Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Ningas sa kadimlan


NINGAS SA KADIMLAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

"Ang isang puno ay makalilikha ng isang milyong posporo. Ngunit ang isang posporo ay maaaring makapagwasak ng isang milyong puno." ~ kasabihang pangkalikasan

gamit sa sigarilyo
ang pansinding posporo
sindi doon at dito
usok ay bugang todo

ang posporong nilikha
ng kamay ng paggawa
ay gamitin ng tama
nang di mapariwara

mag-ingat sa paggamit
lalo sa tukso't kulit
dahil ang ipong galit
sa buhay ay mang-umit

sindihan ang kandila
para sa namayapa
tumutulo ang luha
luha'y itinutula

magbigay ng liwanag
sa karimlang bagabag
mga tago'y mabunyag
sa batas na nalabag

posporo'y gagamitin
panluto ng sinaing
at habang iniinin
sumasarap ang kanin

Ang mitsa


ANG MITSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasindihan ang mitsang apoy ang inilalatag
upang magbigay sa atin kahit munting liwanag
habang sa dilim may suliraning bumabagabag
ang masikip na dibdib ay paano ba luluwag

kung iyang mitsa'y nagsabog ng liwanag sa dilim
nagsindi ng gasera pagsapit ng takipsilim
maaaring makapagnilay-nilay ng taimtim
at upang maiwasan din ang rimarim at lagim

mitsa ang simula nang pagtupok pag nasindihan
mitsa ang dahilan ng pagsiklab sa kadiliman
mitsa ang bisyong sumisira nitong kalusugan
mitsa rin ang simula ng maraming kamatayan

mitsa'y gamitin sa kadahilanang anong buti
makatulong sa kapwa’t anumang dapat sumindi
mitsa sa kandila't nagpupugay sa pintakasi
mitsa'y gamiting tama't nang sa huli’y di magsisi

Ang kakayahang bumili ng edukasyon

ANG KAKAYAHANG BUMILI NG EDUKASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

magkano nga ba itong edukasyon
di ba't dapat na ito'y obligasyon
nitong pamahalaan bilang misyon
ng paghubog ng bagong henerasyon

mahal ang matrikula't pamasahe
sa kalagayang ito tayo'y saksi
kaya edukasyon ay dapat libre
di batay sa kakayahang bumili

kaymahal ng presyo ng edukasyon
marami nga'y sa utang nababaon
lalo na't dukhang dapat ding lumamon
sa problemang ito'y ano ang tugon

ang bata'y matiyagang nag-aaral
kahit walang hapunan o almusal
naghahanda sa bukas na daratal
nagsusunog ng kilay, nagpapagal

Martes, Setyembre 29, 2015

Pagkalunod

PAGKALUNOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dama ang pagkalunod sa pagkabigo't dismaya
iluha ko man ay bato'y may magagawa pa ba
puso'y sinusurot ng pagkaalpas ng biyaya
pagkasawing biglang datal ay makakayanan ba

pagkalunod na di makasisid, di ko mawari
kampay ng kampay, kamalayan ko'y di manauli
tuliro, di nagbunga ang inihasik na binhi
bigo sa pinaghandaang pagbabakasakali

nagpapalakas lang ng loob yaong umaasa
na ako'y makakasáma rin sa mga kasama
bantulot na'y dapat pa ring gawin anumang kaya
pulos bakasakaling magtagumpay na't sumaya

tubig ay nalalagok habang nais makaahon
nilulunggating pangarap ay wala pa ring tugon
kung mabibigo sa ikalawang pagkakataon
panahon nang lumayo't bagtasin ang mga alon

Di sumusuko ang tulad kong mandirigma

DI SUMUSUKO ANG TULAD KONG MANDIRIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di sumusuko ang tulad kong mandirigma
sa mga labanang di basta humuhupa
di sumusuko kahit puso'y lumuluha
pagkat di matupad ang anumang panata

durog man ang dibdib sa unang pagkagapi
na nag-iisang puso'y tila hinahati
pagbutihin ang ikalawa't ipagwagi
lalo nang masakit ang muling pagkasawi

kakaunti lamang naman ang inaamot
ngunit bakit sa amin ipinagdaramot
nawa'y magkabisa ang lunas na iabot
at sa mga nauna'y dumugtong, umabot

kailangang umigpaw ang bawat sandali
ng aming adhika't pagbabakasakali
sa sitwasyong ito'y di dapat malugami
ang di sumusuko'y maaaring magwagi

Sa talampas ng digma

SA TALAMPAS NG DIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayrami nang digmaang dama ko'y siphayo
ngunit mandirigma'y di dapat sumusuko
subalit kung daloy ay pulos pagkabigo
tinahak kaya'y mali't dugo'y nabububo

dapat lumaban hangga't may pagkakataon
suriin ang masalimuot na sitwasyon
batid ang hugis: bilog, parihaba, kahon
at wastong direksyon ay tuluyang matunton

mandirigmang sa labanan ay kumakasa
iniisip sa tuwina'y wastong taktika
upang sa pader ay di ka maibalandra
ng mga suliraning di mo uboskaya

malasado man ito'y gawin mo ang dapat
tulad ng pag-iihaw sa apoy na sapat
baka dumatal ang problemang di masukat
at nariyan ang kalabang di madalumat

huwag kang mauhaw sa tagay ng lambanog
sa takipsilim man, di ka dapat lumubog
may mga suliraning di ka mayuyugyog
pagkat maaakyat din ang anumang tayog

Nabangkô dahil walang lagak sa bangko

NABANGKÔ DAHIL WALANG LAGAK SA BANGKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kumbaga sa basketbol, ako'y naroon sa bangkô
tila di kasali habang kasama'y naglalaro
pagkat wala nang bisa ang nakuha kong pangako
biyaya'y naging bato, adhikain ko'y naglaho

walang dokumentong pampinansya mula sa bangko
dahil noon pa'y di ako naglalagak sa bangko
wala naman kasing sapat na ilagak sa bangko
tingin ko'y mayaman lang ang may patago sa bangko

kailangan pala ito sa ating kairalan
dito umiinog ang kapitalistang lipunan
kahit sa pagkuha ng visa ito'y kailangan
pag wala ka nito'y kakawawain kang tuluyan

mahirap na laging bangkô ang isang manlalaro
putol ang mga galamay, sa apoy napapaso
animo'y tuod na ang kapara'y putok sa buho
kahit salingpusa'y di kasali, kawawang dungo

Paano ba tatalab ang walang bisa

PAANO BA TATALAB ANG WALANG BISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

minsan dumatal ang pangarap sa kandungan
walang bisa pa rin at walang katiyakan
tumatalab lamang doon sa panagimpan
na nangungusap sa diwatang paraluman

ako ba'y isinumpa't di man lang tumalab
ang lunas sa suliraning naglalagablab
di ko pa madalumat anong nag-aalab
bakit walang bisa ang bisang di masunggab

ang tala sa langit ba'y aking masusungkit
upang dumatal din sa lalandasing pilit
gagawin ang kaya, lansangan man ay pagkit
at marating ang pangarap na sinasambit

ngunit dapat magwagi sa labang susunod
mag-isip muna, di dapat sugod ng sugod
baka sa ikalawa'y tuluyang malunod
baka pinaghirapan sa sigwa'y maanod

tatalab lamang kung may birtud na mabisa
tulad ng puso ng saging na di nawala
naisubo't mga maligno'y nangahupa
pagkat may bisa ang mga nagsipaghanda

Lunes, Setyembre 28, 2015

Palayain ang Tibet

PALAYAIN ANG TIBET
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tayo'y manawagan, magmalasakit
dapat nang lumaya ang bansang Tibet
mula sa mananakop, nanggigigpit
nagpapahirap at nagmamalupit

may karapatan din silang lumaya
mula sa kuko’t pangil ng kuhila
sa pagdurusa’y dapat makawala
maging ligtas at di kinakawawa

sinakop na ng mahabang panahon
dapat din naman nilang makaahon
magkaisa ang mamamayan doon
at upang lumaya'y magrebolusyon

Linggo, Setyembre 27, 2015

Kung para sa Climate Justice ang 23M tweet ng AlDub

KUNG PARA SA CLIMATE JUSTICE
ANG 23M TWEET NG ALDUB
15 pantig bawat taludtod

pinatutunayan ng AlDub, may lakas ang masa
milyun-milyong bilang, lakas na may pagkakaisa
lakas na kayang mabago ang bulok na sistema
lakas na kayang isigaw ang hustisyang pangklima

ang masa’y ayaw na sa sistemang mapambusabos
sa kalagayan ng kalikasang kalunos-lunos
sa mga naranasang delubyong dulot ng unos
sa mga lupaing dahil sa mina’y nauubos

may hatak at lakas ang AlDub na dapat aralin
na magagamit upang kalikasan ay ayusin
upang mga lupaing ninuno’y di na minahin
upang di na tapunan ng plastik ang dagat natin

suriin ang mga aral ng kalyeseryeng AlDub
bakit nagkaisa ang masa sa usapin ng lab?
lab ba natin ang kalikasang laging iniisnab?
puso ba natin sa climate justice ba'y nag-aalab?

- gregbituinjr.


Lakas ng masa ang 23M tweet ng AlDub

LAKAS NG MASA ANG 23M TWEET NG ALDUB
15 pantig bawat taludtod

may lakas ang masa, pinatutunayan ng AlDub
kahit sabihin pang baduy at tungkol ito sa lab
ang lakas ng masang ito'y sino pa ang iisnab
kundi aral nito'y suriin at dapat masunggab

lakas ng masang ito’y hanap ng tiwaling trapo
lakas ng masang nais makuha ng pulitiko
masang sa kilig sa istorya'y nagkaisang todo
na kung susuriin, lakas para sa pagbabago

masa'y sawa na kasi sa pulos katiwalian
kaya doon sa kalyeserye dusa'y dinadaan
kahit paano'y may tuwa kahit nahihirapan
sa buhay na kahit magsipag, walang kaunlaran

huwag ismolin ang AlDub, kayraming kinikilig
kung ang malaking bilang na ito'y magkapitbisig
para sa layuning bulok na sistema’y malupig
mababago ng masa ang lipunan at daigdig

- gregbituinjr.


Biyernes, Setyembre 25, 2015

Mahirap daanin ang lahat sa tula

MAHIRAP DAANIN ANG LAHAT SA TULA

mahirap daanin ang lahat sa tula
kailangan pa ring ako'y magsalita
nambobola lang ba tulad kong makata
upang mapasagot ang dilag kong mutya

- gregbituinjr.

Huwebes, Setyembre 24, 2015

Katotohanang anong pait

KATOTOHANANG ANONG PAIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pag dukha, ang binibili’y produktong mumurahin
manipis ang bulsa, ang ibig ay di kayang bilhin

pag mayaman, bibilhin ang produktong mamahalin
dahil may pera'y mabibili anumang ibigin

magkaibang daigdig dahil magkaibang uri
isa'y nagdidildil ng asin, isa nama'y hari

kayâ sa kanila'y magkaiba rin ng pagtingin
nasa salapi kung respeto’y sino ang aangkin

sa mundo, ang mga dukha'y kanilang mumurahin
habang ang mayayaman ay kanilang mamahalin

Miyerkules, Setyembre 23, 2015

Tula sa Climate Pilgrimage

TULA SA CLIMATE PILGRIMAGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

magkasama sa Climate Walk noon
hanggang sa Climate Pilgrimage ngayon
upang ipagpatuloy ang misyon
para sa Climate Justice na bisyon

magpapatuloy sa bawat hakbang
daanan man ay gubat at parang
ang matataas mang kabundukan
ang patag at magulong lansangan

pumarito na at paparoon
dala sa puso'y mabuting layon
dala sa diwa'y kamtin ang bisyon
dala sa paa'y tupdin ang misyon

danas man ay sakripisyo't luha
damhin ma'y malasakit at tuwa
tangan sa dibdib yaong adhika
para sa daigdig, kapwa't bansa

sadyang nagkakaisa ngang tunay
na itutuloy ang paglalakbay
ihahasik sa kapwa ang gabay
na Climate Justice na aming pakay

Pagsintang walang lubay

PAGSINTANG WALANG LUBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaytagal na panahong pagsinta'y hinintay
hanggang ngayon, patuloy pa ring nagninilay
sakali mang sa iyo, ako’y magtagumpay
di ako papayag na tayo'y magkawalay

walang iwanan, pagsinta ko'y walang lubay
panata ko'y di tayo magkakahiwalay
puso'y kayrami nang dinanas, nangangalay
kung mawawala ka, tunay ko iyong lumbay

Takot akong mawala ka, sinta

TAKOT AKONG MAWALA KA, SINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit kayhirap mong mawala sa aking paningin
gayong sinta ko'y hindi ka pa naman naging akin
inalay man sa paanan mo ang mga bituin
subalit di mo pa rin akong magawang sagutin

walang forever, ikamo, walang magpakaylanman
marami pang babaeng higit pa sa iyo riyan
ngunit ikaw ang diyosa ng pusong kainaman
na pag nakita'y lulukso-lukso sa kasiyahan

kaya di ko madalumat pag ikaw na'y nawalay
tila daigdig ko'y pinalibutan na ng lumbay
malakas man ang katawan ko'y tila nakaratay
sa banig ng karamdamang iwing puso'y may latay

takot akong tuluyan kang mawala, aking sinta
ikaw ang aking paraisong laging nadarama
mananatili ka lang bang pangarap ko tuwina
o nadarama ko'y papalitan mo ng ligaya

Martes, Setyembre 22, 2015

Ang plastik na trapo

ANG PLASTIK NA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit di tatamaan ng kidlat ang trapo
dahil gawa daw sa plastik ang mga ito
sa halalan nga'y pangako doon at dito
laging  napapako ang sinabi ng trapo

bakit lulutang sa dagat ang mga trapo
dahil gawa daw sa plastik ang mga ito
pulitikong plastik, lulutang ngang totoo
wala nang laman, wala pang silbi sa tao

bakit lumalakas ang hangin pag may trapo
dahil pulos kaplastikan ang gawa nito
mayabang, pawang hangin ang laman ng ulo
tangay din ng hangin ang pangako sa tao

iyang mga trapo ba'y iyong iboboto
o marangal na lingkod ang pipiliin mo
nasa iyong kamay ang kasagutan dito
halina’t ibasura ang plastik na trapo

Lunes, Setyembre 21, 2015

Bulong ng budhi'y iwaksi ang mga baril

BULONG NG BUDHI'Y IWAKSI ANG MGA BARIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

iwaksi ang mga baril, bulong ng budhi
pagkat pampatay ito ng kapwa't kalahi
diyos at sandata ng mapang-aping uri
sa ganito'y walang ibang solusyon kundi
iwaksi ang mga baril, bulong ng budhi
nang kapayapaan sa mundo'y manatili

pandepensa umano laban sa masamâ
ngunit gamit din ng mapang-aping kuhilà
ah, mabuting baril ay tuluyang mawalâ
kaysa dahil sa baril, kayraming lumuhà
ang inihahasik nito'y yabang at sumpâ
na sa buhay ng tao'y nagbabalewalâ

panlaban sa krimeng dinulot ay hilahil
ngunit noon pa'y gamit din ng mapaniil
at ipinuputok ng mayabang at sutil
di matatapos ang dahas, may maniningil
kaya dinggin ang kawastuhang umukilkil
bulong ng budhi'y iwaksi ang mga baril

Sa dawag ng kawalan

SA DAWAG NG KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

iniwan ako ng ubod rikit na binibini
doon sa may dawag ng kawalang di ko masabi
sa iwi kong pagsuyo siya'y nag-aatubili
pagkat wala ni ginto’t namumuhay lang ng simpli

siya ang diyosang sa mundo'y pinipintakasi
sa natutulog kong puso'y mitsa siyang nagsindi
subalit payak lamang ang buhay kong mapagmuni
pagkat pinili kong sa obrero't dukha magsilbi

karangyaan para sa kanya'y di ko mabibili
ni walang pilak, ngunit kaibigan ay kayrami
huwag pintasan ang buhay kong pagani-ganiri
tula ang aking yaman kaya di ako pulubi

subalit hanggang ngayon ay di pa napapakali
pagkat harayang nakaalpas ay di pa mahuli
ngunit patuloy ang pagmumuni araw at gabi
upang akdang makatha'y ihandog sa binibini

Pagsuyo hanggang langit

PAGSUYO HANGGANG LANGIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sinuyo ng araw ang bituing kayrikit
O, kaysaya ng paghaharana sa langit
namamaga ang mata'y di pa pumipikit
dinarama pa rin ang suyuang malagkit

kaytamis ng mga binitiwang kataga
nais pagkaisahin ang dalawang laya
nasa kaibuturan ang isinusumpa
pati bagting ng gitara'y dinig sa tuwa

lalamon ng gabok ang sinumang karibal
sa pagsusuyuang sintamis ng asukal
sinusuyo'y iniaangat sa pedestal
ng kaliwanagang sa karimlan dumatal

O, kaysarap pag dalawang puso'y nagniig
kumbaga sa gantimpala'y siksik at liglig
di man madalumat ng diwang natutulig
tanging nakaunawa'y pusong umiibig

Pagka kinakapoy

PAGKA KINAKAPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

O, kapoy, huwag kang sumuot
sa katawan kong salimuot
sa ulo na'y napapakamot
dahil ikaw ang kumukumot

huwag mo akong abalahin
pagkat kayraming kong gawain
tambak pa ang dapat tapusin
kasiglahan ko'y pabalikin

magpapahinga munang saglit
dahil katawan na'y masakit
kahit na araw ay pusikit
hihimbing muna’t nang masulit

umagang ito’y walang latoy
diwa't katawang kinakapoy
para bagang tuod na kahoy
ngunit ayokong kumuyakoy

kapoy itong palukso-lukso
sa patay na oras na ito
kaya't ako'y nagsusumamo
O, kapoy, iwan muna ako!

* kapoy - salitang Batangas sa panlalata ng katawan

Linggo, Setyembre 20, 2015

Kabuwanan

KABUWANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

sumusundot-sundot sa isip
tila baga nananaginip
sa buwan daw ay umiihip
ang silangang di makaidlip

sumusuray-suray sa tayog
pati isip niya'y umiinog
sa katatagay nalalamog
ang lalamunan sa lambanog

sumusuyo-suyo sa sinta
ilang buwan na pala sila
ang pinapangarap tuwina
sa buwan daw mahihinuha

sumusumbat-sumbat ang tinig
habang sa buwan nakatitig
animo'y walang naririnig
di man lamang makaulinig

sumusulat-sulat ng kwento
kahit isipan ay tuliro
wala pa rin bang pagbabago
sa bayan, pinuno't gobyerno

sumusuka-suka ang ginang
kabuwanan na'y gumagapang
pag kulang sa buwan ay buwang
dapat na isaalang-alang

Sabado, Setyembre 19, 2015

Kung mawawala ka

KUNG MAWAWALA KA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

"kung mawawala ka
di ko makakaya"
anang isang kanta
hinggil sa pagsinta

pag iyong narinig
sa puso'y nanaig
hibik ng pag-ibig
kayhirap malupig

puspos katapatan
sa pag-iibigan
sa puso'y matimbang
ang kahalagahan

masakit mawala
ang sintang sumumpa
nasirang panata
ang dulot ay luha

ah, di na magagap
pusong di lumingap
kabiguang lasap
mag-isa'y kayhirap

Biyernes, Setyembre 18, 2015

Sa muling paglalakad

SA MULING PAGLALAKAD
(sa mga makakasama sa Climate Pilgrimage)
Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa muling paglalakad, tangan ang prinsipyo't tindig
hinggil sa isyung klima't nangyayari sa daigdig
"Climate Justice Now!" sa buong mundo'y iparirinig
kahit milya-milya'y tahakin ang init at lamig

pagkat nagpasiya kami, nagkakaisang tunay
maghahatid ng mensahe sa mga mahuhusay
nawa pag-usapan na'y di solusyong pulos sablay
dukha'y isama sa usap, mundo'y ano nang lagay

iisang mundo, bakit di magkaisang ayusin
nang di iisipin kung ano lang ang tutubuin
maayos na kapaligiran dapat ang mithiin
makapag-ambag munti man sa gintong adhikain

nakaukit sa diwa't pusong may pananagutan
ang bawat isa para sa bukas ng daigdigan
danasin man ay matinding lamig sa ibang bayan
ay may init sa pusong gagabay sa bawat hakbang

Huwebes, Setyembre 17, 2015

Magkalayo'y pinaglapit ng puso

MAGKALAYO'Y PINAGLAPIT NG PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

magkalayo'y pinaglapit ng puso
pagkat tadhana sila'y pinagtagpo
hanggang dumatal yaon sa pagsuyo
at nagpalitan ng sintang pangako
anumang mangyari't puso'y dumugo
pagsinta'y hinding-hindi maglalaho

magkaiba man ang pinaggalingan
ay pinag-ugnay ng pag-iibigan
di man iyon dalumat ng isipan
dalawang puso'y nagkaunawaan
damdaming totoong nagmamahalan
na tila baga walang kamatayan

sa talampas man, burol o sa libis
malakas man yaong daloy ng batis
sa pag-ibig anuman matitiis
kapangyarihan nito’y labis-labis
larawan ng sinta’y di mapapalis
sa pusong pag tumibok ay kaybilis

Miyerkules, Setyembre 16, 2015

Ang kahirapan ay hindi guhit ng palad

ANG KAHIRAPAN AY HINDI GUHIT NG PALAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may dahilan kung bakit ang buhay ng dukha'y sadsad
sa labis-labis na karukhaan ay ipinadpad
gayong di naman tadhana ang dahilan ng lahat
kundi sistemang sanhi kung bakit may kulangpalad

kayraming dukhang ang palad ay laging nakalahad
nagbabakasakaling magbigay ang bukaspalad
bakasakali sa mga nagpapasasa't bundat
itatawid sa gutom ang pamilyang sawimpalad

inaral ang kalagayan, bakit may mga uri
bakit mga tao sa lipunan ay nahahati
bakit kayraming api, iilan ang naghahari
bakit mayorya'y nasasadlak sa pagkaduhagi

nais nilang mabago ang bulok na kalagayan
nasuring kaunti lang sa bayan ang nagsiyaman
mayoryang kaysisipag ay sadlak sa karukhaan
napagtantong di guhit ng palad ang kahirapan

pangarap nilang ang bulok na sistema'y tumirik
di tamang mga anak nila'y sadlak din sa putik
dukha silang dinukha’t dapat silang maghimagsik
rebolusyonaryong pagbabago'y kanilang hibik

likhang yaman ng obrero'y ipamahaging ganap
sa lipunang ang buhay ng masa’y aandap-andap
samahan natin silang tupdin ang pinapangarap
na makataong lipunan, pantay, at mapaglingap

Martes, Setyembre 15, 2015

Huwag tayuan ng coal plant ang Palawan

HUWAG TAYUAN NG COAL PLANT ANG PALAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Palawan - halimbawa ng basal pang kalikasan
halina't pagnilayan ang ubod niyang kariktan
ngunit nanganganib ang kaaya-ayang Palawan
pagkat maruming enerhiya, ito'y tatayuan

Palawan na’y sinasakal ng kaytinding panganib
ng planong coal-fired power plant na bantang manibasib
pag natuloy ito'y kayraming sasakit ang dibdib
tiyak apektado kahit na mga nasa liblib

fifteen megawatts coal-fired power plant yaong proyekto
paano natin hahadlangan ang salot na ito
mamamayan na'y dapat magkaisa laban dito
nang mapigil ang bantang salot sa buhay ng tao

"last ecological frontier" na itong Palawan
na dapat protektahan ng tao't pamahalaan
itong "natitirang paraiso ng kalikasan"
na di dapat mawasak ng mga tusong gahaman

ang mga nagpoprotesta'y samahan nating lubos
upang kalikasan ng Palawan ay di maubos
upang mamamayan ay di tuluyang mabusabos
kung di kikilos ngayon, kailan tayo kikilos

Pinaghalawan ng tula:
http://www.manilatimes.net/filipinos-urged-to-reject-coal-mining-in-palawan/218587/
http://www.edgedavao.net/index.php?option=com_content&view=article&id=8995:palawan-based-ngos-oppose-proposed-coal-fired-power-plant-n&catid=70:scienceenvironment&Itemid=100

Lunes, Setyembre 14, 2015

Kabisado ng manggagawa ang unday ng maso


KABISADO NG MANGGAGAWA ANG UNDAY NG MASO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kabisado ng manggagawa ang unday ng maso
pawang matitipunong bisig ang may tangan nito
ang pagbuwag sa pader ay kanila ngang kapado
paano pa kung buwagin nila'y kapitalismo

dinambong ng tuso ang kanilang lakas-paggawa
otso-oras nila'y di nababayaran ng tama
ang unyon nila'y binubuwag ng tusong kuhila
kalagayan sa pabrika nila'y kasumpa-sumpa

di kalagayan lang sa pabrika'y dapat baguhin
kundi higit sa lahat, sistemang mapang-alipin
maso'y tangan upang bulok na sistema'y buwagin
mula roon, lipunan ng manggagawa'y buuin

ang uring manggagawa ang hukbong mapagpalaya
lipunan nila'y itayo ang kanilang adhika

Linggo, Setyembre 13, 2015

Takipsilim

TAKIPSILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

naroon, nanunumbat ang liwanag
sa buhay na nananatiling hungkag
nahan na raw ang mga masisipag
na sa kabihasnan ay nagpatatag

di malirip ng may diwang alipin
kung paanong buhay ay paunlarin
sunud-sunuran lang, titingin-tingin
araw-gabi'y nagdidildil ng asin

nahan ang kinabukasang pangarap
bakit buhay ay sakbibi ng hirap
kaginhawahan ba'y mahahagilap
kung iwing buhay ay aandap-andap

ang kawalang-pag-asa'y takipsilim
bukangliwayway man ay nagdidilim
tamis ng pagsinta'y di masisimsim
kung mananatili lang salamisim

Sabado, Setyembre 12, 2015

Ah, wala naman talagang tula, kung tula lamang

AH, WALA NAMAN TALAGANG TULA, KUNG TULA LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ah, wala naman talagang tula, kung tula lamang
kundi larawan ng mga aktibista sa daan
kundi dahil may dukhang lumalaboy sa lansangan
kundi may magsasakang naroon sa kabukiran
kundi may manggagawang kaysipag sa pagawaan
kundi may dapat ipagbaka ang kababaihan
kundi may kinabukasang dapat nang paghandaan
kundi may mga karapatang dapat ipaglaban

ah, wala naman talagang tula, kung tula lamang
kundi larawan ng pang-aapi sa ating bayan
kundi ang mahihina'y pinagsasamantalahan
kundi sa tuwina'y nangingibabaw ang puhunan
kundi pulos katiwalian sa pamahalaan
kundi dahil sa mga naganap na karahasan
kundi dahil sa hinahanap nating katarungan
kundi dahil sa hinahangad na kapayapaan

ah, wala naman talagang tula, kung tula lamang
kundi may gabi't araw tuwina'y nagsasalitan
kundi may tirintas ng bituin sa kalangitan
kundi may bantang pagputok ng tahimik na bulkan
kundi may pag-ibig sa sintang pinag-aalayan
kundi sa alagang asong panay yaong kahulan
kundi may bangkitong pakikintabin, babarnisan
kundi may pumukaw na balita sa pahayagan

may tula pagkat kinatha mula sa kalagayan
batay sa mga nakikita sa kapaligiran
batay sa mga nadarama sa kaibuturan
batay sa naririnig, nahihipo, natitikman
batay sa mga delubyo't unos ng kalikasan
batay sa galaw nitong mga tao sa lipunan
batay sa mga uring laging nagtutunggalian
batay sa mga ideyang madalas magpingkian

may nais ibulong ang makata kaya may tula
yumanig ang bundok, lumindol, umuga ang lupa
nagsipag-aklasan ang laksa-laksang manggagawa
may umiibig ng lubos sa tinubuang lupa
mayroong bagong sistema yaong inaadhika
maraming dahilan upang kumatha ng kumatha
at pagandahin pang lalo ang minimithing akda
mga tula'y nakatha dahil may mga makata

Biyernes, Setyembre 11, 2015

Ang direksyon ay nasa iyong loob

ANG DIREKSYON AY NASA LOOB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

saan patutungo kung wala kang direksyon
lalo't di alam kung bakit ba paroroon
anong dahilan at pakay sa dakong iyon
babakasin ba'y kasaysayan ng kahapon

bakit lalandasin ang mga kabundukan
bakit tatawirin ang mga karagatan
bakit lalakarin ang libong milyang daan
bakit pupuntahan ang iba't ibang bayan

kawalan ng direksyon ay sadyang kayhirap
pagkat di lang mapa ang dapat mahagilap
nasa kalooban mo ang layuning ganap
upang gawin ang mga bagay na mahirap

hanap mong direksyon ay nasa iyong loob
mga layuning sa diwa nakakubakob
mga adhikaing sa puso'y anong rubdob
at matatahak ang landas na niloloob

Huwebes, Setyembre 10, 2015

Ang bag na karton

ANG BAG NA KARTON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

taghirap ang buhay, walang pambili ng bag
nagkasya lang sa karton ang batang masipag
upang makapag-aral at maging matatag
ang kinabukasan nang di maging lagalag
at sa salot ng lipunan ay di dumagdag

sa hirap ng buhay ay naging malikhain
gamit muna'y karton imbes na bag ay bilhin
pambili ng bag ay mabigat na pasanin
kung anong nasa paligid muna'y gamitin
pag buhay na'y umalwan, bilhin ang naisin

naghihirap man sa buhay, bag lang ay karton
ngunit ayaw niyang sa hirap ay mabaon
hinarap ang hirap at tinanggap ang hamon
pagsisikapan ang pag-asang edukasyon
mag-aaral nang mabuti’t nang makaahon

sa ngayon, pamilya man niya'y naghihirap
sa mura niyang isip, siya'y magsisikap
upang umunlad at abutin ang pangarap
pag-asang magandang bukas ay mahagilap
nang maalwang buhay ay kanilang malasap

Miyerkules, Setyembre 9, 2015

Payapang lumad pag naghimagsik

PAYAPANG LUMAD PAG NAGHIMAGSIK
Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang mga lumad ay pinapaslang
ng mga halang ang kaluluwa
tigmak ng dugo ang lupang tigang
naliliitan ba sa kanila?

maliit man ay nakapupuwing
sa mata'y maaring makabulag
at pilit din nilang dudurugin
ang sa dangal nila'y yumuyurak

payapang namumuhay ang lumad
tulad din ng kanilang ninuno
ngayong karahasan ang tumambad
payapang sibat ba ang susugpo?

payapang lumad pag naghimagsik
silang pinag-aapoy ang dibdib
ay magtago na ang mga lintik
sa kasuluk-sulukan mang yungib

Martes, Setyembre 8, 2015

Si Julie Vega (1968-1985)

SI JULIE VEGA (1968-1985)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

balot ng hiwaga yaong mata ni Angelita
kaytimyas at kaygaling ng arte ni Anna Liza
dalawang ulit na Best Child Actress ang gawad niya
kinilalang magaling na artista't manganganta

isang tunay na bituin sa pinilakang-tabing
siya ang talang sa kalawakan ay nagniningning
siya ang dyamante sa pusod ng putikang tining
siya ang artistang kagigiliwan mo't kaylambing

ngunit siya'y alaala na lamang, alaala
sapagkat nagkasakit at nawala nang maaga
alaalang sadyang tigib ng paghanga ng masa
pagkat anghel siyang mula sa langit ng pag-asa

Julie Vega, pangalang katumbas ay kabanalan
ramdam ang presensya mo sa sine't telebisyon man
namatay ka man subalit wala kang kamatayan
naririto kang lagi sa aming puso't isipan

Ang makasaysayang Barasoain

ANG MAKASAYSAYANG BARASOAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tinawag ito noong Simbahan ng Kalayaan
at Baras ng Suwail ang isa pang katawagan
noong panahon ng Kastilang nanakop sa bayan
kilala ring Duyan ng Demokrasya sa Silangan

mga baras daw ng suwail doon nagkukuta
silang manghihimagsik na ang adhika’y paglaya
ng bayan mula sa kuko at bagsik ng Kastila
doon natatag ang unang republika ng bansa

sa simula'y tuklong, yari sa pawid at kawayan
hanggang maging bato at tisa at naging simbahan
patrong Nuestra Señora del Carmen ang pangalan
lugar na pinagtibay ang kasarinlan ng bayan

naging saksi sa mga mananakop na kaylupit
na paglaya't kapayapaan yaong sinasambit
makasaysayang pook ng mga nagpakasakit
na mga bayaning nagnasang umalpas sa gipit

Pinaghalawan ng tula:
http://jessicamaelucas.blogspot.com/2014/03/my-second-travel-in-malolos-bulacan-2014.html
larawan mula sa google

Katarungan para sa mga Lumad

KATARUNGAN PARA SA MGA LUMAD
10 pantig bawat taludtod

nang dugo ng lumad ay sumirit
nagsiiyakan ang mga pipit
lumuha ang mga nasa langit
mga puno'y saksi sa paggipit
sa karapatan nilang winaglit

bulaklak ay di makabukadkad
umiyak ang paruparo't higad
ang lupa'y sa dugo nangabilad
pagkat pinaslang ang mga lumad
hustisya ba'y kailan lalantad

pamayanan ay nangagsitigil
dinulot sa kanila'y hilahil
pagpaslang ba'y kailan titigil
ang mga berdugong dala'y baril
ay dapat nang tuluyang mapigil

- gregbituinjr

Lunes, Setyembre 7, 2015

Ang ulilang puno

ANG ULILANG PUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

salamat kahit nag-iisa ka'y nariyan
sa tinding init, ako'y may masisilungan
subalit ako lang ay may pinagtatakhan
bakit nag-iisa ka sa lawak ng parang

kagubatan ba ninyo'y winasak, tanong ko
o tahanan nyo'y sinakop ng mga dayo
o kapaligiran nyo'y winasak ng tao
o nilipol kayo ng matinding delubyo

sa silong mo'y magpapahingang sumandali
ang sikat ng araw sa balat ko'y mahapdi
ngunit ang pag-iisa mo'y di ko mawari
nangyari sa inyo'y dapat lamang masuri

ulila kang muli pag ako'y nagpaalam
kaya dama ko paano ka nagdaramdam
gayunman, salamat, ang pagod ko’y naparam
sa silong mo'y guminhawa ang pakiramdam

kwento ng punong nangungulila sa lumbay
ay aking ibabahagi sa paglalakbay
baka may makinig, may solusyong ibigay
nang ulilang puno'y may makasamang tunay

Linggo, Setyembre 6, 2015

Maligayang kaarawan po, Inay

MALIGAYANG KAARAWAN PO, INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

anuman yaong dumatal
matindi man ang pagsubok
gabay ko ang bawat aral
ng inang sa'ki'y humubog

sa pag-usad ng panahon
nakatimo sa isipan
ang bawat mong mga sermon
para sa'ming kapakanan

maraming salamat, inay
sa'min, di ka nagpabaya
at lagi kang gumagabay
matagal man akong wala

sapagkat ako'y kaylayo
nasa yungib nagsusulat
ngunit kaylapit ng puso
dahil kayo ang nagmulat

nasa puso ka't isipan
sa bawat yugto ng buhay
maligayang kaarawan
po sa iyo, aming inay

6 Setyembre 2015

Sabado, Setyembre 5, 2015

Edukado'y nagkakalat naman ng basura

EDUKADO’Y NAGKAKALAT NAMAN NG BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ano pang dahilan ng iyong edukasyon
kung sa kabi-kabila'y tapon ka ng tapon
hinahayaang sa basura mo'y magtipon
ay ang di-edukadong basurerong iyon

di ba't nang estudyante ka pa'y tinuruan
ng magandang asal sa inyong paaralan
basura'y ilagay doon sa basurahan
di sa sahig, daanan, o kung saan-saan

isipin mo lang ito'y dalawang gawain
nagtapon ka, at iba ito'y pupulutin
nilagay sa basurahang kalapit man din
gayong kaya mo naman pala itong gawin

edukado ka bang walang pinag-aralan
basta tapon ng tapon na lang sa lansangan
simple lang namang itapon sa basurahan
basura mo'y itapon mo sa tama naman

may pinag-aralan ka pagkat edukado
at di naman basura ang edukasyon mo
ikaw nga ang dapat halimbawang totoo
edukadong dapat ngang hangaan ng tao

buhay na masalimuot ay gawing simple
at unahing disiplinahin ang sarili
huwag mong pabayaang nagkalat ang dumi
at sa kapwa'y nakatulong ka na't may silbi

Biyernes, Setyembre 4, 2015

Pagkilos para sa manggagawa't kalikasan

PAGKILOS PARA SA MANGGAGAWA'T KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hinagilap ko ang mundong nais kong pagsilbihan
ngunit di ko iyon nadama sa pamahalaan
nagboluntaryo ngunit di nakita sa simbahan
o kahit na sa apat na sulok ng paaralan

at nadama ko iyon kapiling ang mga dukha
habang tinatanggalan ng bahay ang maralita
dama ko rin iyon sa nagwewelgang manggagawa
sila ang kapwang kaisa sa hirap, dusa't luha

sa kilusang makakalikasan ay dama ko rin
na ako'y maging bahagi ng dakilang layunin
nagsimula ang lahat sa pangyayaring taimtim
nang ang punong gumamela, kapatid ko'y sagipin

mula noon, nagpasiya akong sa puso'y taos
sa kilusang manggagawa't kalikasan kikilos
ng buong panahon upang maitindig ng lubos
ang lipunang makatao, di lipunang busabos

Miyerkules, Setyembre 2, 2015

Si Lisa Balando, Unyonista

SI LISA BALANDO, UNYONISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

magsasaka mula Samar, lumuwas ng Maynila
nagtrabaho sa Caloocan, naging manggagawa

sa Rossini's Knitwear and Winter Garments ay namuno
sa unyon nila ngunit siya'y tinigmak ng dugo

nang sa isang mapayapang rali, siya'y binaril
ng pulis ng diktadura, buhay niya'y kinitil

gayong hiling nila'y para sa makataong sahod
at mga karapatan ng manggagawa sa lungsod

doon sa harap ng lumang Senado tinimbuwang
Araw ng Paggawa nang binira ng mga halang

sa mga obrero, si Lisa Balando'y bayani
hanggang sa huling sandali sa bayan ay nagsilbi

pagpupugay sa iyo, di ka dapat malimutan
pagkat dakila ka sa puso't diwa nitong bayan

* Si Lisa Balando ay pinaslang ng mga pulis ng diktadurang Marcos sa isang mapayapang pagkilos ng mga manggagawa sa harap ng Senado, Mayo Uno, 1971

Si Liliosa Hilao

SI LILIOSA HILAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mula Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
estudyanteng may katapatan sa adhika
nang dahil sa kanyang maagang pagkawala
ang pamilya niya'y lumuha’t naulila

punong-patnugot ng Hasik, na publikasyon
ng kamag-aaral ng paaralang iyon
binatikos sa pahayagan nilang yaon
ang diktaduryang Marcos na animo’y leyon

siya'y iskolar, magaling na estudyante
kandidato siyang maging summa cum laude
ngunit naglaho ang ningning ng binibini
nang siya'y dinukot ng apat na ahente

ng konstabularyang galamay ng tirano
na makapangyarihan sa buong gobyerno
hawak sa leeg ang maraming pulitiko
at kamay na bakal ang pinairal nito

ayon pa sa ilang ulat, si Liliosa
ay pinahirapan, ginamitan ng pwersa
ginahasa, pinaslang ng Konstabularya
unang biktima ng madugong diktadura

ang kwento ni Liliosa'y dapat masambit
sa salinlahi ngayon nang di na maulit
kay Liliosa at sa iba pang ginipit
mailap na katarungan nawa'y makamit

Pinaghalawan: https://tl.wikipedia.org/wiki/Liliosa_Hilao

Martes, Setyembre 1, 2015

Pagbayaran ang sinira sa kalikasan

PAGBAYARAN ANG SINIRA SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang sinira mo sa kalikasan
ay dapat mo lamang pagbayaran
kayrami nang namatay sa unos
kayrami nang buhay ang naubos
dahil ang mundo'y binalewala
hanggang tayo'y daanan ng sigwa
dapat magmulta rito ang tao
lalo na't malalaking gobyerno
sinira nila'y bayarang todo
magmulta sa ayaw o sa gusto
ano ang nais: multa o multo
kayraming nangawala sa bagyo
huwag lang tayong basta tatanghod
kundi dapat nating itaguyod
ang pangangalaga ng tuluyan
sa binalewalang kalikasan
upang susunod na salinlahi
ay makitang mundo'y di duhagi
dapat nang magkatulungan tayo
nang ipamana'y magandang mundo