PAGTIRA SA ILALIM NG TULAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
kaming mga dukha’y walang sariling bahay
at nakatira lang sa ilalim ng tulay
sa papag na karton lang kami humihimlay
habang kisame'y sementong napakaingay
araw at gabi'y niyuyugyog ang tahanan
lalo na't malalaking trak ang nagdaraan
mahimbing na pagtulog ay bihira lamang
wala kasing maayos, totoong tirahan
ganito'y ayaw namin pagkat pagdurusa
doon nga’y sadyang mapanganib sa pamilya
magkasariling bahay kaya'y may pag-asa?
dukhang tulad namin ba'y may magagawa pa?
pagtira ba rito'y pagsumbat sa sarili?
bakit ba nagkaganito, anong nangyari?
di ba nagsikap kaya sa dusa'y sakbibi?
o ang sistema mismo'y sadyang walang silbi?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento