TULA PARA SA IKA-32 ANIBERSARYO NG BALAY
I
paano iigpawan ang bangungot ng kahapon
nang magpatuloy ang buhay, tuluyang makabangon
mula sa danas ng kaytinding unos at daluyong
muli'y tumindig ng may dangal, tuloy ang layon
kayrami nang kwento ng maraming pakikibaka
dahil sila'y nangarap na mabago ang sistema
tinanganan ang prinsipyo, sila'y nag-organisa
ngunit sila'y dinurog ng pasistang diktadura
dinakip, kinulong, tinortyur, pinaslang, winala
naganap na diktadura'y bangungot, isang sumpa
tunay ngang mga namuno'y sandakot na kuhila
habang mga ipiniit, nag-asam ng paglaya
habang may inaapi't pinagsasamantalahan
maraming nangangarap ng makataong lipunan
patuloy na nakikibaka, kikilos, lalaban
upang pagbabago't ginhawa'y makamit ng bayan
II
isang taas-kamao pong pagpupugay sa BALAY
pagkat sadyang kayraming tinulungan nilang tunay
taos-pusong pasasalamat itong aming alay
at sa inyong anibersaryo, Mabuhay! Mabuhay!
- gregbituinjr.
* nilikha sa Bantayog ng mga Bayani habang nagaganap ang programa ng Balay Rehabilitation Center na nagdiriwang ng kanilang ika-32 anibersaryo, Setyembre 27, 2017
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento