Huwebes, Enero 31, 2013

Eleksyon 2013: Trapo at Basahan


ELEKSYON 2013: TRAPO AT BASAHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang tawag ng dukha sa pulitiko: TRAPO
dahil wala raw silbi itong pulitiko

turing naman ng trapo sa dukha: BASAHAN
dahil nanlilimahid daw sa karukhaan

ngayong parating ang panibagong pagpili
pulitiko't dukha'y mag-uusap na muli

trapo'y mangangampanya't muling mangangako
sa dukha'y lalapit, trapo'y mabait kuno

pangako nila: buhay ng dukha'y gaganda
dahil sa boto, nagsusumamo sa masa

ngunit pag iyang pulitiko'y nagtagumpay
sa maralita ba, sila pa'y aagapay?

trapo't basahan ay maruruming panlinis
trapo'y nagmamalinis, dukha'y nagtitiis

ang trapo'y basahang pinaganda ang tawag
ngunit karumhan nila'y higit pa sa libag

Miyerkules, Enero 30, 2013

Salamat sa ACF!

SALAMAT SA ACF!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nakarating kami sa bayang Mae Sot sa Thailand
ng sampung araw at sa Burma'y isang oras lang
sa panahong sadyang di namin inaasahan
sapagkat wala sa plano sa kinabukasan

apat kaming mga Pinoy na nagtungo roon
ito'y dahil sa Active Citizenship Foundation
sa pag-isponsor ng lakbayin naming iyon
kung wala ang ACF, wala rin kami roon

ang Mae Sot ang bayan ng maraming nagsitakas
mula sa Burma dahil diktadurya'y kayrahas
at kayrami na roong aktibistang nautas
na yaong inadhika'y diktadurya'y magwakas

yaong galit sa dibdib ay mararamdaman mo
kaya hinangad nila'y totoong pagbabago
ang mga taga-Burma'y kaytatag ng prinsipyo
upang paglayang hangad ay makamtang totoo

nakita namin doon kung gaano kabigat
ng tungkulin at isyung dapat maisiwalat
kami doo'y natuto, sadya kaming namulat
sa ACF, maraming marami pong salamat

(Ako, kasama ang tatlo pa, ay namalagi ng sampung araw sa Mae Sot mula Setyembre 16 hanggang 25, 2012. Umalis kami ng Pilipinas ng Setyembre 15, 2012 at nakabalik sa bansa noong Setyembre 27, 2012. Naging kinatawan ang inyong lingkod ng grupong Free Burma Coalition-Philippines sa aming pagtungo roon. Inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang isang 120-pahinang aklat na pinamagatang "Paglalakbay sa Mae Sot" na naglalaman ng 8 sanaysay at 88 tula noong Nobyembre 2012. Ang tulang ito'y hindi naihabol doon ngunit kailangan pa rin itong sulatin at ipaabot sa ACF ang taos-puso kong pasasalamat. Salamat din sa mga nakasama kong mga Pinoy doon na sina Jehhan Silva, Sigrid Jan Sibug at Raniel Carmona Ponteras, pagkat naging mabunga ang munti mang panahon ng aming pagsasama sa Mae Sot.)

Nagsinungaling ang Salamin


NAGSINUNGALING ANG SALAMIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tanong ng dalaga, "Salamin, salamin
pinakamaganda'y sino ba sa amin?

alam ng salamin ang matandang kwento
na kinwento naman noong kanyang lolo

paano ba niya ito masasagot
upang ang dalaga'y di naman mapoot?

pagkat yaong kwento'y may matinding aral:
di dapat mainggit ang sinumang hangal

paanong ang hangal ay pangangaralan?
gayong hangal na nga't bagsak ang isipan

magkalabang mortal sa matandang kwento
ang prinsesa't bruhang sa ganda nga'y tukso

sa prinsesang iyon ang bruha'y nainggit
pagkat ang prinsesa'y tunay na marikit

bruha'y laging tanong, "Salamin, salamin
pinakamaganda'y sino ba sa amin?"

na sasagutin ng "Maganda'y prinsesa"
at totoo lamang ang tugon sa kanya

hanggang ang dalawa'y naglabang totoo
nagpingkian sila kung maganda'y sino

nalo ang prinsesang sadyang mahinahon
mapagkumbaba na'y kaybait pa niyon

sadyang nananaig kung anong mabuti
at sa huli bruha ang nanggalaiti

kaya sa modernong tanong ng dalaga
pinakamaganda'y sino sa kanila

upang walang away, para sa salamin
ito'y kailangan nang magsinungaling

"pinakamaganda sa mundo’y ikaw na”
tugon ng salaming nagbuntong-hininga

pinakamaganda kahit di totoo
dalaga'y sumaya, wala na ring gulo

isip ng salamin, "Wala nang awayan
nagsinungaling man, gulo'y naiwasan."

iyan ang modernong kwento ng salamin
iwas na sa gulo'y nagpasaya pa rin

Ang mga prinsesang api

ANG MGA PRINSESANG API
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

laging sinasagip ng isang prinsipe
ang kanyang prinsesang laging inaapi
sa kamay ng bruhang laging nanggugulpi
prinsesa'y kayganda, bruha'y pangit kasi

siya'y nakakulong sa may toreng garing
tulad ng kudyaping nalagot ang bagting
asam ng prinsesang tulong ay dumating
mailigtas siya ng kanyang Prince Charming

sa ganyan uminog ang maraming kwento
nang kabataan ko, at ngayon pa'y uso
tila di mamatay ang kwentong ganito
na pawang may aral sa bata sa mundo

sa kwento nga'y api ang mga prinsesa
sa modernong mundo, sila'y astang reyna
di sila maapi, lagi pang may gwardya
anumang iutos ay susundin sila

hanggang kwento lamang ang sila'y apihin
na ang hanap lagi'y kanilang Prince Charming
ngunit ang totoo, reyna kung ituring
di ba't sila'y bruha sa modernong tingin

o, prinsesang api sa kwentong pambayan
kaiba ang iyong uring pinanggalingan
sa totoong buhay, ikaw'y manlilinlang
ang masa'y luluhod sa iyong harapan

Lunes, Enero 28, 2013

Saksi


SAKSI
6 pantig bawat taludtod
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i.

karima-rimarim
ang nangyaring lagim
sa gitna ng dilim
puso'y naninimdim
naganap ang lihim
tanging saksi'y talim

ii.

nasasalamisim
ng pusong taimtim
rosas ay masimsim
sa punong malilim

iii.

edad labing-anim
suot niya'y itim
panibugho'y tiim
noong takipsilim

iv

huwag kang magtanim
ng poot, panimdim

Huwag mong pigilan ang aking pluma


HUWAG MONG PIGILAN ANG AKING PLUMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

huwag mong pigilan ang aking pluma
ikaw ang lagi nitong dinidikta
pangalan mo'y tinatala ng tinta
habang ako'y nasa digma't pagbaka

sinusulat ang bawat nasaksihan
pag-ibig man ito o kamatayan
bawat pakikibaka'y tutulaan
magandang halimbawa'y tutularan

sinusulat ko'y dugo't sakripisyo
ng dukha't kumakayod na obrero
pinakakalat ang tamang prinsipyo
sa bawat isa'y nagpapakatao

kaya pluma ko'y huwag pipigilin
pagkat kayrami ko pang susulatin
ang mapaslang ako'y mas nanaisin
kaysa di magamit ang plumang angkin

Sabado, Enero 26, 2013

Magpulitiko'y Di Biro

MAGPULITIKO'Y DI BIROni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

magpulitiko'y di biro
pagkat iyong matatanto
pangako ka ng pangako
lagi namang napapako

mahirap kumandidato
di biro ang magserbisyo
tutulong sa mga tao
sa mga problema nito

ngunit di lahat ay lingkod
may pulitikong kurakot
ang kaban ang kinakayod
ang masa'y binuburaot

nagsusumamo sa masa
maiboto lamang sila
ngunit pag nakaupo na
masa'y di na maalala

huwag tularan ang trapo
na ang serbisyo'y negosyo
dapat kang magpakatao
kung magiging pulitiko

Biyernes, Enero 25, 2013

Dalawang Paraan Para Makalimot


DALAWANG PARAAN PARA MAKALIMOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

dalawang paraan ang payo ko
sa iyo nang makalimutan mo
ang pagsintang nawala sa iyo
nang gumaan naman ang loob mo

una kong payo'y iyong pakinggan
sa isip mo siya'y kalimutan
at sa puso'y tanggaling tuluyan
natitiyak kong kaya mo iyan

ikalawa, ipalit mo ako
na sadyang umiibig sa iyo
maghihilom tiyak ang sugat mo
paghihilumin ng pag-ibig ko

ikaw ang rosas sa aking mata
tandaan mo, minamahal kita
sa buhay ko'y ikaw ang pag-asa
at di kita lilimutin, sinta

Huwebes, Enero 24, 2013

Ang Sumpit ng Paslit

ANG SUMPIT NG PASLIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

patuloy ang laro ng paslit
habang tangan niya ang sumpit
bala'y balatong na malagkit
na kapag dumapo'y kaylupit

naglalaro habang mainit
sa labasan ang makukulit
habang ina'y tila ba galit
sa anak na nangungunyapit

itigil na ang larong sumpit
kung ito'y nakakapanakit
maglaro lang ng pangmabait
nang masaya ang mga paslit

aba'y huwag ka nang humirit
makuha ka sa isang sitsit

Miyerkules, Enero 23, 2013

Ang Alagang Aso

ANG ALAGANG ASO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tapat na kaibigan ng tao
ngunit sunud-sunuran sa amo
masaya na sa ibatong buto
handang lumaban para sa iyo

huwag ka lang sa kanya'y magtaksil
kundi'y masasagpang ka ng pangil
kaibigang tapat ngunit sutil
pag ginutom mo siya'y aangil

alam ng asong may karapatan
ang mga tulad niyang hayop man
kaya't aso'y iyong alagaan
pagkat tapat siyang kaibigan

tapat na tanod ng iyong bahay
ibang tao'y kakahulang tunay
ngunit pag aso mo na'y naglaway
ingat, baka rabis ang lumatay

Sabado, Enero 19, 2013

Aktibista'y Tulad ng Ibon


AKTIBISTA'Y TULAD NG IBON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

"Birds of the same feather flock together," - old English saying

tulad ng ibon kaming aktibista
kolektibo sa pagkilos at pasya
walang iwanan sa bawat pagbaka
upang itayo ang bagong sistema

sakali mang masugatan ang pakpak
di na makalipad, mapapahamak
magtutulungan pa rin kaming tibak
upang kami'y di tuluyang bumagsak

tulad ng ibon, kawan-kawan kami
pag isa sa ami'y di mapakali
tiyak problema'y di maikukubli
pagkat ramdam namin, di man magsabi

tulad ng ibong may iisang langkay
sa paninindigan ay di bibigay
ganito ang pinili naming buhay
di magsisisi kami ma'y mamatay

Lunes, Enero 14, 2013

Hamon sa bawat isa


HAMON SA BAWAT ISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(binasa sa harap ng mga bisita ng KPML bilang bahagi ng presentasyon kasama ng mga banda, sa naganap na pagpupulong sa conference room ng ZOTO, Enero 14, 2013)

dukha'y kaydami sa kalunsuran
sadyang lugmok sa karalitaan
walang almusal, walang hapunan
paminsan-minsan, may tanghalian

maralita'y di hiwa-hiwalay
sa kalagayan nila sa buhay
hirap at dusa'y magkakaugnay
sa puso't diwa'y nakabalatay

kaming mga dukha'y binusabos
nasa putikang kalunos-lunos
pusaling sa amin nagpaamos
kailan kami makararaos

sa harap ng ganitong sitwasyon
dapat tayo'y laging mahinahon
magkaisa sa prinsipyo't layon
manindigan tayo hanggang ngayon

sa bawat isa'y hamon ko'y ito
sitwasyong ito'y dapat mabago
magkaisa, ikaw, ako, tayo
itayo ang lipunang makatao

magkaisa tayo, maralita
pati silang taga-ibang bansa
magtulungan tayong mga dukha
sa isang mapagpasyang adhika

Biyernes, Enero 11, 2013

Pagkaing De Sabog


PAGKAING DE SABOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

walang ulam sa hapag-kainan
mayroong kaunting kanin lamang
na di pa makabusog sa tiyan
dahil kanin lang, di malasahan

maigi't mayroon silang asin
upang magkalasa ang pagkain
isasabog ang asin sa kanin
upang magmistulang ulam man din

ang buhay ng dukha'y sadyang lubog
sa hirap, ang pagkai'y de sabog
ng asin, katawan nila'y lamog
paano kaya sila lulusog

ang pagkaing de sabog ay banta
sa kalusuga't buhay ng dukha
ngunit anong ating magagawa
papayag bang basta bumulagta

sistemang ito'y dapat baguhin
tungo sa marangal na layunin
na itayo ang lipunang atin
na di na de sabog ang pagkain

Miyerkules, Enero 9, 2013

Ang Batang Tinamaan ng Ligaw na Bala



ANG BATANG TINAMAAN NG LIGAW NA BALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

(sa alaala ni Stephanie Nicole Ella, 7 taong gulang, na namatay nitong Bagong Taon, 2013)

Nais ko lang namang magsaya
Dahil ngayo'y Bagong Taon na
Bakit isang ligaw na bala
Ang regalong tinamo ko pa?

Ito bang tamang aginaldo
Sa isang batang katulad ko
Hindi ba't kayganda ng mundo
Ngunit bakit nangyari ito?

Paano na ang aking bukas?
Wala na, kay-agang nautas
Ngayon ang buhay ko'y nagwakas
Ang mundo ba'y sadyang kayrahas?

Sa Bagong Taong susunod pa
Ang tanging hiling ko lang sana
Wala nang balang maglipana
At maging ligtas ang lahat na

Sana'y ako na lang ang huli
Sana'y wala nang madadale
Niyang balang ligaw sa kalye
Sana, sana, ako na'y huli.

Martes, Enero 8, 2013

Kaysarap mong hagkan, aking Ara


KAYSARAP MONG HAGKAN, AKING ARA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

kaylambot ng iyong mga labi
at kaysarap hagkan
kaytamis ng iyong mga ngiti
sadyang kalulugdan

kaysayang kasama't walang lungkot
pagkat kaytabil mo
di ako sa iyo nababagot
kaydami mong kwento

tawa mo'y madaling makahawa
at ito'y mainam
pag kasama kita'y maginhawa
itong pakiramdam

sana'y lagi kang nariyan, Ara
maligaya ako
pagkat ikaw lang ang aking Ara
na iniibig ko

sakaling ikaw ay aking mabuntis
pakasal na kita
sa ginhawa't mga pagtitiis
sasamahan kita

Lunes, Enero 7, 2013

Ngiting Mala-Ara Mina

NGITING MALA-ARA MINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 na pantig bawat taludtod

malilimot ko ba
ang ngiti mong tulad
ng kay Ara Mina

ngiting bumighani
sa mga tulad kong
nilimot ng sinta

ngiting nagpangiti
sa pagkatao ko't
buong kaluluwa

di kita iiwan
ibigin mo lamang
ako, aking sinta

Linggo, Enero 6, 2013

Ara Mina ka ng buhay ko


ARA MINA KA NG BUHAY KO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 na pantig bawat taludtod

ikaw ang aking Ara Mina
minamahal ko't sinasamba
sa alapaap ay diyosa
nitong puso kong nangangamba

na baka ako'y di pansinin
kayhaba pa ng lalandasin
upang ako'y iyong sagutin
sinta, anong dapat kong gawin?

pagkatao ko'y binuo mo
sa kumunoy, sinagip ako
iniwanan ang mga bisyo
iniwasan ang basag-ulo

nabuo'y wasak kong kahapon
ikaw ang naging inspirasyon
ah, saan man kita humantong
ay buuin natin ang ngayon

Sabado, Enero 5, 2013

Mga Balang Lagalag


MGA BALANG LAGALAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Natamaan ng ligaw na bala si Stephanie Nicole Ella, 7 taong gulang, noong kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon. Namatay siya sa ospital. Kasalukuyan pang pinaghahanap ng pulisya at ng taumbayan ang nagpaputok ng baril na naging dahilan ng kamatayan ni Nicole.

Binatilyo na nagpaputok ng sumpak sa Mandaluyong tiklo
(philstar.com) | Enero 2, 2013

MANILA, Philippines – Nahuli na ang binatilyong sinasabing nakabaril sa isang apat-taong-gulang lalaki sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Mandaluyong City.

Sinabi ni Director Leonardo Espina, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nasakote ng mga pulis sa Mandaluyong City si Emmanuel Janabon, 19, noong Martes ng gabi.

Si Janabon umano ang nagpaputok ng sumpak na aksidenteng tumama kay Ranjelo Nimer, residente ng Welfareville Compound, Barangay Addition Hills, Mandaluyong.

Inihahanda na ang mga kasong isasampa kay Janabon.

Naunang naiulat na umabot na sa 11 ang biktima ng ligaw na bala sa Metro Manila.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Superintendent Generoso Cerbo, umabot sa 40 katao ang mga biktima ng ligaw na bala sa buong bansa base sa pinakahuling tala Miyerkules ng umaga.


di maglalagalag ang bala
kung dito'y walang kakalabit
pag may tinamaan talaga
tiyak ngang dito'y may sasabit

kayrami ngang balang lagalag
kung saan-saan lumulundag
batas ng tao'y nilalabag
magpaumanhi'y pampalubag

ngunit dapat lamang managot
yaong maysala't nasasangkot
pag may buhay mismong nilagot
walang dapat na makalusot

dalawang batang may bukas pa
ngunit yao'y biglang wala na
kailangan niya'y hustisya
kailangan nila'y hustisya!

Biyernes, Enero 4, 2013

Nasumpak si Toto

NASUMPAK SI TOTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Nais lang manood ng bata sa Bagong Taon
Ng nagpapaputok ng labintador at kwitis
Walang malay ang batang huling araw na iyon
Pagkat buhay niya'y tinapos ng isang buhong

Kapalaran ba ng batang maagang mamatay?
Tatlong tama ng bala'y aksidente bang tunay?
Aksidente man, maibabalik ba ang buhay?
Ni Ranjelong mahal ng kanyang butihing nanay

Ang baril ay di puputok kung di kakalabitin
Ang itinatagong sumpak, saan gagamitin?
Paano kung may tangan ay kasangga ni Taning?
Bawal na baril, lahat iyan ay kumpiskahin!

Di sapat na humingi lang tayo ng hustisya
Dapat baguhin ang patakaran at sistema
Nangyari kay Ranjelo'y dapat kahulihan na
Di maulit sa mga susunod na taon pa


http://m.abante-tonite.com/issue/jan2013/02crimes01.htm

‘HALIK NG HALIK SA AMIN, MAMAMATAY NA PALA!’
Ulat  ni Nonnie Ferriol, Abante Tonite, Enero 2, 2013

Nagdadalamhati ngayon ang isang mag-anak sa pagkamatay ng kanilang anak na lalake na apat na taong gulang matapos na aksidenteng maputukan ng sumpak habang hinihintay ang pagsalubong sa Bagong Taon ng mga naninirahan sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Dinala pa sa Mandaluyong City Medical Center subalit hindi na rin umabot nang buhay dahil sa tatlong tama ng bala ng sumpak sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan na umabot sa puso ng paslit na si Ranjelo Nimer y Arnold, daycare pupil, at anak ng mag-asawang Gemma at Ryan Nimer.

Tiniyak naman ni Chief Inspector Teddy Tomas, hepe ng Station Investigation and Detection Mana­gement Branch ng Mandaluyong Police na patuloy nilang tinutugis ang suspek na nakilalang si Emmanuel Janabon y Yuillalon, nasa hustong gulang, at kalugar ng pamilya na biktima sa Welfareville Compound sa Bgy. Addition Hills.

Dakong alas-nuwebe umano ng gabi nang mang­yari ang insidente sa harapan ng bahay ng pamilya Nimer sa Block 26 ng Welfareville Compound habang abala ang lahat ng mga residente sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa panayam ng Abante TONITE sa ina ng biktima, mahigpit nilang bina­bantayan ang anak na si Ranjelo bago naganap ang insidente at habang nasa loob ng bahay panay umano ang lambing ng paslit sa kanilang mag-asawa.

“Halik siya ng halik sa akin at sa papa niya, sinabihan ko pa nga siya, Toto (tawag kay Ranjelo) huwag ka munang halik ng halik kasi wala pang Bagong Taon,” ayon kay Gemma na naiiyak habang ikinukwento ang mga huling sandali na kapiling ang anak.

Pagkakain ng hapunan, sinabihan pa umano nila si Ranjelo na matulog muna at gigisingin na lang pagdating ng hatinggabi.

Humingi pa umano ng pera si Ranjelo subalit hindi nila binigyan dahil baka lumabas pa ng bahay para bumili sa tindahan. Dahil hindi binigyan ng pera ng mag-asawang Nimer kung kaya’t napilitan na rin umano si Ranjelo na mahiga sa tabi ng kanyang ama. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay bumangon ito at nagpaalam sa ama na iihi lang.

Subalit sa halip na sa kanilang banyo pumunta ang anak ay nagtatakbo umano ito at tuluy-tuloy na lumabas ng bahay. “Minuto lang po (ang nakalipas) nagsigawan na sa labas at nakita na lang daw ang anak ko na duguan,” ayon pa kay Gemma.

Ikinuwento naman ng saksing si Ramon Elbanbuena, 53, na nakita niya habang ikinakasa ng suspek na si Janabon ang isang sumpak nang bigla itong pumutok at tinamaan ang biktima na bigla na lamang bumulagta.

“Nakita ko, nagulat din iyong lalake kasi niyakap niya ang bata at napahiga pa siya (suspek) at yakap-yakap niya ang bata na nakapatong sa kanyang dibdib at nagsisigaw iyong lalake na ‘hindi ko sinasadya! hindi ko sinasadya!’” ayon kay Elbanbuena.

Nang maramdaman umano ng suspek na hindi na gumagalaw ang biktima ay tumayo ito at tumakas na, naiwan ang paslit na duguan sa kalsada na agad namang dinampot ng isang Remy dela Cruz at kasama na ang mga magulang ni Ranjelo ay isinugod ito sa ospital subalit hindi na rin umabot ng buhay.

Ranjelo Nimer

RANJELO NIMER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

di ka raw sinasadyang
paslangin ng may sumpak
ngunit iwi mong buhay
ay tuluyang nawasak

apat-na-taong gulang,
may bukas at pag-asa
wala, wala na iyon,
sapagkat wala ka na

nawa'y di na maulit
sa kagaya mong paslit
ang palad na sinapit
pagkat nakagagalit

Ranjelo, wala ka na
mailap na hustisya
ay makamtan mo sana
paalam, paalam na


http://www.philstar.com/psn-balita-ngayon/2013/01/02/892503/binatilyo-na-nagpaputok-ng-sumpak-sa-mandaluyong-tiklo

Binatilyo na nagpaputok ng sumpak sa Mandaluyong tiklo
(philstar.com) | Updated January 2, 2013 - 12:51pm

MANILA, Philippines – Nahuli na ang binatilyong sinasabing nakabaril sa isang apat-taong-gulang lalaki sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Mandaluyong City.

Sinabi ni Director Leonardo Espina, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nasakote ng mga pulis sa Mandaluyong City si Emmanuel Janabon, 19, noong Martes ng gabi.

Si Janabon umano ang nagpaputok ng sumpak na aksidenteng tumama kay Ranjelo Nimer, residente ng Welfareville Compound, Barangay Addition Hills, Mandaluyong.

Inihahanda na ang mga kasong isasampa kay Janabon.

 Naunang naiulat na umabot na sa 11 ang biktima ng ligaw na bala sa Metro Manila.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Superintendent Generoso Cerbo, umabot sa 40 katao ang mga biktima ng ligaw na bala sa buong bansa base sa pinakahuling tala Miyerkules ng umaga.

Huwebes, Enero 3, 2013

Pintig ng Puso


PINTIG NG PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

ang puso ko'y pumipintig
ito kaya'y iyong dinig
tangay ng hangin ang himig
na akin kang iniibig

pangalan mo'y sinisigaw
na sinisinta ko'y ikaw
at kung ikaw ay aayaw
daigdig ko'y magugunaw

Miyerkules, Enero 2, 2013

Putok


PUTOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

i

pinuna-puna ang putok ng iba
sariling putok ay di mapuna
dapat lamang siyang magtawas muna
nang di saktan ang ilong ng kasama

ii

sumabog ang paputok sa daliri
labintador ay di man lang nakimi
batang paslit sa sakit napangiwi
sa hapdi, sa ospital naglupagi

iii

nagkasundo ang rebelde't gobyerno
tigil-putukan ang dalawang kampo
palilipasin daw muna ang Pasko
at Bagong Taon saka magduwelo

iv

bagong taon, kayraming nagpaputok
mga labintador nga'y umuusok
namaril ang tila may sirang tuktok
panahon itong nakasusulasok