nakaupo lamang ako sa gilid ng kalsada
nakatalungko habang pinagmamasdan ang masa
subalit sa puso'y paraan iyon ng protesta
lalo't marami kaming ganitong nagsama-sama
tangan ang munting plakard ay payapa ang pagkilos
pinakikitang di tayo dapat binubusabos
ng sistemang sa pagkatao'y pilit gumagapos
habang nasa isip paano makahuhulagpos
may karapatan ang bawat isa, may karapatan
lalo't buhay at dangal ay di dapat mayurakan
ito'y dama kong gumuhit sa noo't kalooban
na sa dibdib animo'y inuukit ang kawalan
palataltas at pelikula na'y nakamamanhid
nang sa kabila ng mga pagdurusa't balakid
huwag pansinin ang nangyari sa mga kapatid
at upang di mag-aklas ang obrero't magbubukid
lasing ang pangil ng mga buryong at talipandas
dapat pakaiwasan ang mga bulong ng hudas
ang inuuod na sistema'y dapat nang maagnas
upang maitayo natin ang panibagong bukas
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento