bakit ba karaniwang ang mga pangako
sa bungad pa lang ng sabana'y napapako?
kapara'y nasa bulwagang nakatalungko
o kaya'y doon sa kalbaryo'y nakayuko
nangako'y anong tapang na kapara'y leyon
wawakasan na raw ang kontraktwalisasyon
pagkat sa buhay ng obrero'y lumalamon
sa bituka’t balat nila’y diskriminasyon
kahit langit na'y pinangako ng kuhila
upang himagsik ng obrero'y mapahupa
napapatid ba bawat guhit ng panata?
nang kuyom nilang kamao'y mapatirapa
santaong nagdaan, pangako'y nasaan na?
sa obrero’y naglubid lang ba ng pag-asa?
pinangako ba’y sadyang nilunok na niya?
buntot nga ba’y nabahag sa kapitalista?
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento