Lunes, Abril 30, 2018

Isang tugmang pambata (nursery rhyme):

Isang tugmang pambata (nursery rhyme):

Kokak, kokak, sabi ng palaka
Ik, ik, ik, sabi naman ng daga
Miyaw, miyaw, ang tugon ng pusa
Aw, aw, aw, sagot ng asong gala

- gregbituinjr.

Biyernes, Abril 27, 2018

Unang dating sa Lias

UNANG DATING SA LIAS

narito na kami sa Lias, sa nayon ni Libay
kami'y mula sa mahabang oras ng paglalakbay

kasama namin ang aking biyenan, bayaw at hipag
dumating nang mahinhawa, katawan ma'y natagtag

tulad ng ngiti ni Libay, nangungusap ang langit
maganda ang panahong nakayapos ng mahigpit

tila nagsasabing ginagawa'y makabuluhan
maganda ang daratnan, adhika't pagsasamahan

- gregbituinjr.
27 abril 2018

Huwebes, Abril 26, 2018

Pagdatal sa Alapang

PAGDATAL SA ALAPANG

Ngayong araw nang kami'y dumatal sa La Trinidad
Nakangiting biyenan ang sa amin ay bumungad
Sa kabila ng kalamigan ng buong paligid
Kay-init na pagtanggap sa'ming mag-asawa'y hatid
Sa Barangay Alapang, iyon ang una kong datal
O, kaysarap ng simoy kasama ang minamahal
Tila iyon paraiso ng tunay na pagsinta
Ng dalawang pusong puno ng pangarap, pag-asa
Lugar na kaygandang tirhan ng isang manunulat
Dito'y tiyak kong makalilikha muli ng aklat

- gregbituinjr. / 042618
unang dating sa bahay ng aking asawa sa Brgy. Alapang, La Trinidad, Benguet

Miyerkules, Abril 25, 2018

Ang pagsuyo'y di man sintamis ng asukal

Mahal kong kasi, ikaw ang tangi kong mahal
Ang pagsuyo'y di man sintamis ng asukal
Hapunan nati'y may pagsinta ring minindal
At bubusugin sa tanghalia't almusal

Lihim kong pagsinta nawa'y iyong sipatin
Kung sakali'y titigan ang mga bituin
O kaya'y dinggin ang mga palipad-hangin
Nitong pagsuyong langit man ay aakyatin

Gigisingin ng pag-ibig ang pusong tulog
Suminag man ang araw, sa gabi'y lumubog
Irog ma'y tangay sa ulap nitong pag-irog
Na kasa-kasama sa bundok mang matayog

Tanging pag-ibig lamang ang tunay at wagas
At aakay sa atin sa magandang bukas.

- gregbituinjr.

Martes, Abril 24, 2018

Si Ella Tenebro, lider-kabataan ng Gulod

Ella Tenebro, magaling na Lider-kabataan
Pangarap niya ang maunlad na kinabukasan
Walang polusyon at malinis na kapaligiran
Para sa kapwa kabataan at sa mamamayan

Paglilingkuran niya ang bayan ng taos-puso
Kabataan sa kahirapan at bisyo'y mahango
Masigasig, kalooban ay matatag at buo
Sa paglilingkod niya'y hindi tayo mabibigo

Sa kanya, kagalingan ng kabataan ang una
Ang karapatan at buhay ng tao'y mahalaga
Pati kalusuga't edukasyon ng bawat isa
Matatag, makatao, tapat na lingkod ng masa

Si Ella Tenebro, lider-kabataan ng Gulod
Sa sambayanan siya'y taos-pusong maglilingkod

(ang tulang ito'y isang sonnet, at may 15 pantig bawat taludtod, o 15 syllables per line; ang tulang ito'y hiniling ng ina ni Ella Tenebro, na dating kasamahan sa kolehiyo; si Ella ay tumatakbo bilang pangulo ng Sangguniang Kabataan o SK sa kanilang lugar sa Novaliches - gregbituinjr.)

Lunes, Abril 23, 2018

Madilog ang handog

Madilog
Ang handog
May hubog
Pabilog
Matayog
Di hambog

- gregbituinjr.

Ang lubid na pambigti sa kapitalista

"Ibebenta ng kapitalista Ang taling pambigti sa kanila." Ito'y binigkas noon ni Lenin Ating pakinggan ang kanyang bilin - gregbituinjr.

Hinubog nina Bonifacio't Lenin itong diwa

Hinubog nina Bonifacio't Lenin itong diwa
Pag-ibig sa sangkatauhan at sa manggagawa
Kaya sa pagpapakatao'y hindi nagpapabaya
Nagpapatuloy sa pagkilos, pakikipagkapwa

Kartilya'y isinasabuhay tungong pagbabago
Panlipunang hustisya at karapatang pantao
Patuloy na pag-organisa sa uring obrero
Pagtaguyod sa diktadura ng proletaryado

Ang pagsasamantala sa kapwa'y ating bakahin
Tulad ng ginawa ng ating Gat Andres at Lenin
Magsikhay para sa proletaryadong simulain
Upang lipunan ng uring manggagawa'y likhain

- gregbituinjr.
 


Linggo, Abril 22, 2018

Pagpupugay sa mga taga-Marinduque State College

animnalibong estudyante at pakuldad
ay nagkaisang maglinis ng tabing-dagat
Marinduque State College, nagsamang lahat
upang kalikasan ay malinisang sukat

aba'y oo, bawat tao'y may karapatan
sa maayos at malusog na kalikasan
kaygandang ulat, tunay itong kagalakan
inspirasyon kayo sa mga bayan-bayan

humayo't magkaisa, huwag manahimik
naging karanasan ninyo'y kahindik-hindik
pagkat Marcopper sa inyo'y nagpatiwarik
tahanan, bukid, naging minahang maputik

ang isinagawa ninyo'y makabuluhan
para sa hinaharap at kasalukuyan
ang Coastal Clean Up sa mga dalampasigan
at Unity Eco-Walk sa apat na bayan

ang halimbawa nyo'y dapat tularang tunay
nang kalikasan ay gumanda na ang lagay
kaya Marinduque State College, mabuhay!
sa inyo'y taospuso kaming nagpupugay!

- gregbituinjr.

(Ayon sa ulat ng Abante Tonite, Abril 22, 2018, pahina 2, aabot sa 6,000 mag-aaral, empleyado at mga guro ng Marinduque State College ang lumahok sa isinagawang Unity Eco-walk at Coastal Clean Up sa apat na bayan ng lalawigan ng Marinduque noong Abril 20, 2018, Biyernes ng umaga, at nilinis ang mga baybayin sa Bayan ng Boac.)

Sabado, Abril 21, 2018

Pulang sambalilo'y suot ng magsing-irog

pulang sambalilo'y suot ng magsing-irog
may mensaheng sa isa't isa'y anong tayog
pangarap na bukas sa pag-ibig nahulog
tila baga dama ang saya, gigil, libog
sa bawat isa, kanilang sarili'y handog

- gregbituinjr.

Biyernes, Abril 20, 2018

Huwag mong isuko sa kapalaran ang buhay mo

isinuko na nila sa kapalaran ang lahat
tila wala nang agham sa kanilang pagkamulat
balisa sa sariling anino't mata'y mulagat
di mabatid saan nanggaling ang malaking sugat

bakit di nakita't lumubog sila sa kumunoy
mga anak habang maaga'y turuang lumangoy
ngunit mga itinanim ay bakit nanguluntoy
dahil sa kapabayaan ba'y magiging palaboy

kapalaran ba ng tulad mo ang maging mahirap
o sistema ang siyang dahilan ng dusang lasap
bakit kayrami pa ring naloloko't nagpapanggap
sa isang lipunang naglipana ang mga kurap

huwag mong isuko sa kapalaran ang buhay mo
di tadhana ang dahilan ng palad kundi tao
kaya kung kikilos lang tayo'y ating matatamo
ang ginhawang ninanasa't hangad na pagbabago

- gregbituinjr.

13 anyos, namatay sa tuli

13-ANYOS, NAMATAY SA TULI

(Ayon sa ulat, namatay matapos magpatuli ang isang binatilyo sa loob ng Histopathology Laboratory ng isang ospital sa Lungsod ng Roxas sa Capiz. Huli na umano nang malaman ng mga kaanak ng biktima na hindi doktor ang nagtuli sa binatilyo. - mula sa pahayagang Bulgar, Abril 20, 2018, p. 2)

kahindik-hindik na namatay lang siya sa tuli
dahil nagtuli umano'y isang doktor na peke
sa mga kaanak, pagkamatay niya'y kayhapdi
kaya katarungan para sa binatilyo'y hingi

nais lang niya'y salubungin ang pagbibinata
sa pamamagitan ng tuli siya'y maging handa
sa pagharap sa mundong puno ng hirap at luha
ngunit pangarap at buhay niya'y agad nawala

di na ba nahabag sa binatilyo yaong suspek
upang sa tumataginting na barya'y humagikhik
pekeng doktor, pekeng tuli, buhay ay tumiwarik
dapat lang tuluyang dakpin iyang huwad na lintik

- gregbituinjr.

Huwebes, Abril 19, 2018

Ang mamatay ng tulad kay Archimedes

mas nais kong mamatay tulad ng kay Archimedes
habang sa suliranin sa aldyebra'y nakatanghod
kawal ng kalaban ang sa dugo n'ya'y nagpatigis
espada’y tinarak habang siya’y nakatalikod

- gregbituinjr.

Miyerkules, Abril 18, 2018

Pag aking naulinig

Pag aking naulinig
Ang puso kong pumintig
Gawin kung anong hilig
Isiping di malupig
Bukluran, kapit-bisig
Igibin ang pag-ibig
Gusto kitang kasandig

- gregbituinjr.

Sa pagtahak sa landas ng pag-ibig na wagas

sa pagtahak sa landas
ng pag-ibig na wagas
dapat laging may bigas
at masarap na prutas

naghahanda sa bukas
na maganda't parehas
problema'y nalulutas
kung bawat isa'y patas

- gregbituinjr.

Martes, Abril 17, 2018

Sa lungsod man o liblib

sa lungsod man o liblib
sa laot man o yungib
kumunoy o talahib
may halik na sibasib

labi ko'y iyong hagkan
mahal kong kasintahan
ang noo kong pawisan
iyo namang punasan

pawisan mang tulad ko
marunong mag-araro
kakayod hanggang dulo
para lamang sa iyo

siilin mo ng halik
akong humahagikhik
kapara ko ma'y lintik
di ako titiwarik

- gregbituinjr.

Nang dahil sa pagsinta

nang dahil sa pagsinta
bibiling sa higaan
kaysarap ng kutsinta
kaninang umagahan

kaygandang panaginip
nang dahil sa pagsinta
irog ang nasa isip
minumutyang kaysaya

ipaglaban ang masa
pagsilbihan ang bayan
nang dahil sa pagsinta
sistema'y papalitan

nasa diwa ang mutya
natatangi't kasama
sa saya man o luha
nang dahil sa pagsinta

- gregbituinjr.

Lunes, Abril 16, 2018

Ating pagsaluhan ang wagas na pag-ibig

Ating pagsaluhan ang wagas na pag-ibig
Kasalo kita sa ating bawat pagniig
O, sinta, sa hirap man ay di padadaig
Yapusin mo ako't kulungin na sa bisig

Waring ikaw ang diwata ng silanganan
Ako nama'y maglulupa sa araruhan
Langit at lupa man ang kapara't pagitan
Alapaap din ay ating masusulingan

Na rosas ka mang matinik ay natatangi
Gipit man ako'y magsisikap akong lagi
Kahit mahirapan, pagsinta'y maghahari
Ikaw lang ang nasa puso't walang kahati

Buuin nati'y isang magandang pamilya
Oo, mahal ko, magsikap nang di magdusa.

- gregbituinjr.

Linggo, Abril 15, 2018

Magiging anak na ating pinapangarap

Magiging anak na ating pinapangarap
Anak na mapagmahal at di naghihirap
Habang kita'y patuloy pa ring magsisikap
At magandang bukas yaong hinahagilap
Lagi kitang maghahanda para sa bukas
Kahit tayo'y kapwa napapagal madalas
O, sinta, tahakin natin ang tamang landas
Nang anak ay lumaking patas at parehas
Gabi may ay dumatal, karimlang pusikit
Liwayway ay nariyang talagang sasapit
Iwing anak ay palalakihing mabait
Bawat araw ma'y punong puno nang pasakit
Ang ngiti ng anak ay tanda ng pagsuyo
Yayapusin nating higpit mula sa puso

- gregbituinjr.

Biyernes, Abril 13, 2018

ang kandidato ay sintunog din pala ng sindikato

ang kandidato
ay sintunog din pala
ng sindikato

Huwebes, Abril 12, 2018

Udyok ng nasang lumaya sa pagsasamantala

Udyok ng nasang lumaya sa pagsasamantala
Rebolusyon ay hinahangad laban sa sistema
Itinatag nila’y isang makauring alyansa
Na layunin ay pandaigdigang pagkakaisa
Gugugol ng buong lakas sa pag-oorganisa
Makikibaka para sa layuning makauri
Ang hangad ay mawala ang burgesyang paghahari
Na dapat nang pawiin ang pribadong pag-aari
Galing sa sinapupunan ng proletaryong mithi
Gugunawin nila ang sistemang mapang-aglahi
Atin nang pagbigkisin ang hukbong mapagpalaya
Gapiin ang mga hukbo't sistema ng kuhila
Ang pagwawagi ng obrero'y mahalagang sadya
Walang pangingimi sa pagputol ng tanikala
At sosyalismo'y itatatag sa lahat ng bansa

- gregbituinjr.

Martes, Abril 10, 2018

Pagkawalay

kumikislot sa kalooban ko ang larawan mo
habang pabiling-biling sa hinigaan kong sako
habang pinapapak ng lamok ay natutuliro
nagdidilim na ang langit, parating na ang bagyo

ang kisame ko'y langit, walang anumang talukbong
sumapit na rin ang pagkainip at pagkaburyong
sa gubat, dapat mag-ingat sa ahas na lumusong
sa lungsod, dapat mag-ingat sa naglipanang buhong

gagamba'y di makabitag ng kakaining lamok
ang nasusunog na basura'y nakasusulasok
habang pakuya-kuyakoy sa upuang marupok
di na malaman kung saan ang tungki'y itututok

naglakbay sa malayo ang inaasam na mutya
habang ako'y nagbalik muli bilang maglulupa

- gregbituinjr.

Mga Nawawalang Tula ni Fidel Castro

Mga Nawawalang Tula ni Fidel Castro 
tula ni Michael Philips
malayang salin ni G. Bituin Jr.

Mula sa itaas, ang mesa ay may tahanan
sa isang hilera ng magkatulad na mga mesa,
nasa gitna ang lumang taunang aklat panghayskul
at isang de-makinang lapis.

Mapapailalim tayo,
niluluhuran ang mga bomba
subalit handang makipaglaro,
na mga mata'y magkasabay magmasid
sa mumunting yungib.

May mga malalabong pilat kami
na magpapatunay ng aming paghihirap
at malalabong tanawing maaaninaw
sa mga lumang durungawan
upang ngumiti sa lungkot o balewalain
ang mga bagong awitin.

Ang makasaysayang balbas at luntiang sambalilo
tulad ng isang bagay mula sa munting silid sa kisame
tulad ng mga Stones at mga Kennedy
o babala ng isang malamig na kaharap na nanghihimasok.


The Lost Poems of Fidel Castro - Poem by Michael Philips

From above, the desk has a home
in a row of identical desks, 
an old high school yearbook rests in the middle, 
and a mechanical pencil.

We would be underneath, 
kneeling for bombs
but ready for games, 
eyes synchronized in little caves.

We've only the faintest scars
to show for our suffering, 
and ghostly scenes reflected in old windows, 
to smile in sorrow or ignore for new ballads.

The iconic beard and green hat, 
like something from the attic, 
like the Stones or a Kennedy, 
or a warning of a cold front moving in. 

Lunes, Abril 9, 2018

Mga OFWs, may HIV / AIDS

sadya bang kay misis sila'y sabik na sabik
ngunit trabaho'y kaylayo't di makahalik
ilang buwan pa bago sila makabalik
kaya naghanap ng ibang makakatalik

nais lang ba talaga nilang makaraos?
ang pangungulila ba nila'y lubos-lubos?
kahit ba ang pag-ibig nila'y kinakapos?
ngunit ngayon kinapitan sila ng virus

silang mga nagsakripisyong magtrabaho
malayo sa pamilya, nasa lupang dayo
sila'y may pangangailangan ding totoo:
ang pakikipagtalik, paano na ito?

di sapat na libog ay ikuskos lang sa dingding
o tanging palad lamang ang laging kapiling
pagkat sarili lamang ang humahalinghing
minsan, ang mapalayo ka'y nakakapraning

ano ang dapat upang ito'y malunasan?
libo na'y apektado ng sakit na iyan
paano ba natin sila matutulungan?
silang napalayo na sa sariling bayan

di lang sakit na ito ang dapat magamot
ang magtamo lang nito sa pamilya'y kirot
pangungulila'y paano rin magagamot
upang kapayapaan sa puso'y idulot

- gregbituinjr.

* Ayon sa ulat, "Sa 52,280 migrant workers, umabot na sa 5,537 OFWs ang may HIV / AIDS dahil sa sex (pahayagang HATAW, Abril 9, 2018)

Linggo, Abril 8, 2018

Kahinahunan

KAHINAHUNAN

dapat maging mahinahon
at huwag padalus-dalos
sa mga pagdedesisyon
upang wastong mairaos
ang ating buong maghapon

mahirap kung basta na lang
sa bagya-bagay mainis
na anumang nakaharang
ay agad lang pinapalis
na para bang isang hunghang

maging mahinahon lagi
sa sarili'y iyong bilin
bakit ka ba namumuhi
ang kahinahunan man din
ay pagbabakasakali

huwag kang matutuliro
sa problemang kinaharap
lamigan lagi ang ulo
maging mahinahong ganap
maaayos din ang gulo

- gregbituinjr.

Sabado, Abril 7, 2018

Di ko lubos maisip na ikaw'y magiging akin

Di ko lubos maisip na ikaw'y magiging akin
Idinuduyan sa diwa ang iyong larawang angkin
Kulog man at kidlat ay di matingkalang isipin
Tayo na pala'y magkaniig ang puso't damdamin

Ating liparin ang bundok at laot ng pangarap
Daraan ang panahong di tayo sisinghap-singhap
Uunawain natin bawat isa't magsisikap
Ramdam kong lagi tayong magkatuwang sa paglingap

Yayapusin kita, mahal ko, pagkat inibig mo
Ang tulad kong hampaslupang makatang naririto
Nais kitang dalhin sa aking lungga't paraiso
Gagawin natin ang pagbuo ng pamilyang gusto

Pangarap kong kita'y makasamang nakikibaka
Rinig ko ang daing ng puso ng kawawang masa
Oo, dahil iyon ako, damhin mo ako, sinta
Lagi tayong magkatuwang pagkat tayo'y iisa

Espesyal ka sa buhay ko kahit di mo dalumat
Talulot mo'y kayganda't ako'y napapamulagat
Aking sinta, sabihin mong ako'y irog mong tapat
Relasyon nati'y dinidilig ng pagsuyong sapat

Yanigin man tayo ng sangkaterbang suliranin
At pagdurusa't sakripisyo'y ating kaharapin
Di tayo mauuga pagkat tapat ang layunin
Oo, sa langit nakamasid ang mga bituin

- gregbituinjr.

Lunes, Abril 2, 2018

Alay sa panitikan

ALAY SA PANITIKAN

Agila mang hari ng kalawakan ay lumipad
Lawin mang mandaragit ng sisiw ay biglang sibad
Alipin mang nais umalpas sa dusa'y kaykupad
Yagit man ay naghihirap sa lungsod ng pag-unlad

Sa pagtahak sa landas ng panitikang sarili
Ang panulat sa bayan at kapwa'y dapat magsilbi

Panitikan ay pagsikapan nating paunlarin
Ang bayang may panitikan ay bayang maunlad din
Na nakaukit sa dambana nitong kasaysayan
Inaalay sa salinlahi ng kinabukasan
Tuwirin natin ang mga baku-bakong lansangan
Ibigay kung ano ang maganda't makatarungan
Kahit kaharap man ay panganib o kamatayan
Ating bigkisin ang bawat isa sa panitikan
Na karugtong ng puso't kaluluwa nitong bayan

- gregbituinjr.

(tulang akrostika - o yaong simula ng letra ng bawat taludtod ay bumubuo ng isang salita o parirala)