bakit sa panahong ito mag-ama'y magkaaway
pamagat ng ulat: "sa anak, ama ang kumatay"
sa isa pang ulat: "sa ama, anak ang pumatay"
"ang anak, kinatay ng ama na galing sa lamay"
"anak na tumalon sa ilog, ama ang humalay"
ano nang nangyayari dito sa ating daigdig
mga balita'y sa lalamunan nakabibikig
mismong mag-ama, silang bawat isa'y nilulupig
sinong magwawagi kung wala na silang pag-ibig
bilang mag-amang usapin ay dapat dinirinig
dapat mag-usap, huwag daanin sa karahasan
dinggin pa rin ang pintig sa puso'y binubukalan
di ba't may pag-asa ang bulong ng kapayapaan
upang ang magkapamilya'y makapagpatawaran
sa mga salang dapat dinadaan sa usapan
wala na bang puwang ang pag-ibig sa inyong puso
huwag nyong payagang iduyan kayo ng siphayo
sa mga suliraning sa puso'y nagpapadugo
problema'y gawing palipad-hangin hanggang maglaho
upang bilang mag-ama, kayo'y manatiling buo
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento