig
Gabayan din nawa kami ng dakilang pag-ibig.

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 28, 2018

Turok ni Kamatayan

ang Dengvaxia'y pumaslang ng limampu't pitong tao
ayon sa ulat na inilathala sa diyaryo
ang limampu't apat dito'y bata, isang obrero,
isang pulis, isang doktor, aba'y kaytindi nito!

ayon sa pagsusuri, sumakit ang ulo't tiyan
nilagnat, nagsuka, namaga ang internal organ
na nangamatay matapos nilang mabakunahan
aba'y nasayang ang buhay lalo ng kabataan

Turok ni Kamatayan, turing ngayon sa Dengvaxia
tila isinumpa ang kontrobersyal na bakuna
na kamatayan pala'y dala sa mga pamilya
sino na ang mananagot sa pagkawala nila?

mapaparusahan ba'y yaong nagturok na duktor
o ang dambuhalang kumpanyang Sanofi Pasteur
panlaban sa dengue na ito'y sila ang promotor
ika ng matatanda, nangyaring ito'y "que horror!"

mayorya'y batang may kinabukasan at pangarap
na nabiktima't nadale ng mga mapagpanggap
kumpanya'y mayaman, mga biktima'y mahihirap
gobyerno ba'y malalagot, sa kanila'y lilingap?

laban sa dengue, dukha'y sa patalim nagsikapit
inakalang ang bata'y maging malusog sa pilit
hustisya sa lahat ng namatay ang aming hirit!
katarungan sa mga biktima'y dapat makamit!

- gregbituinjr.
- ang tula'y ibinatay sa balita sa pahayagang Bulgar, Mayo 28, 2018, na may pamagat ding "Turok ni Kamatayan"

Linggo, Mayo 27, 2018

Patrisidyo

PATRISIDYO

tatlong taong gulang pa lang ang bata, tatlong taon
walang malay na namatay nang wala sa panahon
katawa'y pulos pasa, binugbog ng amang maton
pinahirapan ng amang sa droga yata'y gumon

anumang ginawa ng bata'y unawai't paslit
ngunit bakit bubugbugin ng walang kasinglupit
ang payapa mang kalooba'y sadyang mapupunit
wala bang nagtangkang ang musmos ay sagiping pilit?

sarili pang ama ang tumapos sa walang malay
batang dapat karugtong ng buhay ng kanyang tatay
ah, pumuputok sa poot ang kamao ko't kamay
di sapat ang mapiit, hatulan siya ng bitay!

baka sa bakuran nila'y nangangamoy asupre
lalo't maiisip na ang ama'y isang buwitre

- gregbituinjr.
- batay sa ulat ng pahayagang Abante Tonite, na may pamagat na "3-anyos, Pinatay sa Bugbog ni Itay", Mayo 27, 2018

Sabado, Mayo 26, 2018

Dahil lang ba ako na'y nag-asawa

dahil lang ba ako na'y nag-asawa
ay basta na lang magpipikit-mata?
di magbabago ang prinsipyo't pasya
hangga't kailangan ako ng masa
magpapatuloy sa pakikibaka

dahil ba inasawa ang katipan
tungkulin sa baya'y kalilimutan?
di ba't inasawa ko rin ang bayan?
proletaryo ang uri ko't isipan
na bulok na sistema'y wawakasan

tangan kong prinsipyo'y di mawawala
kilos pa rin sa uring manggagawa
bagkus, pag-aasawa'y pagpapala
mapagmahal ako, di lang halata
sa asawa, pamilya, aping dukha

tuloy ang laban kahit pamilyado
lalong napatitibay ang prinsipyo
at nalalamnan ang mga diskurso
upang bakahin ang mga disgusto
at itayo'y lipunang makatao

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 25, 2018

Nagniningas ang apoy sa gabing tahimik

Nagniningas ang apoy sa gabing tahimik
Ang isa't isa'y dinig ang kanilang hibik
Pangarap magawad ng matimyas na halik
Ibig na isa't isa ngayo'y magkatalik

Kinakapos ba ang tinig o nangungutya?
O di na makaunawa't walang magawa?
Tunay bang pagsinta'y umuusbong ng kusa?
Lumilitaw na lamang sa pinagpapala?

Anong silbi ng pag-ibig na nananangis?
Ni kahit tuwa't ligaya'y humihinagpis...
Gipit ang bulsa't di matingkala ang hugis
Atsarang kay-asim ang pagsuyong kaytamis...

Kusa bang lumitaw ang pagsinta sa puso?
O nagtitimpi sa bagoong ng pangako?

- gregbituinjr.

Nagdurusa noon subalit nakabangon

Nagdurusa noon subalit nakabangon
Ang pag-ibig sa sinusuyo'y isang hamon
Ginigising ang diwa sa lalim ng balon
Pinipintuho animo'y mutya ng alon

Ang bawat pag-ibig ba'y pagpapaubaya
Pagsinta'y sa kawalan ba nakatunganga
Iniiwasang mabigo ang pinagpala
Kundi patatagin ang sintang minumutya

O, anghel ka bang sa langit ko'y di mawari?
Tumambad sa akin ang matamis mong ngiti?
Katambal ka ba ng buod ng bawat hapdi?
At sinusuway na ba ang atas ng budhi?

Sabihin mong malaya ang bawat pag-ibig
Ikaw ang nais kong tuluyang makaniig

- gregbituinjr.

Huwebes, Mayo 24, 2018

Tumatanggap din ako ng labada

TUMATANGGAP DIN AKO NG LABADA

laba-laba rin ng mga damit paminsan-minsan
panahon din iyon ng pagninilay sa kawalan
tulad ng panahon ko sa paghuhugas ng pinggan
pagluluto ng gulay o sinaing na tulingan

ang bawat paglalaba'y panahon ng pag-iisa
sinusuyo sa bula ang diwatang anong ganda
tahanang kinakatha'y paraiso ang kapara
nagsikapit na agiw sa diwa'y nangungumusta

pagsasabon ng damit ay nangangarap ng gising
pagkuskos ng pantalon, tshirt, at kwelyo'y maigting
magkukula ng puti upang linis ay tumining
magpalo na ng labada huwag lamang mag-hazing

magbanlaw at tiyaking nilabhan ay anong bango
sa sampayan ay isa-isahing isampay ito
tumatanggap din ako ng labada kada linggo
upang kumita't makakatha ng kung anu-ano

- gregbituinjr.

Dapat mong gawin ang tama

dapat mong gawin kung alam mong ito'y tama
subalit kung ang tama'y di mo ginagawa
alam mo bang ikaw mismo'y nagkakasala
tila nasusunog ka na't kasumpa-sumpa

dapat lang tayong makialam, kaibigan
ating ipaglaban ang ating karapatan
magsikilos tayo, ang tama'y ipaglaban
upang bumuti ang kalagayan ng bayan

- gregbituinjr./052318
- ang tula ay batay sa sermon ni Fr. Robert Reyes, kinatha at binasa ng may-akda sa isang aktibidad sa liwasang Gat Amado V. Hernandez sa harap ng simbahan ng Sto. Nino sa Tondo

Miyerkules, Mayo 23, 2018

Si Nanay Mila ng MMVA

isang maralitang manininda si Nanay Mila
dukha man ay di sumusuko't nagsisikap siya
upang makakain ng tatlong beses ang pamilya
marangal na naghahanapbuhay sa pagtitinda

may pwesto sa bangketa, tinitinda'y sari-sari
kay-agang gumising kahit ibinebenta'y tingi
kinakain ay ayaw galing sa limos o hingi
kaya nagsisikap araw-gabi't ayaw malugi

matanda na si Nanay Mila, tagapagsalita
ng mga maninindang madalas kinakawawa
pinalalayas sa bangketa, animo'y sinumpa
ang tulad ba nila sa lipunan ay balewala?

sa kabila ng mga naranasang paghihirap
siya'y nagpapatuloy upang ginhawa'y malasap
mabuhay ka, Nanay Mila, sa iyong pagsisikap
upang sa pamilya'y matupad ang pinapangarap

- gregbituinjr.
- ang tulang ito'y bahagi ng binubuong aklat ng may-akda hinggil sa buhay at pakikibaka ng mga vendor sa kalunsuran
(si Nanay Mila Oga-oga ay kasapi ng Metro Manila Vendors Alliance o MMVA; kuha ang litrato noong Mayo 22, 2018 sa QC Memorial Circle)

Martes, Mayo 22, 2018

Ang tanod na manggagahasa

ANG TANOD NA MANGGAGAHASA
(batay sa balita sa pahayagang Pilipino Mirror, Mayo 22, 2018, p. 4, na may pamagat na "Tanod na inireklamo ng rape huli")

tanod na dapat ay modelo sa baranggay
ay isa palang tanod na bantay-salakay
nang disisais anyos ay kanyang hinalay
pinagsamantalahan sa loob ng bahay

anong nangyari, iba pala ang tinanod
sa biktima ba'y lagi siyang nakatanghod
habang nagdaraan ang mata'y nalulugod
kaya nang may pagkakataon ay nanganyod

dapat lang parusahan ang manggagahasa
at maikulong ang tulad niyang kuhila
pananamantala niya'y kasumpa-sumpa
pagkat bukas ng dilag ay sinalaula

tanod na manggagahasa'y batik sa bayan
dapat sa tulad niya'y bitaying tuluyan

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 21, 2018

Paalala sa dyip

Nalitratuhan ko kanina sakay ng dyip
Napangiti sa nabasa't wala nang inip
Kaygandang paalala lalo't malilirip
Ng mga diwatang sa dyip ay napaidlip.

- gregbituinjr/052118


Linggo, Mayo 20, 2018

Sa taong maysakit ng kalimot

wala pa akong alam na gamot
sa taong maysakit ng kalimot
tanging nagawa'y magkukumamot
hanggang ulo'y tuluyang mapanot

Sabado, Mayo 19, 2018

Kamatayan sa pagkabagsak ng gruwa

KAMATAYAN SA PAGKABAGSAK NG GRUWA

minsan, paraan ng tadhana'y sadyang anong lupit
di mo mabatid kung anong sa iyo'y hahagupit
di alam kung kailan sakuna'y basta sasapit

edad pitumpu't apat na inang si Rosalinda
ay nabagsakan ng mabigat na bakal na gruwa
na agad ikinasawi ng kawawang biktima

bakit bumagsak ang gruwa, operador ba'y antok
sa pagpapaandar ba ng gruwa'y hahagok-hagok
o baka sira ang bahagi ng gruwang sumalpok

nakita ng anak na ang kanyang ina'y duguan
bakal iyon, oo, bakal, bumagsak sa katawan
oras na ba ng inang karitin ni Kamatayan?

sino ang maysala, sino yaong dapat managot?
sinong dapat magbayad-pinsala, sino ang lagot?
ang nangyari sa matanda'y sadyang nakalulungkot

tiyaking ang operador ay di na magpabaya
at ang gruwa'y walang sira nang di makapinsala
ang aming hibik ay katarungan sa namayapa
di lang magmulta kundi ikulong ang nagkasala

- gregbituinjr.
* balita mula sa una't ikatlong pahina ng pahayagang Tempo, Mayo 19, 2018
* gruwa - salin ng crane, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 244



Baluktot mangatwiran

talaga bang kinokondena nila ang pagpaslang?
subalit pinupuri ang dahilan ng pagpaslang?
kung ganito na mag-isip ang mga salanggapang
aba, madla'y pinaiikot lang pala ng hunghang!
tsk, tsk, tsk, sadyang baluktot mangatwiran ang buwang!

- gregbituinjr.
* komentula sa fb post ng isang kasamahan

Masahol pa sa hayop

nagbabantang diktadura'y masahol pa sa hayop
pati ang masa'y sisilain nilang mga hayok
kayraming pinapaslang, kaya dukha'y napayupyop
may batas, walang proseso, biktima'y nayukayok

pinamumugaran na iyon ng mga kuhila
lawin silang nais pasunurin ang mga isda
pinapaikot-ikot sa palad nila ang madla
subalit sa dayong singkit ay nangangayupapa

naghaharing uri na ang hunghang na talipandas
naglipana ang nakabarong ngunit balat-ahas
iniikutan ang batas, di na pumaparehas
wala nang patas-patas, batas ay binutas-butas

mag-ingat, baka maging susot sa pagpapasiya
galit man tayo'y maging makatuwiran sa masa
ipakitang lipunang makatao'y ating nasa
kaya huwag tularan ang hayok na diktadura

* susot - galit na galit at malapit nang gumawa ng isang hindi makatuwirang kilos, UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1190

Biyernes, Mayo 18, 2018

Hindi nagpasahod, pinaslang

HINDI NAGPASAHOD, PINASLANG

Balita: "Hindi nagpasuweldo
tinodas ng mga empleyado"
biniktima ng kapitalismo
kaya sila'y laging agrabyado

hihintayin mo pa bang maulit
ang mga nangyaring panggigipit
sahod ng obrero'y iniipit
at papalitan pa silang pilit

di ba't wastong bayaran ng tama
yaong kanilang lakas-paggawa
hustisyang hiningi nila'y tama
poot sa dibdib, pa'no huhupa

pagkat ang pamilya'y magugutom
nagpipigil, ang kamao'y kuyom

- gregbituinjr.
* ang tula ay batay sa ulat sa Abante Tonite, Mayo 18, 2018, p. 2, na may pamagat na "Hindi nagpasuweldo, tinodas ng mga empleyado"


Huwag limutin ang mga nabulid sa dilim

Sabi noon ni Elias sa nobelang Noli Me Tangere
Huwag lilimutin ang mga nabulid sa dilim ng gabi
Sapagkat kahindik-hindik na ang mga nangyayari
Tila pamahalaan sa bayan na'y di nagsisilbi
Kundi ito na'y diktadurang nambabastos, nang-aapi
Pamahalaang pumapaslang ng dukhang kayrami
Pamahalaang kaaway na ang mga babae
Pamahalaang salbahe at iniisip lang ay sarili
Ang henerasyon ngayon, sinong sinisisi
Ang henerasyon sa hinaharap, anong masasabi

Halina't makibaka, huwag mangatakot
Patuloy na makibaka, patuloy na makisangkot
Bantang diktadura'y dapat nang malagot
At ibagsak ang awtoritaryanismong kahila-hilakbot

Bantang diktadura'y masdan mo na't kalagim-lagim
Dahas ang iniipon, sadyang karima-rimarim
Sabi nga ni Elias, huwag kalimutan ang mga nabulid sa dilim
Huwag kalilimutan ang ngayon ay sadyang ibinubulid sa dilim

- gregbituinjr.

* ang tulang ito'y nilikha at binigkas sa isang rali ng iba't ibang organisasyon sa Boy Scout Circle, Mayo 18, 2018, sa pagkilos na tinawag na Black Friday Anti-Dictatorship Rally. Panawagan nila ay Resist Dictatorship, Uphold Rule of Law, Defend Human Rights, Harangin ang Diktadura, Baguhin ang Sistema









Huwebes, Mayo 17, 2018

Sa aking diwata

anumang iyong turan ay makapagpapagaling
sa sakit ng kaluluwa kong tila laging himbing
sabihin mo lang na ako'y tapat, di talusaling
ako'y mabubuong muli, at kita'y magsisiping

pinupuri't sinasamba kita, aking diwata
pagkat ako'y pinalaya sa malungkot kong lungga
nagkulay ang umaga, at kadimlan ay nawala
luminaw ang balintataw, tumitipa ang diwa

sisisirin ko ang laot gaano man kalalim
tatawirin pati bundok kahit pa naninimdim
makita lang kita sa maganda mong blusang itim
at ikaw ay makaniig ko sa gabing kaydilim

magpapagpag muna bago pumaroon sa iyo
lalakarin ang lahat, hakbang ko ma'y sampung libo

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 16, 2018

Sa nagtagumpay sa halalan 2018

Sa nagtagumpay Maglingkod sa barangay Di sa katagay. #pinoyhaiku2018

Martes, Mayo 15, 2018

Tatlong magkakapatid, patay sa sunog

balita: "Tatlong magkakapatid, patay sa sunog"
at ang ulat na iyon sa puso'y nakadudurog
pinakukuluang tubig daw ay napabayaan
nang ang ina'y bumili ng pandesal sa tindahan

tatlong magkakapatid ang iniwang natutulog
ng inang di man lang muna mga bata'y niyugyog
o sana'y pinatay muna ng nanay yaong kalan
upang tiyakin yaong kaligtasan sa tahanan

huli na ang lahat, tanging magagawa'y umiyak
patay na ang kanyang tatlong minamahal na anak
ang minsang pagpapabaya'y nagdulot na ng dusa
lumbay ay habang panahon nang dadalhin ng ina

- gregbituinjr.

(litrato mula sa GMA7, Mayo 14, 2018)

May ulat din sa pahayagang Balita, na nasa kawing na
http://balita.net.ph/2018/05/15/3-magkakapatid-patay-sa-sunog-2/

3 magkakapatid patay sa sunog
May 15, 2018, nalathala sa pahayagang BALITA
Ni Mary Ann Santiago

Tatlong magkakapatid na paslit ang nasawi sa sunog na sumiklab sa kanilang bahay dahil sa napabayaang kalan, sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Princess Joy Navidas, 7; John Andrew Navidas, 4; at BJ Navidas, 2, pawang residente ng San Isidro Street, Centennial 2, Nagpayong 2, Bgy. Pinagbuhatan.

Batay sa ulat ng Pasig Fire Department, dakong 6:27 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa bahay ng magkakapatid.

Nauna rito, maagang nagising ang ina ng mga bata at nagpakulo ng tubig para sa kape, pero dahil hindi pa kumukulo ay saglit na umalis ang ginang upang bumili ng pandesal sa kalapit na tindahan.

Naiwan s a bahay ang magkakapatid na noon ay himbing pang natutulog.

Laking paghihinagpis naman ng ginang nang sa kanyang pag-uwi ay nakita niyang nilalamon na ng apoy ang kanilang bahay.

Ayon kay SFO4 Eduardo Rosales, inabot lang ng 26 na minuto ang sunog na tuluyang naapula, dakong 6:53 ng umaga.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang halaga ng mga ari-ariang natupok.

Lunes, Mayo 14, 2018

Sa nagwagi sa halalan

Sa nagwagi sa halalan
Masa'y iyong paglingkuran
At huwag mong pagharian
Ang sinisinta mong bayan
Magsilbi sa sambayanan
Ipakita'y katapatan

- gregbituinjr.

Linggo, Mayo 13, 2018

Bukambibig niya'y "perahin mo na lang"

lagi niyang bukambibig, "perahin mo na lang 'yan!"
sa paraang pabiro sa animo'y kabiruan
ako mismo'y nahiya sa kanyang mga tinuran
pagkat prinsipyo niya pala'y pera, pera lamang

biniktima siya ng salot na kapitalismo
kaya "perahin mo na lang" ang bukambibig nito
bakit asal ng ilang kakilala ko'y ganito?
tingin ay mukhang may pera lahat ng kausap mo

totoong sa mundong ito'y umiikot ang pera
pagkat kapitalismo ang pangunahing sistema
sistemang mapanyurak sa dangal ng dukha't masa
ngunit kabutihang asal ba'y wala nang halaga?

bagaman nais yumaman, matupad ang pangarap
ang garapal niyang salita'y di katanggap-tanggap
tila ba di na nahihiya sa kanyang kaharap
pawang kakapalan yaong pakita sa kausap

"perahin mo na lang," ang sagwa, kahit isang biro
nakangiti, "perahin mo na lang" nang may pagsuyo
tila nais niyang humiga sa bangin ng luho
pera, pera, pera ang animo'y hanap ng puso

ganitong tao ba'y paano mo pagsasabihan
masamang asal ba niya'y basta tanggapin na lang?
di ba siya nahihiya sa kanyang kaasalan?
ang mga tulad ba niya'y paano lalayuan?

- gregbituinjr.

Sabado, Mayo 12, 2018

Katapatan

kung paano ako naging tapat sa kilusan
ganoon din ako katapat sa kasintahan
isa lamang, di maaari ang salawahan

kung gaano ako naging tapat sa partido
ganoon din ako katapat sa misis ko
isa lamang, at di na maaari ang number two

kung gaano ako katapat sa ating uri
ganoon din katapat sa asawa't lipi
isa lamang, di maaari ang mga kiri

ii

kung gaano ako katapat sa kasintahan
higit pa ang aking katapatan sa kilusan
isa lamang, di maaari ang salawahan

kung gaano ako katapat sa misis ko
higit pa ang aking katapatan sa partido
isa lamang, at di na maaari ang number two

kung gaano katapat sa asawa ko't lipi
higit pa ang katapatan ko sa ating uri
isa lamang, di maaari ang pari't hari

- gregbituinjr.

Huwebes, Mayo 10, 2018

Dapat kong gawin anuman ang kanyang gusto

dapat kong gawin anuman ang kanyang gusto
pagkat ayokong makitang siya'y magtampo
lalo't nanumpa na kami ng maybahay  ko
sa malayong bayan, kinasal ngang totoo

ang komunistang tulad ko, ngayon na'y santo
tapat sa paggampan ng misyon at trabaho
di ko man tangan ang tabak ng aktibismo
di bumibitaw sa niyakap na prinsipyo

ipaglalaban kahit pa makalaboso
hanggang kamatayan ang sinumpaang ito
saanman maglakad ay laging taas-noo
kung kailangan, itataas ang kamao

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 7, 2018

Pulutgata sa dapithapon

danas yaong pulutgata sa dapithapon
sa ginaw ng paligid, nawa'y di magpulmon
nagpapahingang saglit, umaambon-ambon
masayang magkasama, puso'y umaalon

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 4, 2018

Togetherness

TOGETHERNESS
(an acrostic sonnet)

Together we will do the best we can
On having a great happy family
Making a nice future is our plan
You are my life, love, my one and only
Only faithfullness cad drive us to good
Nothing can break our togetherness
Even if you think I'm not in good mood
Anything we will do for our best
No one, except us, can turn off the light
Don't cut our ties like a sharp razor
Our togetherness is a great sight
Never backing off like a true warrior
Living together makes a fruitful life
You are my one and only, loving wife

- by Greg Bituin Jr.

Martes, Mayo 1, 2018

Rebolusyonaryo

Rebolusyonaryo, sinisinta’y sandaigdigan
Editor, kampanyador, propagandista ng bayan
Bayaning may pag-ibig na bukal sa kalooban
Organisador ng proletaryado’t mamamayan
Lipunang walang pagsasamantala’y lilikhain
Uring manggagawa’y hukbong dapat pagkaisahin
Sosyalismo’y maitatag ang kanilang mithiin
Yuyurak sa sistemang bulok ng mapang-alipin
Oo, mga obrero’y may tungkulin bilang uri
Na pribadong pag-aari’y dapat nilang mapawi
Ang diktadura ng proletaryado’y minimithi
Rebolusyon ng uri’y paraan ng pagwawagi
Yayanigin nila ang kapitalistang sistema
Obrero’y itatayo ang lipunang sosyalista

- gregbituinjr.