Martes, Abril 4, 2017

Ako'y internasyunalista, hindi makabayan

ako'y internasyunalista, hindi makabayan
pagkat wala namang pagkabansa ang kahirapan
ang usapin dito'y uri, hindi lahi ninuman
pagkat uri ang dahilan ng mga tunggalian

"ang hustisya'y para lang sa mayaman', anang awit
ang katotohanang ito'y sadyang napakalupit
karapatan ba'y sa bundat lang, di sa nagigipit
kaya patuloy ang pag-algahi sa maliliit

lahat ng api, anumang bansang pinanggalingan
ay dapat magturingang magkapatid sa lipunan
dapat silang magkapitbisig laban sa puhunan
laban sa salot na sistemang para sa iilan

maging internasyunalista'y di lamang pangarap
kundi layuning sa puso't diwa'y katanggap-tanggap
maging makatao'y gawin gaano man kahirap
lipunang makatao'y ipaglabang maging ganap

- gregbituinjr.

Walang komento: