SA LUNGSOD NG BAHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
lumaki ako sa palaging nagbabahang lungsod
naglalakad sa lansangang tubig ay hanggang tuhod
mabuti't mababa lang, di ka rito malulunod
naglipana ang mga lubak, asong nakatanghod
pati mga litrato ng trapong kunwari'y lingkod
lumaki ako sa lungsod na panay ang delubyo
taun-taon na lang, mga bagyo'y namemerwisyo
basa ang gamit, lubog sa putik, lito ang tao
walang isang salita, hanggang pangako ang trapo
tila paraan na ng pamumuhay ang ganito
lumaki ako sa lungsod na palaging binabaha
papasok sa paaralang ang sapatos ay basa
bubuti pa ba ang lungsod na tila isinumpa?
nahan ang pondo upang kalsada'y maipagawa?
napunta ba sa bulsa ng mga trapong kuhila?
umuunlad ang lungsod, tao'y napag-iiwanan
ang umaasenso lamang ay ang mamumuhunan
bakit di kasabay sa pag-unlad ang sambayanan?
bakit nariyan pa rin ang tiwaling lingkodbayan?
mababago pa ba ang ating dustang kalagayan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento