TURUAN ANG MGA BATANG MAGLARO NG AHEDRES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
sa paaralan ay may isports ding itinuturo
na mahalagang maunawaan ng mga guro
tulad ng ahedres na kung sa bata ay titimo
ay kagigiliwang todo pagkat magandang laro
turuan ang mga batang maglaro ng ahedres
maaga pa'y nagsusuri na't alam kumilatis
kung anong tama, di basta na lamang nagtitiis
anong tamang taktika nang solusyon ay bumilis
ang batang marunong sa ahedres ay mas abante
natututong mag-analisa ng mga nangyari
di agad kinakabahan sa problemang dumale
nahahanap ang solusyon, puso't diwa'y kampante
sa ahedres, malaki ang pakinabang ng bata
na habang maaga'y nakakapaghanda sa sigwa
salamat sa guro at ito'y ipinaunawa
bata’y natututo't nakakapagsuri nang kusa
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento