Sabado, Mayo 19, 2018

Kamatayan sa pagkabagsak ng gruwa

KAMATAYAN SA PAGKABAGSAK NG GRUWA

minsan, paraan ng tadhana'y sadyang anong lupit
di mo mabatid kung anong sa iyo'y hahagupit
di alam kung kailan sakuna'y basta sasapit

edad pitumpu't apat na inang si Rosalinda
ay nabagsakan ng mabigat na bakal na gruwa
na agad ikinasawi ng kawawang biktima

bakit bumagsak ang gruwa, operador ba'y antok
sa pagpapaandar ba ng gruwa'y hahagok-hagok
o baka sira ang bahagi ng gruwang sumalpok

nakita ng anak na ang kanyang ina'y duguan
bakal iyon, oo, bakal, bumagsak sa katawan
oras na ba ng inang karitin ni Kamatayan?

sino ang maysala, sino yaong dapat managot?
sinong dapat magbayad-pinsala, sino ang lagot?
ang nangyari sa matanda'y sadyang nakalulungkot

tiyaking ang operador ay di na magpabaya
at ang gruwa'y walang sira nang di makapinsala
ang aming hibik ay katarungan sa namayapa
di lang magmulta kundi ikulong ang nagkasala

- gregbituinjr.
* balita mula sa una't ikatlong pahina ng pahayagang Tempo, Mayo 19, 2018
* gruwa - salin ng crane, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 244



Walang komento: