Sabado, Mayo 19, 2018

Masahol pa sa hayop

nagbabantang diktadura'y masahol pa sa hayop
pati ang masa'y sisilain nilang mga hayok
kayraming pinapaslang, kaya dukha'y napayupyop
may batas, walang proseso, biktima'y nayukayok

pinamumugaran na iyon ng mga kuhila
lawin silang nais pasunurin ang mga isda
pinapaikot-ikot sa palad nila ang madla
subalit sa dayong singkit ay nangangayupapa

naghaharing uri na ang hunghang na talipandas
naglipana ang nakabarong ngunit balat-ahas
iniikutan ang batas, di na pumaparehas
wala nang patas-patas, batas ay binutas-butas

mag-ingat, baka maging susot sa pagpapasiya
galit man tayo'y maging makatuwiran sa masa
ipakitang lipunang makatao'y ating nasa
kaya huwag tularan ang hayok na diktadura

* susot - galit na galit at malapit nang gumawa ng isang hindi makatuwirang kilos, UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1190

Walang komento: