NAIS KONG GUMANTI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
akong nagpapakatao'y nais ding gumanti
sa sinumang sa pagkatao ko'y nanalbahe
hanggang ngayon puso ko't diwa'y di mapakali
sino ang naninira, sinong dapat masisi
gagantihan ko ba ang magandang binibini
o yaong gagantihan ko'y isang binabae
wala sa kanilang dalawa, kundi buwitre
kalalaking tao'y mapanira pa't salbahe
harap-harapang taksil sakanyang kaibigan
nagbibintang ng walang anumang katibayan
bakit gayon, kaibigan siyang naturingan
ngunit ang tiwala ng kapwa'y pinaglaruan
hindi dahil sa poot ang dapat kong pagkilos
kundi tamang proseso ang dapat ipatagos
upang suliraning ito'y malutas, matapos
at nang di ito magwakas sa anumang ulos
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento