Martes, Marso 24, 2015

Ang sulo

ANG SULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ilawan yaong sinindihan nang dahil sa poot
na sama-samang tangan upang puksain ang salot
habang buong pamayanan sa lagim nababalot
mamamaslang na may pangil ay saan napasuot

panahon yaong una, sa malayong lalawigan
na tanging sulo lamang ang liwanag sa karimlan
na sa paglubog ng araw ay tulog din ang buwan
kaya hilakbot ng lagim yaong danas ng bayan

ang buong bayan na'y sa mamamaslang nanggigigil
nais nilang mawala na ang nilalang na sutil
pupuksain nila ang paninibasib ng pangil
na sa bayan nila'y kayraming buhay na kinitil

ang liwanag ng sulo'y sadyang nakabibighani
titigan mo't tila nagsasayaw na binibini
ngunit yaon lang ang tanglaw sa karimlan ng gabi
na sa panahong kailangan ay isang bayani

Walang komento: