HIGIT TATLONGDAAN KILOMETRO BAWAT ORAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ang tulin ng tumamang unos ay di matingkala
higit tatlongdaang kilometro’y agad dinagsa
bawat oras at naglutangan sa dagat ng baha
ang laksang kamatayang sa mundo nga’y nagpaluha
di malirip, danas ng paglipol animo’y sumpa
pinakamabilis na yaong pagdatal ng unos
sa historya ng mundong sa pusod nito'y tumagos
napit ang laksang kamatayan sa saglit na agos
di agad nakarating ang tulong, kalunos-lunos
kahit na ang pamahalaan ay labis ding kapos
unos nang humupa'y nangawala ang buong bayan
dambuhalang delubyo'y nangwasak ng paliparan
puno'y nabunot, barko'y sumampa sa kabukiran
kotse'y nagpatong-patong, ubos din ang kabahayan
ako'y tulala't kayraming nasawing mamamayan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento