Biyernes, Nobyembre 15, 2013

Prinsipyo'y tatanganan, mamatay man sa gutom

PRINSIPYO'Y TATANGANAN, MAMATAY MAN SA GUTOM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

aktibismo'y pinasok at prinsipyo'y niyakap
lipunang sosyalismo'y agad na pinangarap
nais itong makamtan kaya nagsusumikap
upang uri't ang masa'y matapunan ng lingap.

kahit walang alawans, pultaym pa ring kumilos
nasa lansangan pa rin kahit halatang kapos
upang prinsipyong tangan sa masa'y mapatagos
at bulok na sistema'y tuluyan nang magtapos.

sumumpa sa bandila, kaharap ay kasama
na hanggang kamatayan kaming makikibaka
lipuna'y inunawa, kami'y nag-organisa
magkasamang adhika: "Baguhin ang sistema!"

mamatay man sa gutom, prinsipyo'y tatanganan
dangal ng bawat isa'y sadyang pinaglalaban,
obrero'y iniisip, pati masa't ang bayan
upang makamtan yaong ginhawa't kagalingan.

ang mapagsamantala'y marapat nang kalusin
dibdib ng mapang-api'y dapat lamang gibain
lipunang pantay-pantay na inaasam natin
ay dapat nang itayo, sosyalismo'y angkinin.

ang pakikipagkapwa'y tanganan nating buo
kahit yaong prinsipyo'y mabahiran ng dugo
kagalingan ng bayan, laging isasapuso
kahit kaninong hari o amo'y di yuyuko.

Walang komento: