Miyerkules, Nobyembre 30, 2016

Gaya ni Gat Andres, at di ni Makoy, ang bayani

GAYA NI GAT ANDRES, AT DI NI MAKOY, ANG BAYANI

gaya ni Gat Andres, at di ni Makoy, ang bayani
katotohanang dapat pagnilayan ng mabuti
si Gat Andres yaong bayani para sa marami
di tulad ni Makoy na “pagkabayani’y” marumi

Gat Andres Bonifacio’y namuno sa Katipunan
nakibaka tungo sa pangarap na kalayaan
mula sa kuko ng dayuhan, pangil ng gahaman
upang kamtin ang inaasam na bagong lipunan

mabuhay ka, Gat Andres, sa iyong dakilang araw
bantayog mo sa mga bayan-bayan ay dinalaw
di gaya ng diktador na bayang ito'y pumusyaw
sa puslit na paglilibing, masa'y muling pinukaw

anang bayan, di bayani ang diktador, No Hero
anila, si Makoy ang diktador numero uno
may bangkay si Marcos, di makita ang sa Supremo
ngunit bayani'y si Gat Andres, ang unang pangulo

- gregbituinjr., 30 Nobyembre 2016


Linggo, Nobyembre 27, 2016

Pagpupugay kay Kumandante Fidel Castro

PAGPUPUGAY KAY KUMANDANTE FIDEL

Tunay kang inspirasyon sa pagbabago, Ka Fidel
Lalo’t nilabanan ang diktaduryang manunupil
Pinabagsak ang pamumuno ng Batistang sutil
Bagong sistema'y tinatag laban sa paniniil

Ipinagtagumpay nyo ang rebolusyong Cubano
Kasama si Doktor Che Guevara'y ipinanalo
Pasistang rehimeng Batista'y tuluyang tumakbo
At isinabansa nyo ang industriya't komersyo

Bakas ng rehimeng Batista'y tuluyang nilansag
Sadyang pagyakap sa sosyalismo'y ipinahayag
Sari-saring lathalaing sosyalista'y nilimbag
Sa embargo man ng Amerika'y naging matatag

Apatnapu't siyam na taong pinamahalaan
Ang sosyalistang Cuba ng buong puso't isipan
Nakaligtas sa samutsaring anyo ng pananambang
Matalinong di napaslang ng mga salanggapang

Kayraming dinulot ng tagumpay ng rebolusyon
Kahit inembargo'y hinarap ang anumang hamon
Sariling sikap ng bayan, pinaunlad ang nasyon
Lalo ang sistemang kalusugan at edukasyon

O, Ka Fidel, idolo ka’t mabuting halimbawa
Sosyalistang lider na humarap sa maraming sigwa
Tunay kang inspirasyon ng mga bansang dinukha
Ng imperyalismong sa daigdig ay nanagasa

Prinsipyo't halimbawa mo'y aral na sumisilay
Sa mga kilusang nakikibaka pa ring tunay
Isa kang dakilang lider-sosyalistang kayhusay
Kumandante Fidel, taas-kamaong pagpupugay!

- gregbituinjr.

* Comandante Fidel Castro (Agosto 13, 1926 - Nobyembre 25, 2016)

Sabado, Nobyembre 26, 2016

Ka Roger, Lider-Maralita

KA ROGER, LIDER-MARALITA

batikang lider-maralita
idolo ng maraming dukha
  taktisyan sa mga labanan
  kayraming napanalong laban
nilabanan ang demolisyon
dukha'y dala sa relokasyon
  patuloy siyang nakibaka
  alang-alang sa laksang masa
sa mga dukha'y tagapayo
laksang aral ay mahahango
  lider ng maralitang lungsod
  mahirap man, di napaluhod
ng sinupamang nasa poder
sinagupa sinumang pader
  ganyan si Ka Roger, magiting
  isang muog kung iisipin
prinsipyo'y di basta matibag
sa labana'y laging matatag
  limang dekadang nakibaka
  maralita'y laging kasama
lider, taktisyan, matalino
sosyalista at prinsipyado
  Ka Roger, sa iyong paghimlay
  taas-kamaong pagpupugay

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 25, 2016

Hamon sa dokumentasyon

HAMON SA DOKUMENTASYON

kinakaharap nati'y bukas na maalapaap
sa bagong rehimen may mga maling nagaganap
labis-labis ang patayan, biktima'y mahihirap
tila karapatang pantao'y isa lang pangarap

mga kapatid, narito tayo sa pagsasanay
upang sumabak sa panawagang hustisyang tunay
kayraming tinotortyur, tinotokhang, pinapatay
pangyayaring puno ng pasakit, dahas at lumbay

paano natin haharapin ang ganito, kapatid
maraming kasong sa kamay ng batas nalilingid
paano ba natin ito sa madla'y mapabatid
upang ang kawalang hustisya'y tuluyang mapatid?

- gregbituinjr.,11-25-16
nilikha at binasa sa ikatlong araw ng Study Session and Workshop on Human Rights, Torture and Extra-Judicial Killings, na inisponsor ng Balay at iDefend


Huwebes, Nobyembre 24, 2016

Balantukan

BALANTUKAN

sa tortyur ay sadyang manginginig ang laman
pisikal, mental, dama ng kaibuturan
maging ito'y munting kirot ng kalingkingan
sadyang madarama ng buo mong katawan

ayaw mang aminin, pamilya'y lumuluha
tila kinulata ang pagkatao't diwa
para bang isang sasakyan tayo'y binangga
nang dahil sa tortyur, ang tao'y kinawawa

bakit ba nangyayari ang mga ganito
lipunan ba'y hindi lipunang makatao
hirap at gutom ba'y salik o elemento
upang sa gayon masadlak ang isang tao

tortyur ay di makataong pamamaraan
tao'y di lang masusugatan o peklat man
nag-iiwan ito ng latay sa isipan
dapat sistemang ito'y mawalang tuluyan

- gregbituinjr.,11-24-16
nilikha at binasa sa harap ng mga dumalo sa ikalawang araw ng Study Session and Workshop on Human Rights, Torture and Extra-Judicial Killings, na inisponsor ng Balay at iDefend

Miyerkules, Nobyembre 23, 2016

Katarungan sa limampu't walo

KATARUNGAN SA LIMAMPU'T WALO
(sa ikapitong anibersaryo ng Maguindanao massacre, Nobyembre 23, 2016)

nang dahil sa angkin nilang kapangyarihan
karibal sa pulitika ang tinambangan
ginahasa pa ang mga kababaihan
pati mga dyornalista'y pinagpapaslang
mistulang dagat ng dugo ang lupang tigang

biktima'y tatlumpu't dalawang dyornalista
at pamilya ng kalaban sa pulitika
may mga sibilyan ding sadyang nadamay pa
inubos ngang lahat ang mga pinuntirya
doon sa Maguindanao, walang itinira

buga ng baril yaong ipinasalubong
hanggang laksang dugo sa lupa'y dumaluyong
pinagsasagpang sila ng lilo't ulupong
sa mga maysala'y di sapat iyang kulong
totoong hustisya'y dapat nilang masumpong


- gregbituinjr.

Tula alay sa FIND

SA ANIBERSARYO NG FIND
(alay sa ika-31 anibersaryo ng FIND o Families of Victims of Involuntary Disappearance, Nobyembre 23, 2016)

tanging handog sa inyo ng abang makata
ay pawang tula lamang na sariling katha
pakikipagkaisa sa puso nyo't diwa
laban sa inhustisyang sa inyo'y ginawa

mga mata ma'y nakatitig sa kawalan
ang diwa'y binubutingting ng kaigtingan
ng kaganapang di mawari sa isipan
lalo't mahal nyo'y di pa rin natatagpuan

makata ma'y nakatingala sa bituin
upang mga kataga'y pagtagni-tagniin
para sa inyo, tula'y agad kakathain
bilang ambag sa layunin nyo’t simulain

bilin sa atin ni Rizal doon sa Fili
huwag kalilimutan, di man tayo saksi,
ang mga nangabulid sa dilim ng gabi
lalo't buhay nila'y inalay sa mabuti


- gregbituinjr.

Sa ika-31 anibersaryo ng FIND

SA IKA-31 ANIBERSARYO NG FIND, NOBYEMBRE 23, 2016
(alay na soneto sa Families of Victims of Involuntary Disappearance o FIND)

di ko alam kung taas-kamaong pagbati
o kamaong kuyom na pagdadalamhati
ang isasalubong ko sa inyong pighati
kundi munting paggunitang may halong hikbi

sabi nyo nga, "Buti pa si Marcos, may bangkay!"
sa Libingan ng Bayani, siya'y nahimlay
nakaragdag ito sa poot ninyo't lumbay
habang di makita ang mahal nyo sa buhay

dama po namin ang inyong pagkasiphayo
at iwing puso'y narito ri't nagdurugo
kailan makikita ang mga naglaho
asam na hustisya nawa'y makamtang buo

nawa'y makita na ang nawawalang mahal
at katarungan nawa sa inyo'y dumatal


- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 22, 2016

Pagninilay ng isang Voltes V fan

PAGNINILAY NG ISANG VOLTES V FAN

kapara ng Voltes V sa imperyo ni Prince Zardos
pinatalsik na ng bayan ang diktaduryang Marcos
tuluyang ibinagsak ang imperyong Boazania
gaya ng pagbagsak ng mapanlilong diktadurya

ngayon ang diktador ay itinuring na bayani
parang kinilalang bayani ang lilong prinsipe
sadyang nakapanginginig ng laman ang nangyari
tila pinaghirapan ng baya’y nawalang silbi

klasiko ang panawagan ng Voltes V: "Let's volt in!"
na para sa diktadurya'y "Let's revolt" daw kung dinggin
tinanggal ni Marcos ang Voltes V sa telebisyon
dahil siya lang ang hari, bawal ang rebolusyon

sa Libingan ng Bayani, diktador na'y nalibing
ibinaon nang lihim, mga Marcos ay nagpiging
ang nangyaring ito'y pagyurak sa bayang magiting
kaya ang panawagan ng bayan, ito'y hukayin

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 19, 2016

Ako'y Block Marcos

Ako'y agad nang nakiisa sa grupong Block Marcos
Kasaysayan ang nagbadyang agad kaming kumilos
Organisahin ang hanay, ito na'y pagtutuos
Yaring bayan ay nagbangon sa nangyaring pag-ulos

Bakit ba sa Libingan ng Bayani inilibing
Libingang ito'y di para sa diktador ang turing
O, bayan, sa pagsasamantala, tayo'y gumising
Commitment sa labang ito'y dapat na mapaigting
Kabakahin anumang sa karapata'y sasaling

Marcos ay nailibing sa Libingan ng Bayani
At nagprotesta ang kabataan, masang kayrami
Rinig mo ang hikbi at hiyaw nilang anong tindi
Concerned citizens din ay sadyang nanggagalaiti
Oo, "Hukayin! Hukayin!" ang kanilang sinabi
Sapagkat ang diktador nga'y hindi naman bayani!

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 15, 2016

Sangre Danaya, inspirasyon ng makata

Sangre Danaya, sa Encantadia nagmula
sa tuwina'y pangarap ng abang makata
ang musa'y isang napakagandang diwata
inspirasyon ng pusong tigib ang paghanga
si Danaya'y kaytindi sa pakikidigma
magaling sa arnis, mataktika ang diwa
iba na pag puso ng makata'y tinudla
sadyang iibig sa sinasambang diwata
kung daratal ka sa mundo ng mga tao
narito akong tiyak kakampi sa iyo
nawa'y huwag lang ipagkait ang ngiti mo
na sa abang puso'y nagpasayang totoo
salamat, minamahal kong Sangre Danaya
sa daigdig ko't panitik, ikaw ay musa

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 14, 2016

sa isang dilag

bisyo mong pagsinta'y dakila
ito man ay tadtad ng luha
nawa kamtin mo'y pawang tuwa
pagsubok ma'y dumaang pawa

bisyo ko naman ay tumula
kahit pa dumaan ang sigwa
huwag lamang sanang mawala
itong dignidad at adhika

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 12, 2016

Kamao'y kuyom sa lilim ng alapaap

panahon iyon na ang langit ay maulap
kamao'y kuyom sa lilim ng alapaap
marami nang nangawala sa isang kisap
nagdaa'y deka-dekada't di pa mahanap

ang The Great Lean Run ay isang paggunita
sa araw ng pagkayukayok, tila sumpa
kayrami nilang biktimang napariwara
dahil sa diktaduryang namuno'y kuhila

noon, diktadurya'y panahon ng hilahil
habang nahaharap sa bagong panunupil
sa karapatang pantaong ayaw papigil
ngayon ay ramdam pa rin ang panahong sikil

at muling sinariwa sa The Great Lean Run
na pag dumatal ang sigwa tayo'y lumaban

- gregbituinjr.


(ang tulang ito'y bahagi ng isang planong pamphlet o zine ng mga tula hinggil sa The Great Lean Run 2016 bilang handog-pasasalamat sa mga nag-isponsor sa makata sa makasaysayang aktibidad na ito)

Huwebes, Nobyembre 10, 2016

ang maya

lilipad-lipad ang maya
sadyang kahali-halina
palay ba ang hanap niya?
baka mumong tira-tira?
o bulate ang puntirya?

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 9, 2016

huwag ilibing sa LNMB ang diktador

sa Libingan ng mga Bayani'y huwag ipilit
na ilibing doon ang diktador na anong lupit
pagkat siya'y pinatalsik na nitong bayang gipit
pati ang kasaysayan pa'y nais nilang iligpit

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 8, 2016

Sa muling panahon ng hilahil

narito muli ang panahon ng hilahil
bayani na raw ang diktador na nanupil
ng karapatan at sa bayan ay naniil
bakit bayani na ang diktador na sutil
nagngingitngit ang bayan, sa korte'y nagapi
pinatalsik nila noon, ngayo'y nagwagi
isang paglupig sa kasaysayan ng lahi
kalunos-lunos, ang bayan na'y nalugami
subalit balang araw ay maniningil din
ang kasaysayang pilit nilang buburahin
tila baya'y patiwarik na ibinitin
nabigo't nayurakan ang dangal na angkin
nasa ligalig, nagbabaga ang panahon
di madalumat bakit gayon ang desisyon
ng Korteng dapat kakampi ng bayan ngayon
ah, sadyang panahon na ng muling pagbangon
- gregbituinjr., 110816

Linggo, Nobyembre 6, 2016

Pagninilay sa "Pray for Eight" Concert

PAGNINILAY SA "PRAY FOR EIGHT" CONCERT

dinggin nawa ng walo o higit pang mahistrado
ang tinig ng bayan at pintig nitong aming pulso
na kasaysayan ay kaakibat ng pagkatao
at ugat ng lahing dapat buo, di binabago

patuloy na humihikbi ang maraming pamilya
ng mga nawala sa panahon ng diktadurya
hanggang ngayon, kay-ilap ng ninanasang hustisya
nawa, katarungang asam na'y mapasakanila

pagpapasiyahan nila kung wasto bang ilibing
sa Libingan ng Bayani ang diktador ng lagim
sugat pang di hilom ay huwag budburan ng asin
kasaysayan pag nayurakan ay di malilihim

kami'y umaasang maging patas ang inampalan
at di yuyurak sa pagkatao't dangal ng bayan
O, hukom, maalam ding maningil ang kasaysayan
mga pasiya nyo nawa'y maging makatarungan

- tula't litrato ni gregbituinjr.

(ang tulang ito’y kinatha sa monumento ni LapuLapu sa Rizal Park, Luneta, Maynila, Nobyembre 6, 2016)

(nakatakdang magbotohan ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa Nobyembre 8, 2016)

Biyernes, Nobyembre 4, 2016

Daludalo

kung daludalo ang tawag sa anay na may pakpak
sa anay ng lipunan kaya'y anong itatawag?
anay na dalo ng dalo sa mga pulong bayan
subalit trapo palang sadyang di maaasahan

- gregbituinjr.


Miyerkules, Nobyembre 2, 2016

Pagpupugay sa mga totoong bayani

PAGPUPUGAY SA MGA TOTOONG BAYANI
(Binasa sa Bantayog ng mga Bayani, sa aktibidad ng FIND o Families of Victims of Involuntary Disappearance, Nobyembre 2, 2016)

pagpupugay sa mga totoong bayani
na sa ating bayan ay tunay na nagsilbi
nang dahil sa prinsipyo'y walang pangingimi
na ipagtanggol ang masa mula sa imbi

ngunit marami sa kanila'y nangawala
di malaman, sila ba'y nabaon sa lupa
nahan na sila, aming puso'y lumuluha
hustisya ang hiyaw ng pusong nagbabaga

ngayon, nais pang baguhin ang kasaysayan
diktador ay nais ilibing sa Libingan
ng mga Bayani, huwag nating payagan
pagkat ito'y pagyurak sa dangal ng bayan

patuloy tayong magkaisa, makibaka
nang kamtin ng bayan ang asam na hustisya

- tula't litrato ni gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 1, 2016

Pagninilay sa sementeryo

PAGNINILAY SA SEMENTERYO
(sinulat sa Loyola Cemetery sa Marikina, habang ginugunita ang Author's Day, Nobyembre 1, 2016)

umaga'y naroong nagtungo na sa sementeryo
dumalaw sa puntod ng isang rebolusyonaryo
ilang taon na, kasama'y pinaslang ng Pebrero
subalit patuloy na nakibaka ang obrero

habang iginagala ang paningin sa paligid
may isang lawing lilipad-lipad sa himpapawid
na animo'y isinisigaw ang di nalilingid
hustisya! hustisya sa aming kasama't kapatid!

kayraming namatay, pinaslang, nabaon sa lupa
habang tiwali't pusakal pa ri'y nagsisigala
sa pamahalaan ay laksa ang tuta't kuhila
at sugapa'y patuloy pa ring nagsisibulagta

sa sementeryo'y nagsisipuntahan kapag undas
habang pook na yao'y ulila kapag taglagas
alaala ng nakalipas ay di lumilipas
katawan man ng namatay doon ay naaagnas

- tula't litrato ni gregbituinjr.