Linggo, Disyembre 30, 2012

Usapan sa Tipanan


USAPAN SA TIPANAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Sabi mo, kaysarap maging tao at mabuhay.
Tugon ko, masarap maging tayo habambuhay.
Sabi mo, sa aking tabi'y ayaw mong mawalay.
Tugon ko, hinding hindi tayo maghihiwalay.

Tanong mo, pag-ibig ba natin ay magtatagal?
Tugon ko, didiligin kita ng pagmamahal.
Tanong mo, ang ating puso ba'y di mapapagal?
Tugon ko, kung pagsinta'y di nakasasakal.

Sa Muling Pagkikita


SA MULING PAGKIKITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Sa muling pagkikita, mata'y agad nag-usap
Kinapa ang damdamin, naroon ang pangarap
Kinapa rin ang puso, narito na't kaharap
Ang magandang diwatang kayhirap mahagilap.

Puso'y tumataginting, ngiti niya'y kaytamis
Damdami'y gumagaan, ako'y di nakatiis
Nais ko siyang hagkan, ngunit baka lumabis
Ang tibok niring puso'y kumabog ng kaybilis.

Biyernes, Disyembre 28, 2012

Walang Nabubuntis sa Titig


WALANG NABUBUNTIS SA TITIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kung totoo kang umiibig
kausapin yaong dalaga
ibuka ang iyong bibig
upang bigkasin ang pagsinta
walang nabubuntis sa titig
iyon ay tandaan mo sana
kaya't kumilos ka't kumabig
at pasagutin ang dalaga
pakasal kayo't magkaniig
magmahalan din sa tuwina
pagkat ang tunay na pag-ibig
kumikilos at sumisinta

Martes, Disyembre 25, 2012

Kalabit-Penge

KALABIT-PENGE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maraming nakasahod na kamay
na mula sa mga batang hamog
kawawa ka pag di ka nagbigay
susundan ka nila't kinukuyog

kaunting barya lang daw ang gusto
sa hirap at dusang tinitiis
minsan, sila pa'y patakbo-takbo
nagnakaw pala ang mga putris

ingat sa mga kalabit-penge
marami sa kanila'y salbahe
sa salawal baka mapaihi
dahil sila na'y umaatake

mabuhay sa mundo'y mahirap na
upang makakain, lumaban ka
wasakin ang bulok na sistema
sa lipunan ng kapitalista

Sabado, Disyembre 22, 2012

Biktima ni Pablo


BIKTIMA NI PABLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

bumulwak ang ilog, yumanig ang lupa
ang hangin at ulan ay rumaragasa
buong kalunsura'y nilubog sa baha
doo'y kayrami ng mga naulila

ano ang dahilan, ang tanong ng tao
sinong sisisihin sa nangyaring ito?
ang kalikasan bang nagngalit ng todo
o ang pagmimina't bundok na kinalbo

daan-daan yaong mga nangamatay
kayrami rin yaong nangasirang bahay
lulutang-lutang din ang maraming bangkay
ang unos na Pablo ang dahilang tunay

sadyang larawan ng matinding delubyo
tila katapusan na ito ng mundo
walang pinipili, walang sinasanto
kawawang-kawawa ang maraming tao

ang nangyari'y dapat lang pakasuriin
kung mangyari muli'y ano nang gagawin
pagsagip ng buhay ay dapat planuhin
biktima ni Pablo'y tulungan din natin

Huwebes, Disyembre 20, 2012

Sa pagtanda't kamatayan

SA PAGTANDA'T KAMATAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

lahat ng tao'y tumatanda
isa itong katotohanang
di maitatanggi ng madla
dahil nangyayaring lahatan

lahat ng tao'y mamamatay
sinong magkakaila nito
na noon pa'y nagisnang tunay
 ng marami sa mundong ito

ang panahon ang nag-aatas
sa pagtanda'y walang pipigil
tayo't tatanda at lilipas
ang pintig ng puso'y titigil

ang mahalaga'y ating gawin
ang makabubuti sa lahat
di nararapat maging sakim
maging mabuti kahit salat

pagkat ang may mabuting ngalan
may buting sa mundo'y iniwan
naiwan ay mahahawaan
ng buting kinakailangan

Sendong at Pablo

SENDONG AT PABLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kayraming namatay na naman sa bagyo
nawalan ng bahay, nawala ang tao
noon ay si Sendong, ngayon nama'y Pablo
nakatutulirong sadya ang ganito

di dating ganito sa lupang Mindanao
bakit bagyo'y bigla na lamang lumitaw
ang unos na ito'y tila nanggugunaw
ang hangin at bagyo'y kaylakas humataw

bakit nangyayari ngayon ang ganito
dahil kabunduka'y kanilang kinalbo
dahil yaong bundok ay mininang todo
nang dahil sa tubo, tayo'y dinelubyo

gaano kahanda ang pamahalaan
upang pagkamatay ay maiiwasan
gaano kahanda itong taumbayan
upang apektado'y sadyang mabawasan

nakaririndi man ang kayraming tanong
marapat sagutin ng may angking dunong
upang maiwasan ang muling dagundong
at pagraragasa nina Pablo't Sendong

iyang mga unos, pag-aralang tunay
kung bakit kayraming kapwang nararatay
anong gagawin nang maibsan ang lumbay
magkakasya lang ba sa dahilang sablay

nakakalbo na ba yaong mga bundok
mga basura ba'y nakasusulasok
o sistemang tubo yaong nakatutok
kaya solusyon ay pawang mga bulok

nang si Pablo'y naging ganap na delubyo
pati na si Sendong, bayan ay binayo
mga bulong itong  maghanda na tayo
sa mas matitinding daratal na bagyo

Lunes, Disyembre 10, 2012

Napatulog ka man, Pacquiao

NAPATULOG KA MAN, PACQUIAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

napatulog ka man, Pacquaio, ng kanan ni Marquez
di mo man nakita ang kanyang kanan sa bilis
sa puso ng Pinoy, wala ka pa ring kaparis
hindi ka nandaya't lumaban ka ng malinis

ang boksing daw ay "sweet science", agham na kaytamis
talagang may nagagapi, sadyang natitiris
ganyan lang naman sa boksing, may tsambang kaylinis
ang mahalaga'y matanggap yaong pagkagahis

Linggo, Disyembre 9, 2012

Bawal na ang plastik

BAWAL NA ANG PLASTIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa kayraming lugar bawal na ang plastik
pinamalengke mo'y sa bayong isiksik
ito'y di mabulok, kaya nga kaybagsik
sa daanang tubig, nagbabarang lintik
maari bang tayo'y basta manahimik
habang kalikasan ngayo'y tumitirik
di maaring tayo'y magpatumpik-tumpik
sa problemang itong sa mundo'y nahasik
plastik, ipagbawal, ang solusyong hibik
lalo sa gobyernong kayrami ng plastik

Sabado, Disyembre 8, 2012

Ano ba ang tanaga?

ANO BA ANG TANAGA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

ano ba ang tanaga?
tulang alay sa madla
nitong abang makata
sa sariling salita

tanagang manibalang
iisang saknong lamang
taludtod ay apatan
at pito ang pantigan

tanaga'y ating saksi
sa magandang mensahe
na ating nalilimi
habang nasa biyahe

o habang natutulog
tula'y umiindayog
minsan diwa'y matayog
minsan ito'y palubog

tanagang nalilikha
saanman may adhika
sa loob man ng lungga
o kaharap ang madla

katabi ma'y kalabaw
sa gitna man ng araw
kaharap ma'y balaraw
o sa hiya'y natunaw

Biyernes, Disyembre 7, 2012

Ang Masarap na Hipon



ANG MASARAP NA HIPON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

masarap ang katawan, ang ulo'y tinatapon
ganyan lang pag kainin ang masarap na hipon
sadyang kaysarap naman ng ulam ninyo ngayon
sa kay-init na sabaw ay lumulutang iyon

tanggalin iyang balat at ang ulong patapon
o, kaysarap papakin ng katawan ng hipon
tiyak kong mabubusog ang tiyang nagugutom
tanggal ang iyong pagod sa trabahong maghapon