Huwebes, Hunyo 4, 2015

Sa katanghaliang tapat

SA KATANGHALIANG TAPAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tanghaling tapat na, kaylayo pa ng lalakarin
habang pinagmamasdan ang kapaligiran natin
walang laman ang tiyan, nagdidildil na ng asin
habang palipad-lipad ang ibon sa papawirin
mabuti na lamang at may dala akong inumin

tirik ang araw kaya dama ng tao'y kaybanas
paano bang sa init na ito'y makaaalpas
mga pawis na tagaktak, sipag ay mababakas
di dapat na pintuan ng bahay ay laging bukas
sa naglipanang pusakal ay dapat makaiwas

nasa katanghaliang tapat akong patuloy pa
sa mahabang paglalakbay na patungo sa masa
sa paglalakad ay masid ang bayang nagdurusa
tirik ang araw gayong naglalagablab ang nasa
habang ikinakalat ang nalalabing pag-asa

paano pag tayo'y nasa katanghaliang tapat
sisilong, magpapayong, habang mga mata'y dilat
mabuti't sa init, di nawawalan ng ulirat
kahit patuloy silang naninisi't nanunumbat
sa mabanas na panahon, tubig ang nararapat

Walang komento: