Biyernes, Marso 27, 2015

Pasyon 2015 - para sa FDC

Freedom from Debt Coalition
ay isang organisasyong
palaban at mahinahon
lahat ng pagkakataon
ang bayan ay ibabangon

kayraming isyu ng madla
kuryente, tubig ang paksa
presyo'y nagtaasang pawa
tila ito'y mga sumpa
sa ating bayang kawawa

paano maitatawid
ang buhay na may balakid
gobyerno'y tila kaykitid
buhay natin pinapatid
sila nga ba’y di matuwid?

lumaking lalo ang utang
nitong bansang tinubuan
nasaan ang pakinabang
ano ang pinaggamitan
bakit hirap pa ang bayan

lumalala na ang klima
epekto'y isang Yolanda
kinawawa'y libong masa
nawalan ng bahay sila
nawalan ng buhay sila

sa isang gobyernong manhid
sa problema'y nauumid
madla'y saan binubulid
ito ba'y kanilang batid?
mali ba'y kayang ituwid?

ang sinabi ng Pangulo:
"O, bayan, Kayo ang Boss ko"
ngunit anong ginawa mo
lagi nang nasa kalbaryo
ang buhay nitong obrero

ang kawawang manggagawa
kanilang lakas-paggawa
di mabayaran ng tama
pulos sila dusa't luha
manggagawa silang dukha

kontraktwalisasyon, salot
ang kapitalista'y salot
sila nama'y isang dakot
ngunit sila ang kilabot
halina at makisangkot

yaong mga maralita
ang buhay ay dusa't luha
gutom lagi't walang-wala
api na't kinakawawa
bakit ito ang napala

tama na ang kahirapan
sobra na ang karukhaan
na aming nararanasan
panahon nang mapalitan
ang sistema ng lipunan

ngunit isang insidente
ang naganap na kaytindi
isyu iyong sadyang grabe
di madalumat ng gabi
kung ano nga bang nangyari

apatnapu't apat na SAF
yaong bumulagtang sukat
labingwalo pang rebelde
pati na limang sibilyan
yaong totoong nasilat

ngunit sabi ng Pangulo
sa tonong tila palalo
wala siyang sala, wala
kundi tauhan sa baba
yaong totoong may sala

sinungaling si PNoy-kyo
masa'y binobolang todo
di ba't siya ang pangulo
ulat sa kanya'y diretso
binibilog ating ulo

pangulong inuulatan
wala bang pananagutan
danas ng SAF kamatayan
kayraming kamag-anakan
ang naulilang lubusan

maysala'y dapat usigin
dapat silang panagutin
hustisya sa masa'y dinggin
si PNoy-kyong sinungaling
ay dapat nang patalsikin

Freedom from Debt Coalition
at sa buong madla'y hamon
hirap ang buong nasyon
pagbabago, rebolusyon
ay dapat nang gawin ngayon

Walang komento: