TUNGKO SA SILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
rumaragasa na ang habagat mulang kanluran
tila nais daluhungin ang munting bayanihan
ng mga nag-uusong ng kaban mulang silangan
nagkakagulo sa bigat ng salaping palitan
habang inaayos ang tungkong tadtad pa ng gatong
na pinagsilab ay mga tatal mulang kamagong
at di pa mahagilap ang hanap, hilong-talilong
nag-iingat, baka lumitaw muli ang ulupong
paano tutuparin ng obrero ang tungkulin
di lamang pagsisibak ng kahoy ang dapat gawin
kung kailangan, dumako pa sa ibang lupain
upang tiyaking salinlahi nila'y makakain
damhin ang nilalakaran, paraanan sa tambo
kayraming lamok, tila di na uso ang kulambo
di na tinitimbang ng puhunan anumang luho
kahit na manamantala alang-alang sa tubo
tingni ang tungko kung kumulo na ba ang sinaing
habang sa bulsa ng obrero'y walang kumalansing
sa kabulukan ng sistema'y kailan gigising
upang bukangliwayway sa bawat puso'y maglambing
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento