NASUMPAK SI TOTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
Nais lang manood ng bata sa Bagong Taon
Ng nagpapaputok ng labintador at kwitis
Walang malay ang batang huling araw na iyon
Pagkat buhay niya'y tinapos ng isang buhong
Kapalaran ba ng batang maagang mamatay?
Tatlong tama ng bala'y aksidente bang tunay?
Aksidente man, maibabalik ba ang buhay?
Ni Ranjelong mahal ng kanyang butihing nanay
Ang baril ay di puputok kung di kakalabitin
Ang itinatagong sumpak, saan gagamitin?
Paano kung may tangan ay kasangga ni Taning?
Bawal na baril, lahat iyan ay kumpiskahin!
Di sapat na humingi lang tayo ng hustisya
Dapat baguhin ang patakaran at sistema
Nangyari kay Ranjelo'y dapat kahulihan na
Di maulit sa mga susunod na taon pa
http://m.abante-tonite.com/issue/jan2013/02crimes01.htm
‘HALIK NG HALIK SA AMIN, MAMAMATAY NA PALA!’
Ulat ni Nonnie Ferriol, Abante Tonite, Enero 2, 2013
Nagdadalamhati ngayon ang isang mag-anak sa pagkamatay ng kanilang anak na lalake na apat na taong gulang matapos na aksidenteng maputukan ng sumpak habang hinihintay ang pagsalubong sa Bagong Taon ng mga naninirahan sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Dinala pa sa Mandaluyong City Medical Center subalit hindi na rin umabot nang buhay dahil sa tatlong tama ng bala ng sumpak sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan na umabot sa puso ng paslit na si Ranjelo Nimer y Arnold, daycare pupil, at anak ng mag-asawang Gemma at Ryan Nimer.
Tiniyak naman ni Chief Inspector Teddy Tomas, hepe ng Station Investigation and Detection Management Branch ng Mandaluyong Police na patuloy nilang tinutugis ang suspek na nakilalang si Emmanuel Janabon y Yuillalon, nasa hustong gulang, at kalugar ng pamilya na biktima sa Welfareville Compound sa Bgy. Addition Hills.
Dakong alas-nuwebe umano ng gabi nang mangyari ang insidente sa harapan ng bahay ng pamilya Nimer sa Block 26 ng Welfareville Compound habang abala ang lahat ng mga residente sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa panayam ng Abante TONITE sa ina ng biktima, mahigpit nilang binabantayan ang anak na si Ranjelo bago naganap ang insidente at habang nasa loob ng bahay panay umano ang lambing ng paslit sa kanilang mag-asawa.
“Halik siya ng halik sa akin at sa papa niya, sinabihan ko pa nga siya, Toto (tawag kay Ranjelo) huwag ka munang halik ng halik kasi wala pang Bagong Taon,” ayon kay Gemma na naiiyak habang ikinukwento ang mga huling sandali na kapiling ang anak.
Pagkakain ng hapunan, sinabihan pa umano nila si Ranjelo na matulog muna at gigisingin na lang pagdating ng hatinggabi.
Humingi pa umano ng pera si Ranjelo subalit hindi nila binigyan dahil baka lumabas pa ng bahay para bumili sa tindahan. Dahil hindi binigyan ng pera ng mag-asawang Nimer kung kaya’t napilitan na rin umano si Ranjelo na mahiga sa tabi ng kanyang ama. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay bumangon ito at nagpaalam sa ama na iihi lang.
Subalit sa halip na sa kanilang banyo pumunta ang anak ay nagtatakbo umano ito at tuluy-tuloy na lumabas ng bahay. “Minuto lang po (ang nakalipas) nagsigawan na sa labas at nakita na lang daw ang anak ko na duguan,” ayon pa kay Gemma.
Ikinuwento naman ng saksing si Ramon Elbanbuena, 53, na nakita niya habang ikinakasa ng suspek na si Janabon ang isang sumpak nang bigla itong pumutok at tinamaan ang biktima na bigla na lamang bumulagta.
“Nakita ko, nagulat din iyong lalake kasi niyakap niya ang bata at napahiga pa siya (suspek) at yakap-yakap niya ang bata na nakapatong sa kanyang dibdib at nagsisigaw iyong lalake na ‘hindi ko sinasadya! hindi ko sinasadya!’” ayon kay Elbanbuena.
Nang maramdaman umano ng suspek na hindi na gumagalaw ang biktima ay tumayo ito at tumakas na, naiwan ang paslit na duguan sa kalsada na agad namang dinampot ng isang Remy dela Cruz at kasama na ang mga magulang ni Ranjelo ay isinugod ito sa ospital subalit hindi na rin umabot ng buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento