NAGNANAKNAK ANG LAGIM SA BAYAN KONG SAWI
nagnanaknak ang lagim sa bayan kong sawi
bayang nababalot ng hilakbot at hikbi
walang proseso'y nauso't danas ay hapdi
kaliluha'y sa bayan pa rin naghahari
gobyerno'y kayraming sa dugo pinalutang
walang kara-karapatan, handang pumaslang
nasakbibi ng dusa ang lupang hinirang
kayrami nang nasawi pag iyong binilang
nais nilang tumahimik ang pamayanan?
oo, nakabibingi ang katahimikan
habang di naman dama ang kapayapaan
tahimik nga, ngunit di payapa ang bayan
di natin nais sa bayang ito'y ligalig
di ganitong pulos patayan, panlulupig
nais natin ng isang payapang daigdig
may pagkakapantay at puno ng pag-ibig
huwag hayaang karapatan ay yurakan
huwag hayaan ang kulturang kamatayan
singilin ang maysala, tokhang ay wakasan
ang buhay ng tao'y dapat pahalagahan
- gregbituinjr.
* nilikha at binasa sa aktibidad na tinaguriang "Biag Buhay Ikabuhi: Valuing Life, Denouncing Killing" na ginanap sa Tondo, Maynila, Abril 16, 2017, Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento