maganda pa rin ba ang lungsod na puno ng putik
na ang kalsada'y lubog agad sa ulang tikatik
lungsod ng kaunlarang sa pag-asa sana'y hitik
ngunit sagana sa dukhang sa gutom humihibik
nasaan na ang pag-asang inaasam ng dukha
mula sa gobyernong animo'y pugad ng kuhila
bakit ang pamahalaan ay nagiging pabaya
hinahayaang mamamayan niya'y hampaslupa
sa danas na kaunlaran, lungsod daw ang gulugod
upang ipakitang ang bansa'y maunlad, malugod
kaya pala maraming bahay kaytaas ng bakod
kaya pala mga obrero'y kaybaba ng sahod
gusali'y nagtatayugan, dukha'y walang matirhan
bawat isa'y nagkanya-kanya bunsod ng puhunan
mundo'y pinaiikot lang sa palad ng iilan
nasa may salapi lamang ba iyang kaunlaran?
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento