Sabado, Abril 15, 2017

Salik ng kilos-protesta



SALIK NG KILOS-PROTESTA
(20 ang nasa talaan ng inyong lingkod, maaari n’yo pong dagdagan)
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

plakard

tangan ng raliyista
yaong plakard na pula
puti naman ang tinta
ng hinaing ng masa

polyeto

ipinaliliwanag
ang kalagayang hungkag
kayrami nang paglabag
bakit dapat pumalag

bandera

samahang kaagapay
makikilalang tunay
sa banderang tinaglay
at iwinawagayway

istrimer

tangan nila sa harap
nang maunawang ganap
ang hinaing at saklap
ng bayang naghihirap

balatengga

sa itaas isabit
ang islogang may galit
nang madama ang lupit
ng kalagayang gipit

megaphone

dinig kahit malayo
ang daing at siphayo
nabubulgar ang baho
ng gobyernong palalo

pulang baro

animo'y pulang hukbo
pag nakapulang baro
at iyong matatanto
hukbo'y di biro-biro

kamaong kuyom

ang kamaong may poot
kuyom, di madalirot
tila nais idulot
ay manapak ng salot

tiim-bagang

tibak na mapagtimpi
ay nanggagalaiti
wala mang sinasabi
loob nito'y kaytindi

islogan

prinsipyo'y hinihiyaw
sa isyung nakapataw
ang gobyerno'y kaylabnaw
pag dayo ang kaagaw

samutsaring isyu

ilang isyu sa rali
kaytaas ng kuryente
tubig at pamasahe
gobyerno ba'y may silbi

talumpati

mainit, nag-aapoy
sa isyu nilang tukoy
prinsipyo'y di maluoy
sa paglaban patuloy

kapitbisig

obrero'y kapitbisig
laban sa mapanlupig
sa nagkaisang tinig
sila'y di padadaig

kolektibo

bawat isa'y iisa
di nagkakanya-kanya
kolektibong magpasya
lalo't isyu'y sistema

protesta

nais nila'y hustisya
sa nangyari sa masa
kaya nagsama-sama
sa isyung bitbit nila

organisado

nagkaisa sa isyu
na patampuking husto
makita ng gobyerno
isa silang totoo

taumbayan

taumbayang may lakas
kikilos, paparehas
pangarap maging patas
ang lipunang marahas

manggagawa

hukbong mapagpalaya
ang uring manggagawa
tangan nila ang diwa
ng lipunang adhika

tunggalian ng uri

mayaman at mahirap
may tunggaliang ganap
maging dukha'y masaklap
ginhawa'y di malasap

prinsipyado

alam ang karapatan
na dapat ipaglaban
prinsipyo nilang tangan
baguhin ang lipunan

Walang komento: