Sabi noon ni Elias sa nobelang Noli Me Tangere
Huwag lilimutin ang mga nabulid sa dilim ng gabi
Sapagkat kahindik-hindik na ang mga nangyayari
Tila pamahalaan sa bayan na'y di nagsisilbi
Kundi ito na'y diktadurang nambabastos, nang-aapi
Pamahalaang pumapaslang ng dukhang kayrami
Pamahalaang kaaway na ang mga babae
Pamahalaang salbahe at iniisip lang ay sarili
Ang henerasyon ngayon, sinong sinisisi
Ang henerasyon sa hinaharap, anong masasabi
Halina't makibaka, huwag mangatakot
Patuloy na makibaka, patuloy na makisangkot
Bantang diktadura'y dapat nang malagot
At ibagsak ang awtoritaryanismong kahila-hilakbot
Bantang diktadura'y masdan mo na't kalagim-lagim
Dahas ang iniipon, sadyang karima-rimarim
Sabi nga ni Elias, huwag kalimutan ang mga nabulid sa dilim
Huwag kalilimutan ang ngayon ay sadyang ibinubulid sa dilim
- gregbituinjr.
* ang tulang ito'y nilikha at binigkas sa isang rali ng iba't ibang organisasyon sa Boy Scout Circle, Mayo 18, 2018, sa pagkilos na tinawag na Black Friday Anti-Dictatorship Rally. Panawagan nila ay Resist Dictatorship, Uphold Rule of Law, Defend Human Rights, Harangin ang Diktadura, Baguhin ang Sistema
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento