Martes, Hunyo 2, 2015

Ang maging badyetaryan (budgetarian)

ANG MAGING BADYETARYAN (BUDGETARIAN)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may mga kakilala ako, mga vegetarian
ayaw kumain ng karne, ang gusto'y gulay lamang
mayroon namang gusto’y isda sa hapag-kainan
iba't ibang panlasa kaya iba't ibang ulam
at mayroon namang tinatawag na budgetarian

depende sa badyet sa araw gabi’y gagastusin
kung magkano ang badyet, iyon ang pagkakasyahin
ika nga, basta may oras ka, tipid-tipid ka rin
pag maiksi ang kumot, ang tuhod ay baluktutin
bawal ang maluho, pag-aaksaya'y huwag gawin

ang maging budgetarian ay karaniwan sa tibak
bihira ang alawans at nabubuhay ng hamak
inoorganisa’y mga gumagapang sa lusak
na pawang biktima rin ng sistemang mapangyurak
na dulot ay karukhaan na sadya ngang palasak

kailangang maging budgetarian, mga kapatid
bawal maging maluho, halina’t magtipid-tipid
mag-impok, salapi sa kamay ay dapat isilid
paano maging budgetarian ay dapat mabatid
nang sa anumang kagipitan, di basta mabulid

Walang komento: