Miyerkules, Setyembre 27, 2017

Sa ika-32 anibersaryo ng BALAY

SA IKA-32 ANIBERSARYO NG BALAY

isang taas-noo't taas-kamaong pagpupugay
sa pagdiriwang nitong anibersaryo ng BALAY
mga ginagawa ninyo'y paglilingkod na tunay
pinahahalagahan ang karapatan at buhay

tinulungan yaong mga bilanggong pulitikal
kahubdan ay dinamitan, nilagyan ng balabal
tinaguyod maibalik ang kanilang dangal
hanggang lumaya sila, tunay ngang gawaing banal

patuloy kayong tumulong para sa pagbabago
biktima ng tortyur, tokhang, ay tinulungan ninyo
habang tinataguyod ang karapatang pantao
sa harap man ng kawalang hustisya at proseso

taos-pusong pasasalamat sa mga kasama
sa BALAY na kumikilos pa para sa hustisya
habang kami'y patuloy pa rin sa pakikibaka
at sa pangarap na lipunan ay nagkakaisa

O, Balay, karapatan ay ipaglaban pa natin
pamahalaan ay patuloy nating kalampagin
katarunga't kapakanan ng kapwa'y patampukin
upang kapayapaan sa bansa't sa mundo'y kamtin

tula ni Greg Bituin Jr.
27 Setyembre 2017

Walang komento: