BATA'Y BIGYAN NG GURO NG GAGAWIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
bata'y bigyan ng gagawin, di ng masasaulo
na ang ginagawa'y sinusuri niyang totoo
mga palaisipang magsusuri siyang todo
sa kanyang pag-aanalisa'y doon matututo
pagsaulo ng detalye'y bakit niya gagawin
gayong di pagkabisa ang bukas na haharapin
bata'y bigyan ng gagawin, di ng kakabisahin
upang tumalas ang isip, kung pakaiisipin
paano pangungunahan ng bata halimbawa
ang buong klase kasama ang kanyang kapwa bata
paano lulutasin pag may problemang nagbadya
paano pag-uusapan ang mga mali't tama
sa agham at matematika may mga pormula
na gawa ng mga syentistang dapat makabisa
wala namang pormula ang buhay, lalo't problema
subalit pag-unawa sa problema'y mahalaga
iyan ang papel ng mga guro, ang matagpuan
ng mga bata ang sarili nitong kakayahan
na magsuri ng problema, lalo na sa lipunan
at maging handa sa pagharap sa kinabukasan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento