sumisikdo ang dibdib, utak at dugo'y tumigis
puso'y nalulumpo ngunit umaarteng kaybangis
sa harap ng iba, kabiguan ay nililihis
propagandista pa rin kahit labis ang pagtangis
kahit sariling buhay ng propagandista'y lugmok
luha'y nilalagok at kasawia'y nilulunok
sa tungkuling magpropaganda pa rin nakatutok
upang moral ng masa'y iangat hanggang sa tuktok
kaytalim ng mga katagang kapara ay lintik
kalabang kaytalino'y nilalampaso sa putik
sa bawat sulok, propaganda niya'y natititik
sa diwa't kalooban ng kapwa'y isinisiksik
propagandista'y di dapat makitang isang sawi
kahit na buong buhay niya'y pawang luha't hapdi
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento