SA PUNONG ITO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
sa punong ito'y inukit ko ang iyong pangalan
tila ba pagsinta't ngalan mo'y walang kamatayan
pagsintang iniuugoy niring hangin, O hirang
patungo sa aking pisngi, diwa't kaibuturan
inukit ko ang iyong pangalan sa punong ito
na tinanim ng isang mapagpalang kamay dito
punong saksi sa pagsuyong aking alay sa iyo
at pagbuo ng ating pangarap sa lilim nito
puno yaong sumagip sa marami nang magbaha
nagpapagunitang puno’y mahalaga sa madla
kaya pagtatanim ng puno'y gawin nating lubha
bago pa ang mga delubyo'y lalo pang lumala
punong saksi sa pagsinta ang ngayo'y nasa krisis
tulad nilang puno'y pinagtatagpas ng mabangis
punong walang magawa kundi lagi nang magtiis
sa lupit ng taong pulos tubo lamang ang nais
ngayon nama'y damhin natin ang pagdurusa nila
ipagtanggol natin silang mga puno, O sinta
di sila dapat mawala bagkus paramihin pa
nang marami pang pusong maiukit sa kanila
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento