karapatan mong maghimagsik laban sa sistema
lalo't inuulaol ka na ng uring burgesya
itinuturing kang mababang uri lang ng masa
gayong tao kang kapantay ng karapatan nila
pribadong pag-aari'y kanilang kapangyarihan
pases nila upang kapwa'y mapagsamantalahan
tingin sa iba'y mga mababang uring nilalang
kaya sa dukha't manggagawa'y laging nanlalamang
wasto lang mag-alsa ang mga inaaping uri
nang lumaya sila laban sa uring naghahari
dapat paghimagsikan ang pribadong pag-aari
wasakin ito't ibagsak ang trapo, hari't pari
kabulukan ng sistema'y dapat nating maarok
dahil pagsasamantala nila'y abot sa tuktok
halina't maghimagsik laban sa sistemang bulok
na sa pagkatao't dangal ng kapwa'y umuuk-ok
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento