Biyernes, Nobyembre 30, 2018

Boss, nagbaril sa ulo

Ayon sa ulat sa Bulgar, "Boss Nagbaril sa Ulo"
Wala raw pang-13th month pay ng mga empleyado.
Kapitalista'y dapat gayahin ang among ito
Nang di na pinagsasamantalahan ang obrero.

May prinsipyo't paninindigan ang boss nilang iyon
Walang mabigay sa obrero, bala'y ibinaon
Sa sariling ulo, pagkat mukha'y di maiahon
Sa kahihiyan, ang pagkatao'y di maibangon.

Tularan sana siya ng kapitalistang ganid
Na puso'y halang, magdusa man ang nasa paligid
Tanging limpak-limpak na tubo lang ang nababatid
Gayong ang tinutubo'y manggagawa ang naghatid.

Lahat ng kapitalista'y dapat ganyan ang gawin
Magbaril sa ulo upang wala nang mga sakim.
Habang ang bulok na sistema'y papalitan na rin
At manggagawa'y bagong lipunan ang lilikhain.

- gregbituinjr.
* ang tula'y batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, Nobyembre 30, 2018, p. 1 & 2

Martes, Nobyembre 27, 2018

Mabuhay ang mga Human Rights Pinduteros

Maalab na pagbati sa Human Rights Pinduteros
na pagtatanggol sa karapatan ay lubos-lubos
tuloy ang pakikibaka kahit na kinakapos
saksi kayo sa mga gawaing kalunos-lunos
ng rehimeng itong karapatan na'y binabastos

marami na ang napapaslang ng rehimeng ito
walang due process at paglilitis, ito ba'y wasto?
basta ba dukha, yuyurakan na ang pagkatao?
basta ba babae, babastusin na nilang todo?
ang namumuno na ba'y mistulang isang demonyo?

Mga ka-Pinduteros, ituloy natin ang laban!
ipakitang ang lahat ng tao'y may karapatan
ipakita nating due process ang tamang saligan
kung nagkasala at di basta na lang pinapaslang
karapatang pantao'y kilalanin at igalang

sugat na nilikha ng rehimen ay anong lalim
kaya di na dapat patagalin pa ang rehimen
ng pangulong kung mag-isip ay karima-rimarim
dapat nang palitan ang berdugong anghel ng dilim
dapat nang ibagsak ang pangulong sugo ng lagim

- gregbituinjr.
* kinatha at binasa sa 8th Human Rights Pinduteros Awards Night, Nobyembre 27, 2018, Prime Hotel, Sgt. Esguerra, Lungsod Quezon

Lunes, Nobyembre 26, 2018

Ang pangalan ay mas mainam kaysa kayamanan

ang pangalan ay mas mainam kaysa kayamanan
kaya pangalang ito'y dapat lang pakaingatan
ang dangal ay mas mabuti kaysa anumang yaman
kaya ipagtanggol ang dangal kapag niyurakan

ang mabuti mong pangalan ang iyong reputasyon
sa baras nga'y kailangan nito ng proteksyon
laban sa paninirang puri't mga akusasyon
higit pa sa ginto't pilak ang pangalan mong iyon

kaya dapat makatwiran sa anumang gagawin
mapagkumbaba sa pinakikitunguhan natin
di tumatanggap ng suhol kahit anong usapin
matatag at tapat sa niyakap na simulain

sa.mata masisilayan ang magagandang ngiti
may sulyap ng dangal ang sa labi'y namumutawi
mabuti ang pakikitungo't di nananaghili
ang itinatanim sa lupa'y mabubuting binhi

ang may mabuting pangalan ay nagpapakatao
subalit kung may naninirang-puri na sa iyo
labanan mo siya't ipakita mo ang totoo
kung kinakailangan, sampahan siya ng kaso

- gregbituinjr.

Ngiti lang ang ganti

maraming mapanira't mayayabang na kuhila
animo sila'y haring ang kapwa'y kinakawawa
mga sikat at madalas palakpakan ng madla
ngunit sa pakikipagkapwa-tao'y walang-wala

isa ang mapangmatang matagal nang kilala ko
nang magkita muli'y tila nakakita ng multo
sa kasalanan sa akin, tila ba aminado
sa kabila ng dinanas, ngiti lang ang ganti ko

upang damhin ko'y ginhawa, di ko na ginantihan
bahala na ang kanyang budhi sa kabulastugan
matalino man siya't kilala, ako'y di mangmang
na basta na lang mamatahin pagkat dukha lamang

matatag niyang tuntunga'y pribadong pag-aari
habang ako'y wala maliban sa mga kauri
siya sa kanyang kapwa'y di dapat nang-aaglahi
pagkat bawat isa'y dapat lamang kinakandili

- gregbituinjr.

Linggo, Nobyembre 25, 2018

Ang magtago ng sikreto ay tungkuling maginoo

ang magtago ng sikreto
ay tungkuling maginoo
walang nabubulilyaso
at mainam ang ganito

lihim hanggang kamatayan
sikreto'y di mabubuksan
kung sakaling pilitin man
di tutuga kahit saktan

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 23, 2018

Gobyerno ng iilan

Gumuguhit sa dibdib ang kawalang katarungan
Oo, pagkat laksa-laksa na ang katiwalian
Binuhay sa kurakot ang gobyerno ng iilan
Yamang silang burgesya ang nasa kapangyarihan
Estimado lang nila'y yaong kauring mayaman
Rinig ng maralitang sila lagi'y bibirahin
Na sila'y sakit sa mata ng gobyernong ubanin
O kaya'y mga daga ang dukhang dapat lurayin
Na dapat lamang itaboy o itapon sa bangin
Ginugulangan ang dukha ng mayamang salarin
Itigil ang mga panggigipit sa mga dukha
Itaboy ang mga mapagsamantala't kuhila
Linisin at palitan ang daigdig ng dalita
At pangarapin ang makataong mundo ng madla
Na dapat itayo ang lipunan ng manggagawa
- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 20, 2018

Huwag mong ituring na basura ang sarili mo

huwag mong ituring na basura ang sarili mo
kundi'y mangangamoy ka lang pag nabulok sa dulo
paggawa ng mabuti'y maganda sa pagkatao
lalo't di lang pansarili kundi pambayan ito

ang di raw marunong magmahal sa sariling wika
ay mahigit pa raw sa hayop at malansang isda
sabi ng bayaning Rizal na tunay na dakila
ito'y ating tandaan upang di maging kawawa

sa pakikipagkapwa'y huwag tayong maging plastik
pagkat punô na rin ng plastik ang dagat-Pacific
kumilos kung sa basurang plastik dagat na'y hitik
ito'y tipunin, patuyuin, at gawing ekobrik

pagpapakatao't pagmamahal sa kalikasan
ay mahalaga upang bumuti ang pamayanan
dapat nang maalis ang basura sa kalooban
upang isang bagong daigdig ang ating magisnan

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 19, 2018

Ang nais kong pinuno

nais ko'y pinunong masaya ang nasasakupan
kahit pa ang pinunong iyon ay nahihirapan
kaysa sarili'y mas inuuna niya ang bayan
kaysa pamilya'y una sa kanya ang katungkulan

nais ko'y pinunong pinatutupad ang proseso
ng batas, may paggalang sa karapatang pantao
may paglilitis at di basta kinakalaboso
ang sinumang nagkasala, matatag ang prinsipyo

nais ko'y pinunong gumagalang sa karapatan
lalo na't lumalayo siya sa katiwalian
di pumapaslang upang mapatino lang ang bayan
marangal, mabait, matapang, ngunit di gahaman

nais ko'y pinunong matino, di mapagkunwari
di niya inuuna ang pribadong pag-aari
mas inuuna ang bayan, di nag-aastang hari
magalang, nagpapakatao, at mapagkandili

- gregbituinjr.

Linggo, Nobyembre 18, 2018

Kami'y Block Marcos

Kami'y sama-samang nananawagan ng "Hukayin!"
Ang labi ng diktador sa L.N.M.B.: "Hukayin!"
Marcos, sa Libingan ng mga Bayani nilibing
Iniligaw na ang kasaysayan ng bayan natin
Yinanig ang bayan kaya masa'y agad kumilos
Binira ang paglilibing, pati na ang nag-utos
Libingan ng mga Bayani'y di para kay Marcos
Oo, pagkat kasaysayan ang kanilang binastos
Commitment ng grupong Block Marcos ay sadyang matindi
Kumilos agad nang kasaysayan na'y binibigti
Mahinahon, matatag, may laman ang sinasabi
At sa bawat galaw ay talagang nagpupursigi
Ramdam nating ang buong bayan ay di nalulugod
Conscious silang kasaysayan ng bansa'y pinilantod
Organisahin ang hanay, tayo'y magbuklod-buklod
Sama-sama nating isigaw: "Hukayin ang puntod!"

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 17, 2018

Ang katulad ko'y di pahuhuli ng buhay

ang katulad ko'y di pahuhuli ng buhay
di nagpapalimos sa kaninumang kamay
marangal magtrabaho, may prinsipyong taglay
isang aktibistang lumalaban ng tunay

nakikibaka subalit pumaparehas
ang nais ko'y nakikipaglaban ng patas
habang mga ligaw na damo'y pinipigtas
upang lumago ang palay at maging bigas

tibak akong may taya, tangan ang prinsipyo
tunggalian ng uri'y nais ipanalo
dapat magkapitbisig ang mga obrero
nang bulok na sistema'y kanilang mabago

tagos sa buto't puso ang paninindigan
na pagsasamantala'y mawalang tuluyan
pangarap kong mabago na itong lipunan
prinsipyo'y ilalaban hanggang kamatayan

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 16, 2018

Tulad nati'y mga manggagawang sanay sa hirap

tulad nati'y mga manggagawang sanay sa hirap
sa buhay na ito'y nagpupunyagi't nagsisikap
ang asam na kaginhawahan ang hinahagilap
at isang lipunang makatao'y pinapangarap

babaguhin natin ang lipunang ganid na ito
papalitan natin ang sistemang kapitalismo
pagbubuklod-buklurin natin ang mga obrero
upang itayo ang lipunan nilang sosyalismo

mga manggagawa, tayo'y dapat magkapitbisig
upang ganid na kapitalismo'y ating malupig
mapang-api't mapagsamantala'y dapat mausig
at daing ng obrero'y talagang maisatinig

- gregbituinjr.

Buhay ng magsasaka't manggagawa'y magkarugtong

buhay ng magsasaka't manggagawa'y magkarugtong
magsasaka sa kanilang bukid ay lumulusong
manggagawa sa kanilang pabrika'y sumusuong
kaya pag-unlad ng lipunang ito'y sumusulong

sila ang lumilikha ng ekonomya ng bansa
inararo't tinamnan ng magsasaka ang lupa
gamit na kailangan ay likha ng manggagawa
ngunit sa lipunang ito'y sila pa ang kawawa

dahil sa magsasaka kaya may gulay at bigas
sa ekta-ektaryang lupa'y may tanim silang prutas
nag-araro, nagtanim, nangalaga, at naggapas
batid nila kung anu-ano ang halamang lunas

sa pabrika'y kayod-kalabaw ang mga obrero
trabaho ng trabaho kahit mababa ang sweldo
kaylaki ng ambag ng manggagawa sa progresi
habang nagsisiyaman ang kapitalistang tuso

magsasaka't manggawa'y ating pasalamatan
sila ang totoong nagpapaunlad sa lipunan
sila ang mga tunay na bayani nitong bayan
di mga kapitalista't elitistang iilan

- gregbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 15, 2018

Isa akong mandirigmang Spartan

isa akong mandirigmang Spartan
na sinanay sa hirap ang katawan
upang handa sa matitinding laban
at nang himagsikan ay makayanan

dugong Spartan, dugong Pinoy ako
nakikibaka ng taas-kamao
lumalaban para sa pagbabago
nitong sistemang binulok ng tuso

mandirigmang matindi kung bumaka
upang kamtin ng bayan ang hustisya
sa bisig ko'y may simbolong nagmarka
yao'y sa manggagawa't magsasaka

isa akong Spartan, mandirigma
isang Pinoy, masigasig tumula
mga kathang sadyang tumutudla
sa mga tiwali, tuso't kuhila

- gregbituinjr.

Di sapat ang araw-gabi'y lagi na lang pag-ibig

di sapat ang araw-gabi'y lagi na lang pag-ibig
kailangan din ng pambayad ng kuryente't tubig
sa boluntaryong mga gawain, di makahamig
tula'y walang bayad, disin sana'y may makakabig

masipag naman sa trabaho, wala namang sahod
dadalo sa pulong, lakad lang, sapatos na'y pudpod
tutupdin ang tungkulin kahit minsan napapagod
uuwing walang pera't sa kisame'y nakatanghod

patuloy sa pagkilos, ayaw sa salitang "lie low"
nagbakasakaling makita'y may sweldong trabaho
sa kumpanya'y di matanggap ang tibak na tulad ko
baka raw tayuan ng unyon ang kapwa obrero

pambayad ng kuryente't tubig, saan hahanapin?
masipag maglakad, salapi'y saan pupulutin?
masipag tumula, ang pera'y saan dadamputin?
pambayad sa mga bayarin ay saan kukunin?

masipag sa.misyon, masipag sa organisasyon
ngunit sa mga utang sa tindahan nababaon
ang pagiging pultaym ay di isang paglilimayon
pagkat kailangan ding kumita ng pera ngayon

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 14, 2018

Di ko lang nakatabi

di ko lang nakatabi, di ko na raw siya mahal
ito ang nais niyang isipin ko't ako'y hangal
ito'ng inuukilkil sa puso't diwa kong hangal
di ko lang nakatabi, di ko raw siya mahal

gusto'y lagi kaming naglalampungan araw-gabi
ayos lang iyon dahil bagong kasal naman kami
ngunit dapat ding kumilos at kami'y magpursigi
maghanap ng salapi upang bigas ay mabili

ang ganda niya, at di pogi ang napangasawa
di naman ako playboy, baka palaboy pwede pa
ako nama'y takusang nagkataong aktibista
na disiplinang bakal ang pinairal tuwina

wala akong panahon sa selos, kami'y hikahos
sa bigas, kuryente' tubig, nasaan ang panustos
di ako pogi't walang ibang babaeng papatos
kung siya'y magseselos, buhay ko'y todos los santos

iyang selos ay produkto rin ng komersyalismo
hilig kasing manood ng dramang nakakabobo
laking tubo ng kapitalismo sa dramang ito
gayong sa iyaka't selosan, masa'y apektado

- gregbituinjr.

Wikang Koreano'y ituturo sa paaralan habang wikang Filipino'y tinanggal

noon, sinabing pangit daw ang kutis-kayumanggi
sa mga patalastas ay maganda ang maputi
propaganda ng kapitalismong kamuhi-muhi
kolonyalismo'y bentador ng dangal at ng lahi

ngayon, pag-aaralan na ang wikang Koreano
ituturo na sa mga paaralang publiko
sa kolehiyo'y tinanggal ang wikang Filipino
produkto na naman ba ito ng kolonyalismo?

winawasak na nga ng kolonyalismo ang bayan
at ng kapatid nitong kapitalismong haragan
nang dahil sa globalisasyon ay nagbababuyan
binababoy tayo ng puhunan at ng dayuhan

pangit daw ang kayumanggi, iyan ang kulay natin
bilhin daw ang pampaputi't maganda sa paningin
wikang Filipinong wika natin ay tatanggalin
isipang kolonyal ay isinasaksak sa atin

nais nilang mamuhi tayo sa ating sarili
upang bayan ay madaling masakop o mabili
upang magahasa ang bansa't mga binibini
upang mawalan ng dangal at tuluyang magbigti

panahon ngayon ng paglaban, ng pakikidigma
ipagtanggol ang ating ugat at sariling wika
may dapat tumimbuwang sa parisukat na lupa
di tayo, kundi mga kolonyalistang kuhila

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 13, 2018

Kung paano maging horror writer

baka ako'y maging horror writer din balang araw
dahil sa mga ulat ng pagpaslang gabi't araw
dahil mga dukha'y ipis sa kanilang pananaw
na dapat apakan, paslangin, dapuan ng langaw

di lamang mga kwentong multo ang nakakatakot
may mga kwento ng pagpaslang, nakakikilabot
may mga kwento ng nangawala pagkat dinukot
may mga isyu ng bayang di basta malilimot

sangkatutak ang kwentong E.J.K. sa pahayagan
ulat sa radyo't telebisyon ay pawang patayan
may kwento pa nga ng hinuling tambay sa lansangan
ikinulong ngunit pinatay rin sa kalaunan

mga kwento ng mga nanlaban daw sa kanila
kayraming batang tinamaan ng ligaw na bala
ama, ina, asawa, anak, hiyaw ay hustisya
laksa-laksa na ang mga naulilang pamilya

kayrami nang batayan upang maging horror writer
ayaw ko ma't gusto'y kayraming ulat na minarder
lalo't panahon ngayon ng mga berdugo't Hitler
matitigil ba ito habang sila'y nasa poder?

- gregbituinjr

Kahit ako'y takusa

Kahit na ako'y TAKUSA, o Takot sa Asawa
At laging tagaluto, tagalinis, tagalaba
Hindi ako nagbibisyo't tinataguyod sila
Ito naman ay laging may akibat na pagsinta
Tapat sa asawa't di ito isang pagdurusa.
Aktibista akong sa prinsipyo'y sadyang matapat
Kahit nag-asawa na't naging takusa'y maingat
Organisado sa mga gawaing nararapat
Yinayari ang misyon nang di akalaing sukat
Tungkulin ay tinutupad gaano man kabigat.
Ako ma'y takusa, responsableng asawa ako
Kumikilos ng maayos at nagpapakatao
Upang kapwa itaguyod ang pamilya't prinsipyo
Sinusunod ang asawa pagkat pagsinta ito
Ako'y takusa man, nakikibaka ring totoo.

- gregbituinjr.

* tulang akrostika, ang pamagat ay ang simula ng titik ng bawat taludtod
* ito'y tulang kasama sa inihahanda kong libro na ang pamagat ay "AKLAT NG TAKUSA"

Lunes, Nobyembre 12, 2018

Pag tinanggalan mo ng bahay ang tao

ang tao, pag tinanggalan mo ng bahay, papalag
pakiramdam nila, karapatan nila'y nilabag
ang kapayapaan sa kanilang puso'y binasag
panibagong pasakit at pagdurusa'y nadagdag.

ang sinumang tao, pag tinanggalan mo ng bahay
ay kara-karakang makikipaglaban ng tunay
para sa kanila, pagkatao'y winalang saysay
dukha't mayaman man, bahay ay katumbas ng buhay.

tanggalan mo ng bahay ang mayaman o mahirap
at mararamdaman mo ang sakit na hinahanap
ang bahay ay karapatan, binuo ng pangarap
ang bahay ay dahilan ng maraming pagsisikap.

sa sinumang nais magsagawa ng demolisyon
dapat may pag-uusap, pagsangguni, negosasyon
huwag kang aastang parang hari o kaya'y leyon
kung ayaw mong mapasubo't magkadigmaan ngayon.

- gregbituinjr.

Ang mabuhay sa panahon ng batas militar

"Buhay na ba kayo noong panahon ng martial law?
Kung hindi, bakit martial law ay tinutuligsa n'yo?"
Tanong ng maka-Marcos na animo'y bibong-bibo
Pagkat dinanas daw niya'y pag-unlad na totoo.

Aniya, "Martial law ay nagdulot ng kaunlaran.
Saliksikin n'yo ang mga ulat sa pahayagan.
Walang mga kriminal at payapa ang lansangan.
Tao'y matitino at disiplinado ang bayan."

Ang tanong namin, "Naniniwala ka ba kay Kristo?
At kay Magellan na nakalaban ni Lapulapu?
Kilala mo ba sina Rizal, Luna, Bonifacio?
Nabuhay ka na ba sa panahon ng mga ito?"

Tiyak sagot mo'y di ka buhay sa panahon nila.
At wala pa sa sinapupunan ang iyong lola.
Kaya martial law ay huwag mo nang ipagyabang pa
Kayraming tinagong dahas, libu-libo'y biktima.

Kontrolado ng diktador ang radyo't pahayagan
Telebisyon, militar, pulis, negosyo't hukuman.
Karahasan nitong martial law'y tinagong tuluyan
At dinahas ng diktadura ang mga lumaban.

Dinukot, piniit, hinalay, nawala, pinatay.
Kayrami nang naulila't hustisya'y hinihintay.
Martial law ay huwag hayaang maulit pang tunay
Upang sakripisyo nila'y di mawalan ng saysay.

- gregbituinjr.

Linggo, Nobyembre 11, 2018

Ako na yata itong pinakamasipag

ako na yata itong pinakamasipag
sa mga gawain ko'y di basta matinag
nakatunganga sa maghapon at magdamag
kakatha ng kakatha, may tulang nadagdag
pati sanaysay, kwento't balitang nabunyag

di ako tamad pagkat gawa ko'y kaydami
tingni ang kamay ko't may lipak, anong dumi
tingni ang puso ko't kayraming nasasabi
sa isyu ng bayan ay di bulag, di bingi
ang panitik kong tangan ay di napipipi

pag nakatitig ba sa kisame'y batugan
tamad na ba pag nakapatda sa kawalan
di ba pwedeng punung-puno ng kasipagan
di ng pangangatawan, kundi ng isipan
nasasaisip ang nililikhang lipunan

kahit walang pera, sa gawa'y anong sipag
kahit walang sahod, diwata'y nabibihag
nagsisilbi wala mang salaping madagdag
sa ganito'y bakit daw ako pumapayag
natatanggap lang nama'y pulos pampalubag

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 10, 2018

Pagpupugay sa ika-2 anibersaryo ng Block Marcos

PAGPUPUGAY SA IKALAWANG ANIBERSARYO NG BLOCK MARCOS

taas-kamaong pagbati'y inaalay kong lubos
sa ikalawang anibersaryo nitong Block Marcos
mabuhay ang mga kasamang tuloy sa pagkilos
na ang pagharang sa diktadura sa puso'y tagos

di mapigil ang paghiyaw ng "Hukayin! Hukayin!"
sa Libingan ng Bayani'y may pekeng nakalibing
nakakasukang diktador na naghasik ng lagim
bayan ng mga bayani'y kailan magigising

"Hukayin! Hukayin" ay di lamang isang islogan
kundi ito'y misyon nating sadyang makabuluhan
pagkat nais nating maiwasto ang kasaysayan
at huwag payagang patuloy itong mayurakan

O, Block Marcos, taas-kamaong pagbati sa iyo
at patuloy kang matatag sa tangan mong prinsipyo
darating din ang araw na mananalo rin tayo't
mahuhukay ang labi ng diktador na dorobo

- gregbituinjr., 10 Nobyembre 2018

Biyernes, Nobyembre 9, 2018

Basurahan tayo ng Canada at South Korea

Noon, tambakan tayo ng basura ng Canada.
Ngayon, basura'y nagmula naman sa South Korea.
Ang Pilipinas na pala'y tambakan ng basura.
Aba'y huwag tayong pumayag. Tayo'y magprotesta!

- gregbituinjr.
- batay sa ulat sa news.abs-cbn.com, na may pamagat na "Basura mula South Korea, dumating sa Pilipinas", Nobyembre 9, 2018: "Kinuwestiyon ng Bureau of Customs ang kargamentong dumating sa Mindanao International Container Terminal mula sa South Korea. Imbes kasi na plastic pellets gaya ng nakadeklara, mga basura lang ang laman nito. I-Bandila mo, Rod Bolivar. - Bandila sa DZMM, Biyernes, 9 Nobyembre, 2018" 

Pag kamay ng kapwa pasahero'y nasa likod mo

pag kamay ng kapwa pasahero'y nasa likod mo
may gagawin kaya siyang di mabuti sa iyo?
pitaka ba sa bulsa mo'y pinupuntirya nito?
di ba't kamay dapat nasa harap ng pasahero?
di nasa likod ninuman pagkat iyon ang wasto

walang dahilang nasa likod mo ang kanyang kamay
iyan ay pag-isipang mabuti't magnilay-nilay
inaabangan ba niyang makalingat kang tunay?
at sa iyo'y may kukuhaning mahalagang bagay?
aba'y mahirap madukutan ng gamit mong taglay!

maging alisto sa pampasaherong bus, tren, o dyip
sa terminal, pampublikong lugar, huwag umidlip
baka pagsamantalahan habang upo'y masikip
baka akala mo'y romansa na't nananaginip
iyon pala'y mandurukot ang sa iyo'y humagip

- gregbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 8, 2018

Binibili ko ang usok na parang ginto

binibili ko ang usok na parang ginto
habang habol ang hininga kong napapaso
ang nadarama'y lalamunang tuyong-tuyo
na yosi pala iyang sa akin tatanso

sayang ang pera ko sa pagbili ng usok
gayong libre lang ang sakit.kong maglulugmok
bisyong iyan ay paano ko nalulunok
habang binubuga ang nakasusulasok

tila sa baga ko ako na'y nagtataksil
pati lalamunan ko'y aking sinisiil
katawan ko'y unti-unti kong kinikitil
ang mabaho kong bisyo'y may dalang hilahil

isang tasang kanin o tatlong sigarilyo
hihithitin ko o isang ulam na prito
sa yosi'y ayokong sayangin ang pera ko
ibibili na lang ng sangkaterbang libro

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 7, 2018

Agahan mo ang gising

"maaga tayong matulog at maagang gumising
upang sa paroroonan ay agad makarating."
aniya nang nag-ayang matulog kaming mahimbing
matapos ihanda ang gamit patungo sa piging

sa isip ko, maagang pagtulog ay di usapin
tulog na alas-otso't alas-dose'y parteho rin
ang dapat pag-usapan ay anong oras gigising
upang ang unang bumangon, kasama'y yuyugyugin

maaga ngang matulog, tanghali namang gumising
sa pupuntahan ay di naman agad makarating
pag maagang matulog, nasasarapang humimbing
baka nananaginip pa't kasama'y dalaginding

ang dapat, "sa ganitong oras tayo na ay gising"
sa gabi'y nakahanda na ang kakailanganin
upang sa umaga'y di problema anong dadalhin
kahit alauna matulog, agahan ang gising

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 6, 2018

Di ako umuupo sa M.R.T. o L.R.T.

di ako umuupo sa M.R.T. o L.R.T.
dahil pribilehiyo ko'y bigay na sa babae
kahit ako'y nagbayad upang makasakay dine
nasanay nang tumayo rito araw man o gabi

nakakahiyang umupo pag maraming matanda
sila ang dapat umupo, di ang tulad kong gala
na malakas pa sa kalabaw, malakas sumipa
matatag pa rin ang tuhod sa lakarang mahaba

sa M.R.T. o L.R.T.'y di ako umuupo
hahawak lang sa baras, matatag nang nakatayo
basta may magandang dalaga'y di ramdam ang hapo
matatag na mandirigmang di basta magugupo

upuan ay ibigay sa may kapansanan, buntis,
matatanda, babae, bata, kahit ilang beses
ibigay sa pagod na manggagawa, di sa burgis
ayos lang akong tumayo, di naman ito labis

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 5, 2018

Ako man ay nabugbog-sarado ni misis

ako man ay nabugbog-sarado ni misis
dahil di agad nagawa ang kanyang nais
wala akong magawa kundi ang magtiis
kaysa naman siya pa'y manggigil sa inis

kahit pulos pasa ang buo kong katawan
at isang mata ko'y nagka-black eye na naman
kami'y patuloy pa rin ang pagmamahalan
nangako akong di siya pababayaan

lagi ko noong naiisip ako'y bato
di basta natitinag ang katatagan ko
laging nakikisama't nagpapakatao
bagamat minsan ma'y nabubugbog-sarado

ganyan nga marahil ang tulad kong takusa
naghahanap lagi ng pang-ulam sa mesa
at pambili ng sangkilong bigas tuwina
nagsisikap upang buhayin ang pamilya

bugbog-sarado man kay misis, tuloy pa rin
ang lahat kong pagsisikap, mga gawain
nagsisikap upang pamilya'y may kainin
mga bilin ni misis ay aking tutupdin

- gregbituinjr.
- ang tulang ito'y kasama sa inihahanda kong librong pinamagatang "Aklat ng Takusa"

Linggo, Nobyembre 4, 2018

Hoy, huwag kang tumawid sa maling tawiran

hoy, huwag kang tumawid sa maling tawiran
baka mabundol o kaya'y masagasaan
gamitin ang paang tulay na naririyan
upang makatiyak sa ating kaligtasan

pag sa maling tawiran ikaw ay tumawid
baka iniingatang buhay moy mapatid
kung nahagip ka ng isang rumagasang dyip
tsuper ba ang maysalang ikaw ay nahagip?

di kasalanan ng tsuper, kasalanan mo
sa maling tawiran nakipagpatintero
mahirap iyang ipipilit mo ang gusto
pagkat idadamay mo pa ang ibang tao

tumawid ka sa tamang tawiran, doon ka
ito'y upang makaiwas ka sa disgrasya
ang sarili'y mapangangalagaan mo pa
at makakauwing kapiling ang pamilya

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 3, 2018

Di ko sinanay ang sarili ko sa kape

di ko sinanay ang sarili ko sa kape
kahit binabasa ang kwento ng higante
kahit naglalaro ang daga sa kisame
kahit nagtatakbuhan ang pusa sa kalye
kahit pinupuno ko ng tubig ang balde
kahit nilalabanan ang mga salbahe

di nagpapalipas ng gutom kahit hirap
magpapatuloy ilaw ma'y aandap-andap
kikilos pa rin wala mang kapeng masarap
sa dampa'y tutungong walang kakurap-kurap
at ang diwata'y hahagkan sa isang iglap
at sa kalauna'y dalhin sa alapaap

kaya mag-inat-inat na lang sa umaga
kape man ay wala't nangangamoy sampaga
habang nandaragit ng sisiw ang agila
habang nagbabanat ng buto sa tuwina
habang nagpapatuloy ang pakikibaka
ngunit umaga'y salubunging may pag-asa

- gregbituinjr.

Biyernes, Nobyembre 2, 2018

Is-nay-per

IS-NAY-PER

ako'y isang tuod na di nagsasalita
nakatitig sa puntirya kahit pa wala
bakasakaling siya'y lumabas ng lungga
makakalabit din ang gatilyo ng sigwa

ako'y isang bato, naritong di matinag
na mga pulso'y nananatiling matatag
nakatitig lang na tila may tagabulag
ang ulong lumitaw, sa punglo'y mababasag

ako'y dagang kung saan-saan sumusuot
ako'y pusang may siyam na buhay sa gusot
ako'y taong-lobong naaamoy ang salot
ako'y langay-langayang di basta maabot

kumbaga sa kahoy, isa akong mulawin
di basta mahuhulog kahit nasa bangin
ang sinumang puntirya'y mahahagilap din
sa tatag ng pulso, tagumpay ay kakamtin

- gregbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 1, 2018

Maging makatao sa mga vendor

sa pagtrato sa vendor, sana'y maging makatao
at huwag silang itaboy na akala mo'y aso
sila'y maninindang ayaw magutom ang pamilya
nagtatrabahong marangal tumubo man ng barya
sino ba ang may gustong ang bangketa'y maharangan
kung may maayos lamang silang mapagtitindahan
kaya huwag silang tirising parang mga ipis
pagkat nagtatrabaho rin ng patas at malinis
susunod din sa batas, huwag silang dinarahas
nais lamang nila'y makapagtinda ng parehas
makakain ng sapat tatlong beses isang araw
kahit kumayod ng kumayod na tila kalabaw
nawa mga vendor ay protektahan ng gobyerno
kahit vendor sila'y marunong ding magpakatao
- gregbituinjr.

Pag hinihintay pa'y wala

dumatal ang anihan, tiyak susuong sa putikang lupa
huwag papakin ang pulutan at hinay-hinay sa pagtoma

maging maagap ka tulad ng mga Boy Scout na laging handa
maging alisto't mag-ingat, baka mangagat ang asong gala

may bagyong dumarating sa buhay, talagang kaytinding sigwa
maagap na maghanda't kumilos, ito rin nama'y huhupa

kahit dumatal pa ang laksang suliraning kasumpa-sumpa
ay malalampasan din ang lahat ng ito't di na luluha

tawag ng tawag, text ng text, subalit hinihintay pa'y wala
baka nakatulog sa pansitan, nag-aalaga ng muta

- gregbituinjr.