isinuko na nila sa kapalaran ang lahat
tila wala nang agham sa kanilang pagkamulat
balisa sa sariling anino't mata'y mulagat
di mabatid saan nanggaling ang malaking sugat
bakit di nakita't lumubog sila sa kumunoy
mga anak habang maaga'y turuang lumangoy
ngunit mga itinanim ay bakit nanguluntoy
dahil sa kapabayaan ba'y magiging palaboy
kapalaran ba ng tulad mo ang maging mahirap
o sistema ang siyang dahilan ng dusang lasap
bakit kayrami pa ring naloloko't nagpapanggap
sa isang lipunang naglipana ang mga kurap
huwag mong isuko sa kapalaran ang buhay mo
di tadhana ang dahilan ng palad kundi tao
kaya kung kikilos lang tayo'y ating matatamo
ang ginhawang ninanasa't hangad na pagbabago
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento