Huwebes, Setyembre 28, 2017

Tula para sa ika-32 anibersaryo ng BALAY

TULA PARA SA IKA-32 ANIBERSARYO NG BALAY

I

paano iigpawan ang bangungot ng kahapon
nang magpatuloy ang buhay, tuluyang makabangon
mula sa danas ng kaytinding unos at daluyong
muli'y tumindig ng may dangal, tuloy ang layon

kayrami nang kwento ng maraming pakikibaka
dahil sila'y nangarap na mabago ang sistema
tinanganan ang prinsipyo, sila'y nag-organisa
ngunit sila'y dinurog ng pasistang diktadura

dinakip, kinulong, tinortyur, pinaslang, winala
naganap na diktadura'y bangungot, isang sumpa
tunay ngang mga namuno'y sandakot na kuhila
habang mga ipiniit, nag-asam ng paglaya

habang may inaapi't pinagsasamantalahan
maraming nangangarap ng makataong lipunan
patuloy na nakikibaka, kikilos, lalaban
upang pagbabago't ginhawa'y makamit ng bayan

II

isang taas-kamao pong pagpupugay sa BALAY
pagkat sadyang kayraming tinulungan nilang tunay
taos-pusong pasasalamat itong aming alay
at sa inyong anibersaryo, Mabuhay! Mabuhay!

- gregbituinjr.

* nilikha sa Bantayog ng mga Bayani habang nagaganap ang programa ng Balay Rehabilitation Center na nagdiriwang ng kanilang ika-32 anibersaryo, Setyembre 27, 2017

Miyerkules, Setyembre 27, 2017

Sa ika-32 anibersaryo ng BALAY

SA IKA-32 ANIBERSARYO NG BALAY

isang taas-noo't taas-kamaong pagpupugay
sa pagdiriwang nitong anibersaryo ng BALAY
mga ginagawa ninyo'y paglilingkod na tunay
pinahahalagahan ang karapatan at buhay

tinulungan yaong mga bilanggong pulitikal
kahubdan ay dinamitan, nilagyan ng balabal
tinaguyod maibalik ang kanilang dangal
hanggang lumaya sila, tunay ngang gawaing banal

patuloy kayong tumulong para sa pagbabago
biktima ng tortyur, tokhang, ay tinulungan ninyo
habang tinataguyod ang karapatang pantao
sa harap man ng kawalang hustisya at proseso

taos-pusong pasasalamat sa mga kasama
sa BALAY na kumikilos pa para sa hustisya
habang kami'y patuloy pa rin sa pakikibaka
at sa pangarap na lipunan ay nagkakaisa

O, Balay, karapatan ay ipaglaban pa natin
pamahalaan ay patuloy nating kalampagin
katarunga't kapakanan ng kapwa'y patampukin
upang kapayapaan sa bansa't sa mundo'y kamtin

tula ni Greg Bituin Jr.
27 Setyembre 2017

Linggo, Setyembre 24, 2017

Pagkamatay ng puso

PAGKAMATAY NG PUSO

paano kaya kung mamatay itong puso
nang pinatama ni Kupido ang palaso
    o baka ang pusong ito kaya namatay
    ay upang sa ibang katauhan mabuhay

subalit duda ako't may ilang palagay
paano kung sa ibang kandungan mabuhay?
    naghingalo itong puso kaya naratay
    ngunit ang paggaling nito'y di na nahintay

paano kaya nang namatay itong puso
dahil ugnayan sa sinta'y naging malabo?
    dahil kapritso ng sinta'y laging maluho?
    o ang pag-ibig ng sinta'y biglang naglaho?

nang mamatay ang puso sila'y nagkalayo
sa libingan ba sila muling magtatagpo?
    namatay nga bang tuluyan ang pusong ito?
    o baka nagbago na't naging pusong bato?

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 15, 2017

Pang-ulam, itinaya pa sa sugal

PANG-ULAM, ITINAYA PA SA SUGAL

pambili ng ulam, sa hweteng ay itinaya pa
ang sukli naman ang ipang-uulam ng pamilya

yung ikakain mo, ubos na, kaya nasa isip:
yung itinaya sa hweteng, baka manalo't may tip

pulos pagbabakasakali ang buhay-dalita
anuman ang taya bakasakaling may mapala

ang pamilya ba'y magugutom o makakakain
ngunit dapat magsikap upang pamilya'y buhayin

kayhirap kung lagi na lang nagbabakasakali
sapagkat di mo alam kung papalarin kang lagi

 - gregbituinjr.

Miyerkules, Setyembre 6, 2017

Ang namumunong kuhila

bulag sa nasa paligid?
bingi sa mga nabatid?
pipi sa mga kapatid?
pandama'y tila ba manhid?

basta na lang tinitiris
itinulad pa sa ipis
tayo pa ba'y magtitiis
sa patayang anong bangis

ang namumunong kuhila
ay sadyang kasumpa-sumpa
pagpaslang na'y anong lubha
dapat itong masawata

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 4, 2017

Luha't dugo sa panahon ng tokbang

LUHA'T DUGO SA PANAHON NG TOKBANG

biglang bumuhos ang ulan
mga luha'y nagpatakan
at dumaloy sa lansangan
mga dugo'y nahugasan

mundong ito'y ayos pa ba
at nakakangiti ka pa
maganda ba ang umaga
kung may mga tinutumba

ang pinupuntirya'y kapos
buhay ay kalunos-lunos
subalit di ko matalos
titigil ba ang pag-ulos

may karapatan ka pa ba
may wastong proseso pa ba
buhay pa ba'y sinisinta
o wala ka nang madama

walang katwirang pagpatay
ay dapat pigilang tunay
dapat nilang mapagnilay
may halaga bawat buhay

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 2, 2017

Isang tula muna para kay Stella

ISANG TULA MUNA PARA KAY STELLA

ramdam ko ang hamog sa bawat kong umaga
tila laman ko'y nag-uumapaw sa saya
malamyos ang himbing, alaala'y dalaga
gising na ang lungsod at panay ang busina

napapatitig pa rin ako sa kawalan
tila nagsusumbatan ang puso't isipan
sinong masisisi't wala bang pakiramdam
o masaya't suliranin na'y mapaparam

di ko napanood ang kanyang pelikula
na pamagat niyon ay nakahahalina
ang "Isangdaang Tula para kay Stella"
inspirasyon, tula, puno ba ng pag-asa?

bakit ang nadarama pa rin ay panimdim
kung iwing puso'y nagpaparaya't di sakim
tingin ng tandang ay tila baga kaytalim
dumalaga ba'y ano kayang nasisimsim

- gregbituinjr.
mga larawan mula sa google