Linggo, Enero 31, 2016

Kailangan ba ng isang tagapagligtas

KAILANGAN BA NG ISANG TAGAPAGLIGTAS?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kailangan ba ng tagapagligtas itong dukha
tulad nina Batman, Robin, Mesiyas, o Bathala
anong dapat upang sa sistemang bulok lumaya
nang makaalpas ang tao sa kahirapang sumpa
at makamtan sa buhay ang mailap na ginhawa

o sa haba na ng tinakbo nitong kasaysayan
may tagapagligtas noong unang panahon lamang
batay sa mga kwentong animo'y kababalaghan
kung kailan ang populasyon ay kaunti pa lang
ngunit wala nang tulad niyon sa kasalukuyan

tulad ng kwento nina Zorro't Superman sa sine
bayan-bayan iniligtas, tinuring na bayani
ngunit sa mga kathang isip lang sila nagsilbi
kaya walang tulad nila diyan sa tabi-tabi
kaya paano natin sila ipagmamalaki

sinong magliligtas sa atin sa maraming hangal
laban sa pulitikong tambay sa mabahong kural
laban sa panunuyo ng nagkukunwaring banal
laban sa gawain ng kapitalistang pusakal
kaya ba ng isang Mesiyas ang tusong kapital

huwag tayong umasang may isang tagapagligtas
na sasagip sa atin sa tiwali, dusa't dahas
iangat natin ang ating kamalayan at antas
ang ating aasahan upang mundo'y maging patas
ay ang sama-sama nating pagkilos nang parehas

Biyernes, Enero 29, 2016

Ayaw kong mapaso sa sariling apoy

AYAW KONG MAPASO SA SARILING APOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

humahalakhak man ang langit sa kinasapitan
di ko madalumat ang naranasang kasawian
inuugoy ng alon sa pagtahak sa kawalan
habang niyuyugyog ng hangin ang buong katawan

mahapdi sa balat ang matinding sikat ng araw
apoy sa loob ko'y sumulak, ako'y natutunaw
napapaso ang buong ako, parang hinahataw
ng kung anong imaheng animo'y isang halimaw

di ko gagawin yaong sa kapwa'y manliligalig
nais ko'y patas, prinsipyado't nasa tamang tindig
sa sinumang nambubusabos ay di palulupig
habang lahat ng manggagawa'y magkakapitbisig

ayaw kong mapaso sa sariling apoy ng dusta
bagamat labas sa aking pagkaako ang saya
nais ko lang maging kaisa sa danas ng masa
at sama-sama naming lalandasin ang pag-asa

Lunes, Enero 25, 2016

Kapara ko'y inihagis sa malalim na dagat

kapara ko'y inihagis sa malalim na dagat
at pinabayaang lumangoy mag-isa sa alat
ang bawat hampas ng alon sa dibdib ko'y kaybigat
naulila doong ang bukas ay di madalumat
- gregbituinjr. (pakiramdam nang mawalan ng opis ang BMP)

Sabado, Enero 23, 2016

Paglisan

PAGLISAN
13 pantig bawat taludtod

sa pagkatuliro'y nanalasa ang lumbay
di inaasahang bigla akong mamatay
ngayon, umpisa na ng aking paglalakbay
ngunit di malaman ang tutunguhing tunay

tila ba hinehele sa pagkakaidlip
ang nagdaang buhay ay di sukat malirip
nakipagbuno sa lipunang anong sikip
at dumidilang apoy yaong nakahagip

dinuduyan ng hanging biglang bumulusok
biglaan, iniwan na ang lipunang bulok
inanay na haligi'y tuluyang nagapok
at nilisan na ang sistemang di malunok

sino ang papalit ngayong ako'y lumisan
ah, marami pang tibak na handang lumaban
sila ang uugit ng bagong pamayanan
isang lipunang patas at makatarungan

- gregbituinjr.

Martes, Enero 19, 2016

mamamatay na lang ba akong...

mamamatay na lang ba akong
walang laman ang mga tula
kundi pawang himutok, luha
panimdim, at pangungulila

ako ba'y mamamatay na lang
nang di tuluyang naaangkin
ang inaasam kong diwata
na anghel ang kariktang angkin

ako lang ba ay mamamatay
na yapos ay sanlaksang lumbay
pagkat di napapagtagumpay
ang mga pangarap na tunay

sana naman, mamatay akong
nagisnan ang bagong umaga
at di nasidlak sa kadimlan
ng kawalan ng katarungan

- gregbituinjr

Huwebes, Enero 7, 2016

Plastik na trapo

PLASTIK NA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lulutang-lutang sa karagatan
ang mga plastik ng kahihiyan
malinis na tubig ay dinumhan
ng mga nagtatapon kung saan

lulutang-lutang sa kampanyahan
ang pulitikong tuso't gahaman
ang trapong plastik ng kahihiyan
na pinandidirihan ng bayan

plastik na trapo'y lulutang-lutang
kayrumi nilang mga basahan
sa dagat kaya'y malilinisan
o dapat malunod nang tuluyan

ang trapong ubod ng kaplastikan
ay dapat mawala nang tuluyan
sa pagkalutang sa karagatan
at lalong-lalo na sa lipunan

Miyerkules, Enero 6, 2016

Huwag sayangin ang buhay

HUWAG SAYANGIN ANG BUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakakasuka ang buhay na walang adhikain
walang kwenta, kamatayang ikaw ay yayapusin
ano bang saysay ng buhay na walang simulain
walang kasiyahan, ano bang marapat mithiin
tayo ba'y nabuhay lang sa mundo upang kumain

hindi, ayaw ko nang gayong buhay, nakatunganga
sayang lang ang buhay pag walang anumang adhika
sayang lang ang buhay pag lagi nang nakatulala
sayang lang ang buhay pag wala namang ginagawa
kundi magpalaki ng bayag, tumitig sa wala

ano ka kung maangkin mo man ang buong daigdig
kung hari ka ngang inaasahan mo lang ay kabig
ano ka kung pulos salapi man ang iyong banig
ano ka kung sa isyung pambayan ay walang tindig
ano ka kung panaghoy ng kapwa'y di dinirinig

mas maigi ang buhay na may magandang adhika
kaharapin man ay timba-timbang agos ng luha
nasa loob ay magpakatao't makipagpagkapwa
sa puso't isip ay kabutihan at pagpapala
at buhay na ito'y matitigib ng ligaya't tuwa

Biyernes, Enero 1, 2016

tula sa gintong panahon ng aking ama't ina

SA IKA-50 ANIBERSARYO NG AKING AMA'T INA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 na pantig bawat taludtod

limampung taon yaong singkad
ng pagsasama ng maluwat
ginabayan ang mga anak
tungo sa kanilang pangarap
tungo sa maayos na bukas

limampung taong pagsasama
nilang butihing ama't ina
na halimbawa'y anong ganda
sa amin ay dakila sila
sa paggabay at disiplina

sa inyo pong golden anniversary
taos-puso pong bumabati kami
mahal namin kayo, Mommy at Daddy
sa gabay nyo kami'y nagpupursigi
nang kamtin din ang bukas na maigi