Biyernes, Nobyembre 29, 2013

Ang mapanira

ANG MAPANIRA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

parusahan kung talagang may kasalanan
kung di mo gagawin, wala kang karangalan
ang budhi nami'y malinis, alam mo iyan
ang buong nangyari'y iyong alam na alam

wala kang bayag sa patuloy mong pagsira
sa dangal namin at ng iba mo pang kapwa
halos magtagumpay ka sa iyong pakana
ikaw sa paninira'y laging tuwang-tuwa

mahilig ka lang magbintang, wala kang dangal
sa katabi'y kung anu-anong inuusal
dalahira kang sa kapwa'y sadyang kaydaldal
kulang na lang kapwa mo'y tarakan ng punyal

naliligayahan kang sumipsip ng dugo
ng iyong kapwa, kahit sila'y maghingalo
di ka na tao, pagkat traydor kang hunyango
katulad mo sa mundo'y dapat lang maglaho

Martes, Nobyembre 26, 2013

Isang bantang pananakop

ISANG BANTANG PANANAKOP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Panatag, Kalayaan Islands, teritoryo natin
ngunit bakit ba ang Tsina'y nais itong maangkin?
higanteng bansang ito'y nais ba tayong sakupin?
dahil Pilipinas, unano ang kanilang turing?

ngunit ang maliit ay nakapupuwing din naman
tulad ni David nang si Goliath ay patamaan
kayrami nating bayani sa ating kasaysayan
na nakipaglaban upang ipagtanggol ang bayan

ngunit pamahalaan ay tila bahag ang buntot
tila walang magawa upang awatin ang buktot
matapang lang ba ang gobyerno sa pangungurakot?
ngunit pagdating sa Tsina'y tila ba ito takot?

dambuhalang pating sila, tayo'y galunggong lang ba?
ngunit tayong mga narito'y may magagawa pa
huwag nating tangkilikin ang produkto ng Tsina
maghanda rin sakaling tuluyang sakupin nila

* Panatag - kilala ring Scarborough shoal
* Kalayaan Islands - kilala ring Spratleys

Sabado, Nobyembre 23, 2013

Nasisiyahan kami sa Bubble Gang

NASISIYAHAN KAMI SA BUBBLE GANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

dahil ba nanonood ako ng Bubble Gang
ay mababaw na ang aking kaligayahan?

mayroon bang kaligayahang pagkalalim
na marahil di maabot dahil madilim?

pag natawa ba kina Ruffa Mae at Bitoy
mababaw ka na sa patawa nilang Pinoy?

ano ba ang malalim na kaligayahan?
maraming kotse't babaeng pinaglaruan?

pag sikat ka saanmang sulok ng daigdig?
na pag naririyan ka'y lahat nakikinig?

maligaya ba pag sa pera'y nahihiga?
naroon sa mansyon, laging nakahilata?

di kailangang kaligayaha'y kaylalim
basta't dama mo'y saya, ito na'y kaygaling!

kaya walang malalim na kaligayahan
basta't masaya ka at walang nasasaktan

huwag ipagdamot ang Bubble Gang sa amin!
maligaya na kaming ito'y panoorin!

Ruffa Mae, Brad Pete, at iba pang naririyan
magpatuloy kayo! mabuhay ang Bubble Gang!

Huwebes, Nobyembre 21, 2013

Huwag kang barat


HUWAG KANG BARAT
BUMILI KA NA LANG NG CORNETTO

ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

huwag kang barat, kung di mo kaya ang presyo
huwag mo nang bilhin itong aking produkto
bumili ka na lang ng kasya sa pera mo
upang ako nama'y di malugi sa iyo

huwag mo akong baratin, kaibigan ko
pagkat kwarenta pesos ang halaga nito
kung gusto mo'y hati kayo ng kasama mo
bilhin nyo ito, tigbebente pesos kayo

hihingi ka ng tawad, ano bang sala mo?
kasalanan bang naging maralita kayo?
nais ko lang naman, huwag barating todo
pagkat kita ko nga lang dito'y limang piso

sa panahon ngayon nitong kapitalismo
mahalaga'y tubo kaya nagnenegosyo
pagkatapos ay babaratin mo lang ako!
ano na lang ang kikitain ko sa iyo?

ang bawat produkto'y may katapat na presyo
hanggang saan aabot ang bente pesos mo?
kaibigan, bilhin mo na lang ay Cornetto
bente pesos lang, kaya ang pera mo'y sakto

Martes, Nobyembre 19, 2013

Kayraming gutom kahit kayraming pagkain

KAYRAMING GUTOM KAHIT KAYRAMING PAGKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayraming gutom kahit kayraming pagkain
naroon sa groseri, kailangang bilhin
kung wala kang salapi'y tiyak gugutumin
ganito nga ang sistema sa bayan natin

pagkat ang mga pagkain ay di nilikha
upang ipamudmod sa mga hampaslupa
ang negosyante'y namuhunan sa paggawa
upang sila'y tumubo, di magkawanggawa

ngayon kasi'y kawawa ang walang pambayad
sa kagubatan ng lungsod ay tila hubad
sa kamahalan lagi kang mapapaigtad
katunayang ito sa araw nakabilad

may katapat na presyo ang bawat produkto
may halaga na rin kahit mga serbisyo
ang lahat kasi ngayon ay ninenegosyo
kaya kung walang pera, gutom kang totoo

nakakaiyak, may presyo ang karapatan
may bayad upang umayos ang kalusugan
may bayad upang makapag-aral ka lamang
may bayad ang pagkain sa hapag-kainan

dapat ang karapatan ay tinatamasa
ng lahat ng mamamayan, ng simpleng masa
palitan na ang kasalukuyang sistema
kung nais natin ang mundong ito'y gumanda

Linggo, Nobyembre 17, 2013

Storm surge at tsunami

STORM SURGE AT TSUNAMI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"storm surge" sa balita'y di agad naunawaan
na ito pala'y ala-tsunaming kahihinatnan
basta sa "storm" ang mga tao'y sanay na riyan
ngunit nang "surge" ay dinagdag, ibang klase na iyan

"storm surge" at tsunami'y pawang parehong daluyong
malalaking alon, mga bayan ang nilululon
"storm surge" ay lintik ang hangin, unos na sumumpong
tsunami'y mula sa lindol o bulkang dumagundong

ang Yolanda'y "storm surge", dapat na napaghandaan
kung ito lamang ay naipaunawang mataman
Ingles na salitang di naman salita ng bayan
kaya nagbabalita'y meron ding pananagutan

mga ulat nila'y di ipinaunawang mabuti
na epekto ng "storm surge" ay tulad ng tsunami
disin dana'y umalis agad ang tao sa Leyte,
Samar, at sa mga lalawigan nitong katabi

sana'y nagawan ng paraan ang problemang banta
sana'y nakalikas din sa matataas ang madla
sana taumbayan ay agad na nakapaghanda
sana'y maraming buhay ang nasagip, di nawala

mamamahayag sana'y nagpaliwanag ng husto
bago pa dumating ang kinatakutang delubyo
"storm surge" ay di rin pala alam ng mga ito
kaya di nalahad ang matindi nitong epekto

ganito rin ang mga syentipiko ng PAGASA
"storm surge" ay di na naipaliwanag sa masa
sa mga namatay, may pananagutan din sila
kundi mananagot, bahala na yaong konsensya

sa mga susunod na kalamida na ganito
na alam nilang sa bansa'y malaki ang epekto
ipaliwanag nilang maigi sa mga tao
at upang makapaghanda naman sila ng wasto

Sabado, Nobyembre 16, 2013

Kartilya ng Mabuting Loob

KARTILYA NG MABUTING LOOB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pawang kasapi sila / ng bunying Katipunan
na gabay ang Kartilya, / mabuting kalooban
buhay na di ginugol / sa banal na dahilan
kahoy na walang lilim, / buhay na sayang lamang.

kung pawang pansarili / yaong nasasaloob
di pakikipagkapwa / sa puso'y nakalukob
paano na ang iba / kung ang nakakubakob
sariling ginhawa lang / ang sa kanya'y marubdob.

Kartilya'y mahalaga, / gabay sa pagkatao
sadyang Katwiran yaong / nangungusap sa iyo
ipagtanggol ang api, / kapwa'y paglingkuran mo
at sa lahat ay dapat / pantay-pantay ang trato.

ang kabanalang tunay / ay pagkakawanggawa
lalo pang mahalaga'y / ang pag-ibig sa kapwa
at sa taong may hiya, / salita'y panunumpa
ang loob ay linisin / nang di maging kuhila.

naghihimagsik tayo / laban sa kasamaan
at ipinaglalaban / ang talagang Katwiran
dapat taglayin nati'y / mabuting kalooban
upang di mapahamak / ang kapwa, uri't bayan.

namnamin nating buo / yaring Kartilyang ito
bilang gabay ng ating / buhay at pagkatao
kung tamaan man kita / ng problema't delubyo
ay nakatindig pa rin / tayo nang taas-noo.

Biyernes, Nobyembre 15, 2013

Prinsipyo'y tatanganan, mamatay man sa gutom

PRINSIPYO'Y TATANGANAN, MAMATAY MAN SA GUTOM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

aktibismo'y pinasok at prinsipyo'y niyakap
lipunang sosyalismo'y agad na pinangarap
nais itong makamtan kaya nagsusumikap
upang uri't ang masa'y matapunan ng lingap.

kahit walang alawans, pultaym pa ring kumilos
nasa lansangan pa rin kahit halatang kapos
upang prinsipyong tangan sa masa'y mapatagos
at bulok na sistema'y tuluyan nang magtapos.

sumumpa sa bandila, kaharap ay kasama
na hanggang kamatayan kaming makikibaka
lipuna'y inunawa, kami'y nag-organisa
magkasamang adhika: "Baguhin ang sistema!"

mamatay man sa gutom, prinsipyo'y tatanganan
dangal ng bawat isa'y sadyang pinaglalaban,
obrero'y iniisip, pati masa't ang bayan
upang makamtan yaong ginhawa't kagalingan.

ang mapagsamantala'y marapat nang kalusin
dibdib ng mapang-api'y dapat lamang gibain
lipunang pantay-pantay na inaasam natin
ay dapat nang itayo, sosyalismo'y angkinin.

ang pakikipagkapwa'y tanganan nating buo
kahit yaong prinsipyo'y mabahiran ng dugo
kagalingan ng bayan, laging isasapuso
kahit kaninong hari o amo'y di yuyuko.

Huwebes, Nobyembre 14, 2013

300kph ng Yolanda

HIGIT TATLONGDAAN KILOMETRO BAWAT ORAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang tulin ng tumamang unos ay di matingkala
higit tatlongdaang kilometro’y agad dinagsa
bawat oras at naglutangan sa dagat ng baha
ang laksang kamatayang sa mundo nga’y nagpaluha
di malirip, danas ng paglipol animo’y sumpa

pinakamabilis na yaong pagdatal ng unos
sa historya ng mundong sa pusod nito'y tumagos
napit ang laksang kamatayan sa saglit na agos
di agad nakarating ang tulong, kalunos-lunos
kahit na ang pamahalaan ay labis ding kapos

unos nang humupa'y nangawala ang buong bayan
dambuhalang delubyo'y nangwasak ng paliparan
puno'y nabunot, barko'y sumampa sa kabukiran
kotse'y nagpatong-patong, ubos din ang kabahayan
ako'y tulala't kayraming nasawing mamamayan

Miyerkules, Nobyembre 13, 2013

Ang ulat ng matinding unos na Yolanda

ANG ULAT NG MATINDING UNOS NA YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakabibigla ang mga kwento sa telebisyon
kayraming nadale nang Tacloban ay dinaluyong
storm surge daw, animo'y tsunami, kaylaking alon
sa ulat, libu-libo raw ang nangasawi roon

Tulong Na Tabang Na Tayo Na Para Sa Tacloban
sa telebisyon mga artista'y nananawagan
tulungan yaong mga nasalantang kababayan
bumili ng t-shirt, bigay-donasyon, mag-ambagan

sa naringgang balita't panawagan ng artista
kalubhaan ng suliranin ay mahihinuha
gumuhong lupa't kamatayan ay nakikinita
paano tayo tutulong sa mga nasalanta

sa telebisyon ay di na ito simpleng palabas
ulat ng naganap ay dagat ng luhang pumitas
sa laksang buhay ng mga kabayang nangautas
noon ay Ondoy, ngayon ay Yolanda ang dinanas

Martes, Nobyembre 12, 2013

Higit sampung libo umano'y patay sa Yolanda

HIGIT SAMPUNG LIBO UMANO'Y PATAY SA YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod


MANILA, Philippines (2nd UPDATE) – The provincial government of Leyte said at least 10,000 of its residents were killed by Super Typhoon Yolanda (international codename Haiyan), regional police said on Sunday, November 10.

"We had a meeting last night (Saturday, November 9) with the governor and based on the government's estimates, initially there are 10,000 casualties (dead)," Chief Supt Elmer Soria told reporters in Tacloban City, the devastated provincial capital. "About 70 to 80 percent of the houses and structures along the typhoon's path were destroyed."

Reports quoting Tacloban administrator Tecson Lim said the death toll in the city alone “could go up to 10,000.”

http://www.rappler.com/nation/43347-yolanda-death-toll-nov-10-am

higit sampung libong tao'y tinatayang namatay
dahil sa dahas ng bagyo't delubyong humalukay
doon sa pusod ng Tacloban, sa pulo ng Waray
naglatag sa kalsada ang, ah, pagkaraming bangkay

kayhirap isipin kung ikaw mismo'y naroroon
nagunaw na ang mundo't laksa-laksa ang nabaon
tila buong karagatan sa kanila'y lumamon
anong uring poot ang nasa dibdib ni Poseidon

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 11, 2013

Pag Bagyo Na'y Sumapit

PAG BAGYO NA'Y SUMAPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pag bagyo na'y sumapit
Tayo nang mangagsikapit
Sa salbabida, bangka't lubid
Dahil dapat nang mag-ebakwet

Nang si Yolanda na'y dumatal
At bumagyo ng gabi’t araw
Maraming kababayan
Ang apektado - bahay at buhay

Pakasuriin ang sanhing tunay
Kung bakit ganito na ang kalikasan
Climate change, GHG emissions
Sa atmospera’y sobra nang tunay.

May mga plano pang coal plants
At mga malalaking dam
Sadyang kayraming isyung
Dapat suriin at pag-usapan

Pag bagyo muli'y sumapit
Totoong solusyon ating igiit
At Climate Justice Now!
Ating ipanawagan sa buong bayan

Linggo, Nobyembre 10, 2013

Pananampal ng tampalasan

PANANAMPAL NG TAMPALASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tampalasan ba ang tawag sa mahilig manampal?
o ang marapat itawag sa kanya'y isang hangal?
ang pagkatao ba niya'y sing-itim ng imburnal?
kaya pananampal ng kapwa'y taal niyang asal?

ngunit bakit ba nanampal ang tampalasang yaon?
sa kapwa'y walang galang, ang nakakamukha'y lukton
ang hilig ay magsaya, maglasing, magtalun-talon
mahilig sa talikuran pagkat bayag ay urong

tila nahiligang manghiram ng tapang sa alak
na pag matino'y di magawa ang masamang balak
sadyang sinisimot pati na ang natirang latak
binabalisawsaw pala minsan ang kanyang utak

magbago na siya, ano pang kanyang hinihintay?
ang lumpuhin siya ng kanyang mga nakaaway?
ang pagkatampalasan niya'y wawakasang tunay
dahil ugali iyong sa pagkatao'y sadyang sablay

Ngalan niya'y Tampalasan

NGALAN NIYA'Y TAMPALASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ngalan niya'y Tampalasan, tampal kasi ng tampal
mabigat ang kamay, kapara niya'y isang hangal
manghihiram ng tapang sa alak, kaygandang asal
mananampal ng kung sino, kahit nasa pedestal
ang katulad niya'y isang leyon pag umatungal
dapat sa kanya'y lagyan ng taumbayan ng busal
itali't ikulong kasama ng baboy sa kural
ngalan niyang Tampalasan ay bumagay sa hangal

Nang manapok ang lango

NANG MANAPOK ANG LANGO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang pananapak at pananapok
ay ugali ng sira ang tuktok
kayhilig manakit nitong hayok
ang gawi niya'y di ko maarok

ang katwiran niya, siya'y lango
nang siya'y nagpasirit ng dugo
ng kaibigang kanyang dinuro
dahil lang di nabilhan ng taho

usapin ay kayliit na bagay
bakit agad nagbuhat ng kamay
pang-unawa niya'y bakit sablay?
isip ba niya'y bulok ngang tunay?

ah, kawawang alak, sinisisi
sa kasalanang gawa ng imbi
alak na naroon lang sa bote
ang may gawa imbes na sarili

matindi nga ba ang espiritu
ng ininom na Marka Demonyo
o may topak sadya yaong gago
gawa'y sapok doon, dagok dito

magkakaroon din ng katapat
ang gagong iyang laging pasikat
dugo niya sa lupa'y kakalat
mabait ang sa kanya'y babanat

Biyernes, Nobyembre 8, 2013

Altanghap

ALTANGHAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nauso ang salitang altanghap
sa pamayanan ng mahihirap

sa isang araw ang kakainin
ay isang beses lang bubunuin

almusal, tanghalian, hapunan
tatlong kaing pinag-isa lamang

di ka naman binagyo sa lungsod
sadya lamang kayhirap kumayod

di naman nasalanta ng unos
ngunit buhay ay parang busabos

pag altanghap ang iyong kinain
para kang nagdidildil ng asin

nagtitiis ka sa dusa't hirap
parang walang kapanga-pangarap

anak ay huwag mong pakainin
ng altanghap kundi kumpletuhin

almusal, tanghalian, hapunan
araw-araw ay tatlong kainan

nang anak mo'y lumaking malusog
tumalino pagkat laging busog

Huwebes, Nobyembre 7, 2013

Ang kilusang ito'y atin

ANG KILUSANG ITO'Y ATIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pakatandaan, ang kilusang ito'y atin
sa mga naninira'y ipagtanggol natin
isang kilusang may marangal na layunin
upang hirap ay wakasan, ginhawa'y kamtin

ngunit may dalahirang ang kapara'y linta
sa aming pagkilos, wala raw mapapala
mabuting magbenta raw ng laman at lupa
dahil sa kilusan, kami raw ay kawawa

siya'y nagkakamali sa akalang ito
dahil sa adhika kaya kami narito
tatanganan namin ang yakap na prinsipyo
at kilusa'y ipagtatanggol hanggang dulo

ang dalahirang ito'y dapat lang makalos
pagkat pasensya nati'y kanyang inuubos

Miyerkules, Nobyembre 6, 2013

Nais kong gumanti

NAIS KONG GUMANTI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

akong nagpapakatao'y nais ding gumanti
sa sinumang sa pagkatao ko'y nanalbahe
hanggang ngayon puso ko't diwa'y di mapakali
sino ang naninira, sinong dapat masisi

gagantihan ko ba ang magandang binibini
o yaong gagantihan ko'y isang binabae
wala sa kanilang dalawa, kundi buwitre
kalalaking tao'y mapanira pa't salbahe

harap-harapang taksil sakanyang kaibigan
nagbibintang ng walang anumang katibayan
bakit gayon, kaibigan siyang naturingan
ngunit ang tiwala ng kapwa'y pinaglaruan

hindi dahil sa poot ang dapat kong pagkilos
kundi tamang proseso ang dapat ipatagos
upang suliraning ito'y malutas, matapos
at nang di ito magwakas sa anumang ulos

Martes, Nobyembre 5, 2013

I-D.A. kami kung kami'y salbahe

I-D.A. KAMI KUNG KAMI'Y SALBAHE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat lang lumabas ang sinumang nag-aakusa
huwag hanggang character assassination lang siya
lumantad siya upang kami'y makapagdepensa
kaysa sinisira kami sa mga tsismis niya

i-D.A. kami kung iyan ang kinakailangan
upang kung kami'y maysala, kami'y maparusahan
huwag hanggang tsismis ka lamang, ikaw na bulaan
huwag kang magbintang lalo't walang katotohanan

ang manira ng kasama'y ligaya mo na yata
pagkatao't dangal ng kapwa'y iyong sinisira
tanungin mo ang iyong sarili: iyan ba'y tama
di ba't di makatarungan ang iyong ginagawa

bakulaw na dalahira, hinahamon ka namin
paninira't tsismis mo'y sapilitan mong pigilin
kami'y mapagpasensya, ngunit kami'y galit na rin
nais naming sa tamang proseso ito daanin

mabuting magsampa ka ng kaso sa matataas
kaysa ipagpatuloy ang gawain mong marahas
tatanggapin namin ang D.A. kung ito'y lulutas
at upang bintang at tsismis mo'y tuluyang magwakas

Lunes, Nobyembre 4, 2013

Pera pala'y nakapagpapatalas ng memorya

PERA PALA'Y NAKAPAGPAPATALAS NG MEMORYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pera daw ay nakapagpapatalas ng memorya
kayrami mong kaibigan pag marami kang pera
ngunit pag naghirap, lalayuan ka ng barkada
ang turing sa iyo'y tila di ka na kakilala

ganyan bang sadya ang buhay ng tao sa daigdig
lahat yata'y kilala ka pag kabig ka ng kabig
saanmang larangan, sila'y iyong kakapitbisig
parang lahat karamay mo, puso mo'y maaantig

ngunit di ka na maalala pag ikaw'y naghirap
lapitan mo sila't sila'y tila tsonggong kay-ilap
tila ba may ketong kang ayaw nilang makaharap
doon mo mawawatasang kayraming mapagpanggap

at masisisi mo ba kung ang sistema'y ganito
nawawala na sa kapwa ang pagpapakatao
kaya sa bawat hakbang, tingnan ang lalakaran mo
baka may mukhang salaping nakatitig sa iyo

Sabado, Nobyembre 2, 2013

Kapag tila kabaong yaong kaha ng yosi

KAPAG TILA KABAONG YAONG KAHA NG YOSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Kapag tila kabaong yaong kaha ng yosi
Tila kalusugan mo'y yaong pinuputakti
Pag isang yosi'y pilit sinindihan mo dine
Kapag nagkasakit ka'y sino nang masisisi
Ng mga nagmamahal, ikaw ba o ang yosi?

Hindi ba't paalala ng inyong pamahalaan
Pagyoyosi'y masama sa inyong kalusugan
Ang dulot nito'y sakit o kaya'y kamatayan!
Bakit ba sila'y tila di mo pinakikinggan?
Dahil ba walang kwenta kahit ang pamunuan?

Ah, lalagyan lang yaong kahang tila kabaong
Gayong ang mahalaga'y dama mong relaksasyon
Ng utak sa panahong tila nakakaburyong
Ngunit kung kalusugan na yaong nasusuong
Igigiit pa rin ba hanggang ika'y malulong?