Huwebes, Disyembre 20, 2012

Sendong at Pablo

SENDONG AT PABLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kayraming namatay na naman sa bagyo
nawalan ng bahay, nawala ang tao
noon ay si Sendong, ngayon nama'y Pablo
nakatutulirong sadya ang ganito

di dating ganito sa lupang Mindanao
bakit bagyo'y bigla na lamang lumitaw
ang unos na ito'y tila nanggugunaw
ang hangin at bagyo'y kaylakas humataw

bakit nangyayari ngayon ang ganito
dahil kabunduka'y kanilang kinalbo
dahil yaong bundok ay mininang todo
nang dahil sa tubo, tayo'y dinelubyo

gaano kahanda ang pamahalaan
upang pagkamatay ay maiiwasan
gaano kahanda itong taumbayan
upang apektado'y sadyang mabawasan

nakaririndi man ang kayraming tanong
marapat sagutin ng may angking dunong
upang maiwasan ang muling dagundong
at pagraragasa nina Pablo't Sendong

iyang mga unos, pag-aralang tunay
kung bakit kayraming kapwang nararatay
anong gagawin nang maibsan ang lumbay
magkakasya lang ba sa dahilang sablay

nakakalbo na ba yaong mga bundok
mga basura ba'y nakasusulasok
o sistemang tubo yaong nakatutok
kaya solusyon ay pawang mga bulok

nang si Pablo'y naging ganap na delubyo
pati na si Sendong, bayan ay binayo
mga bulong itong  maghanda na tayo
sa mas matitinding daratal na bagyo

Walang komento: