Huwebes, Oktubre 27, 2016

Ang bandilang asul

ANG BANDILANG ASUL
(alay sa ika-23 anibersaryo ng Sanlakas,
Oktubre 29, 2016)

tulad ng simbolo ng watawat ng bayan
ang puti sa tatsulok ay kabusilakan
ang dilaw nama’y tanda ng kahinahunan
pula’y sagisag ng bayani’t kagitingan
asul ay tanda ng tiwala't katapatan

tiwala't tapat sa tinanganang prinsipyo
upang ihasik ang binhi ng pagbabago
kumilos para sa karapatang pantao
laban sa kaapihan at kapitalismo
at pangalagaan ang dignidad ng tao

habang nagwawagayway ang bandilang asul
nais nila’y payapang mundo mula’t sapul
subalit bulok na sistema’y nang-uulol
sa bayan habang puhuna’y pasipol-sipol
asam nilang lipunan sana nga’y sumibol

naroon, tangan ang bandila ng Sanlakas
iwinawagayway, tandang asam ang bukas
na maayos pati patakaran at batas
at mapawi yaong tiwali't talipandas
upang kamtin ang isang lipunang parehas

Martes, Oktubre 25, 2016

Pagninilay sa kasalukuyang kalagayan

PAGNINILAY SA KASALUKUYANG KALAGAYAN

I

"sundin mo ako, anak, huwag kang magpapagabi
pagkat ayokong humandusay ka riyan sa tabi
layuan mo ang mga adik, wala silang silbi
lumayo ka sa mga adik kung ayaw magsisi"

"adik kasi iyan, eh, period, walang karapatan
layuan mo sila't baka madamay ka pa riyan
mag-ingat baka dugo nila tayo'y matalsikan
ang tulad nila'y nakaharap na kay Kamatayan"

II

kaylungkot ngang malaman ng katotohanang ito
tila walang paggalang sa karapatang pantao
ngunit dapat ingatan ng ama ang anak nito
lalo na't adik ay di matino't asal-demonyo

ngunit ang tamang proseso'y huwag kalilimutan
di porke adik ay mga pusakal agad iyan
i-rehab sila lalo na't iyon ang kailangan
mga tao rin sila't di ipis, may karapatan

III

iyang pag-aadik ba nila'y panlaban sa gutom
upang hapdi ng sikmura'y di maramdaman niyon
wala bang pangarap, pinili ang buhay na gayon
o nais ay mabilisang pera kaya nagumon

bakit may mga adik, dahil ba may kahirapan
o idinadahilan lang natin ang karukhaan
dahil di natin tarok bakit bulok ang lipunan
kung bakit may laksang dukha't may mayamang iilan

IV

tunay namang dapat nang mawala ang mga adik
ngunit di sa paraang dibdib nila'y dinidikdik
ramdam na nilang hirap sa mundo'y kahindik-hindik
ang dugo pa nila'y sisirit, sa lupa tatalsik

wala na bang pagkakataong itama ang buhay
adik ba'y wala nang karapatang pantaong taglay
palipad-hangin na lang ba ang karapatang tunay
o sila'y tao ring may kwento't may kwenta ang buhay

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 18, 2016

Nananaghoy ang tikbalang sa kanto

nananaghoy ang tikbalang sa kanto
tila baga siya'y nagdidiliryo
sa magandang birhen nagsusumamo
kahit na siya'y amoy sigarilyo

- gregbituinjr.

Lunes, Oktubre 17, 2016

Buhay ng tao'y igalang

BUHAY NG TAO'Y IGALANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

tinukso ng mapanlinlang
sa shabu raw malilibang
ngunit utak ay nabuwang
gawa'y krimen at nanlamang
kaya nang mag-oplan tokhang
kayrami nang natimbuwang

ipis sila kung turingan
gayong kapwa tao naman
tila ba pamahalaan
animo'y nabubulunan
sa usaping karapatan
prosesong pagdaraanan
kalagayan ng lipunan
at bakit may kahirapan

ako’y napatiim-bagang
laksang buhay na'y inutang
proseso'y di na nalinang
karapatan pa'y hinarang
maisisigaw na lamang:
buhay ng tao'y igalang!

Maligayang kaarawan sa isang dilag

MALIGAYANG KAARAWAN SA ISANG DILAG
para kay Ruby na isang kasama sa pakikibaka, kaarawan niya noong Oktubre 14

maligayang kaarawan sa iyo
matimyas kong pagbating taas-noo
kung ilarawan kita'y masasabi
kumbaga sa dyamante'y isang ruby
sapagkat patuloy kang kumikilos
laban sa sistemang mapambusabos
magpatuloy ka sa pakikibaka
marami kaming sa iyo'y kasama
hanggang kamtin ang tagumpay ng mithi
puno man ng sakripisyo'y may ngiti
rebolusyon ma'y puno ng pasakit
nawa'y di ka naman nagkakasakit
kalusugan mo'y iyong pag-ingatan
sa muli, maligayang kaarawan

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 16, 2016

Ang dalawang oplan

OPLAN TOKHANG

kinakatok sa bahay
maririnig ang ingay
gumulo, may pinatay
kinabukasan, lamay


OPLAN TOKBANG

noong una'y oplan tokhang
ngunit naging oplan tokbang
ang nangyari: tok! tok! bang! bang!
kakatok at may pinaslang


- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 15, 2016

Ang haring palamura ay haring palamara

laging nagmumura ang hari
mayroon kaya siyang budhi
nakatutuwa ba sa lahi
ang pagtutungayaw ng hari

takot ding mamuna ng masa
hari’y matalas ang espada
at baka pagulungin niya
ang ulo nila sa kalsada

tatahimik na lang sa takot
disiplina man ay baluktot
sa dibdib ng masa'y pangadyot
sa puso nila’y may hilakbot

ngunit burgesya’y natutuwa
sa pagmumura ng kuhila
nadamay pa'y inang kawawa
sa mapanyurak na salita

pagmumura ba'y matitigil
subalit sino ang pipigil
gayong lagi nang nanggigigil
ang palamurang haring sutil

- gregbituinjr.

Ang utos daw ng hari

ang utos daw ng hari
ay di dapat mabali
salawikaing susi
sa adhikaing mithi

iyo bang nasusuri
sa pagkaapi'y sanhi?
iyo bang mapupuri
ang masunuring lahi?

kung nagkabali-bali
mismong utak ng hari
susundin ba ang mali
basta utos ng hari?

walang dapat maghari
sa mundong inaglahi
ihasik, ipagwagi
ang mabubuting binhi

burgesya, hari’t pari’y
di dapat manatili
lipunang walang uri'y
dapat nang ipagwagi

- gregbituinjr.

Huwebes, Oktubre 13, 2016

Ang salot sa pagawaan

ANG SALOT SA PAGAWAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Tulang binasa sa rali ng grupong MASO (Manggagawang Sosyalista) sa harap ng Senado, Oktubre 13, 2016

Salot sa manggagawa iyang kontraktwalisasyon
Kayraming biniktimang obrero sa ating nasyon
Sinisibasib pati na makataong kondisyon
Sa pabrika’t karapatan nila ang nilalamon

Katawan at isip ng manggagawa’y pinipiga
Kinakatas ang labis na halaga ng paggawa
Kontraktwal upang benepisyo’y di nila mapala
Salot ang kontraktwalisasyong dikta ng kuhila

Pag ipinagtanggol ang karapatang dinelubyo
Ng kontraktwalisasyong salot sa mga obrero
Nakaabang agad ang hukbo ng walang trabaho
Na handang pumalit kahit na mababa ang sweldo

Kaya manggagawa, organisahin na ang uri
Upang kontraktwalisasyon ay di na manatili
Sagwil ito sa pag-usbong ng ating minimithi
Na isang lipunang walang pribadong pag-aari

Kontraktwalisasyon ay dapat alising tuluyan
Gawing krimen pagkat mapanira ng karapatan
Ng obrerong nilikha’y ekonomya ng lipunan
Kasiguruhan sa trabaho’y dapat ipaglaban

Lunes, Oktubre 10, 2016

Sa tilamsik ng dila

sa tilamsik ng dila
humuhuni ang diwa
tila ba isinumpa
dinaanan ng sigwa

- gregbituinjr.

Linggo, Oktubre 9, 2016

Pahimakas kay Ka Ronnie Luna

PAGPUPUGAY KAY KASAMANG RONNIE LUNA
Disyembre 1, 1958 - Oktubre 5, 2016
Vice President, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)

pagpupugay, kasamang Ronnie, sa ambag mo't gawa
matatag mong isinulong ang sosyalistang diwa
kasamang inorganisa ang uring manggagawa
inspirasyon sa pakikibaka ng maralita

tumigil man sa pagtibok ang naiwang katawan
ngunit di ang mga adhikaing iyong iniwan
tigib ng aral pakikibaka mo't karanasan
nag-ambag upang baguhin ang bulok na lipunan

salamat sa panahong inambag ng walang humpay
salamat sa prinsipyong tunay mong isinabuhay
salamat sa sama-samang pakikibakang tunay
salamat sa buhay mong sa manggagawa inalay

inorganisang walang humpay ang mga obrero
para sa inaadhikang lipunang sosyalismo
kasama, simbigat ng bundok ang pagkamatay mo
kaysa kapitalistang singgaan ng balahibo

- tula’t litrato ni gregbituinjr.


Sabado, Oktubre 8, 2016

Tayo'y dahon

TAYO'Y DAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

tayo'y mga dahon lamang, ayon sa awit ng Asin
sa puno'y nahihiwalay at nililipad ng hangin
hanggang sa maging abuhin ang luntiang buhay natin
at malanta na sa lupang sa atin din ay aangkin
tuluyang maging pataba sa lupang dapat linangin
makatulong sa paglinang ng punong palalaguin

Biyernes, Oktubre 7, 2016

Tanaga ang pagtula

tanaga ang pagtula
linya'y apatang lubha
pitong pantig, may tugma
sansaknong at sandiwa

- gregbituinjr.

Miyerkules, Oktubre 5, 2016

Danas ng uhaw na lupa

DANAS NG UHAW NA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

danas na nahalukay sa bawat kong panaginip
maigi’t yaong dinahas sa panganib nasagip
mga aral nito'y dapat tandaan at malirip
na dapat lang maisabit sa dingding niring isip

kung ang paglilingkod natin ay tunay na masidhi
pawiin nang tuluyan ang pribadong pag-aari
upang mapawi na ang pagkakahati sa uri
pag-aari'y di sagrado’t dapat ipamahagi

nagsulat ang bulate sa sikmurang kumakalam
paanong lipunang buktot ay tuluyang maparam
trapo'y ipakakain ba sa limatik at guyam
paglutas ba nito'y aabutin ng siyam-siyam

nasasabik din sa hustisya ang uhaw na lupa
makararaos lang kung tiwali’y gawing pataba

Martes, Oktubre 4, 2016

Pahimakas kay Kasamang Bong

CAMILO "BONG" PACAY
July 16, 1968 - October 1, 2016

SALAMAT, KASAMANG BONG

nakaraan na'y dalawang dekada
sa Tondo kami unang nagkasama
nang ang Sanlakas ay tumakbong una
at si Edcel sa pagkasenador pa

kasamang magaling, sadyang batikan
diyalektiko kung mag-isip iyan
sinusuri ang pulitika't bayan
nais baguhin, bulok na lipunan

pag-oorganisa'y kayhusay sadya
pinagkakaisa ang maralita
lalo na yaong uring manggagawa
para kamtin ang sosyalistang diwa

sa pakikibaka'y di ka matibag
ang paninindigan mo'y di natinag
sa prinsipyo mo'y tunay kang matatag
salamat, Ka Bong, sa iyong inambag

- gregbituinjr.


KAY KA BONG, ISANG PAGPUPUGAY

inspirasyon ka sa maraming kasama
upang baguhin ang bulok na sistema
inalalayan sila't inorganisa
dahil sa iyo'y naging matatag sila

tatlong dekadang patuloy na kumilos
nagkasakit ngunit matatag na lubos
sinuong ang mga panganib at unos
sa mga kasama nga'y mahusay na Bos

kasamang Bong, tunay kang organisador
sa dukha't obrero'y naging edukador
laging pinahahalagahan ang balor
ng mga kasama't di ka kunsintidor

sa problema'y nanatili kang matibay
nang dahil sa sakit, maagang humimlay
sa mga kasama'y inspirasyong tunay
salamat, Ka Bong, mabuhay ka! mabuhay!

- tula ni kasamang greg

Lunes, Oktubre 3, 2016

Kayod ng kayod ay walang pera

KAYOD NG KAYOD AY WALANG PERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagtatrabaho tayo para magkapera
bakit ganuon, lagi pa ring walang pera
ipon ng ipon, kayraming gastusin pala
laksa ang mga bayaring pinoproblema

lalo nang mauso itong boluntarismo
nababoy ang lakas-paggawa ng obrero
di binabayaran dahil daw boluntaryo
kahit gaano pa kabigat ang trabaho

tila masahol pa sa kontraktwalisasyon
marami ngang kontraktwal, bayad ay minimum
nakararaos din, mayroong nalalamon
boluntaryo'y alawans lang, madalas gutom

di bale bang alipin, basta kumakain?
buti may trabaho tayo, di gugutumin?
hindi, dapat bulok na sistema'y baguhin!
pagbabago ng lipunan ang ating gawin!

Linggo, Oktubre 2, 2016

Maligayang kaarawan, Mahatma Gandhi

MALIGAYANG KAARAWAN, MAHATMA GANDHI


"Be the change you wish to see in this world!" - Mahatma Gandhi

"change is coming", parating na ang pagbabago
anong pagbabagong inaasahang ito
kabutihan ba ng kalagayan ng tao?
di lang mayaman, kundi pati dukha rito?

bilin nga ni Gandhi, "Be the change you wish to see
in this world", pagbabagong pita, nagsisilbi
sa lahat, di sa hari, pari, uri, imbi
tunay na pagbabagong di ta magsisisi

sa pakikibakang walang dahas sumandig
tinanganan ang prinsipyo’t di nagpalupig
aral mo'y aming sinadiwa't sinatinig
upang mag-ambag din ng buti sa daigdig

aming ninanamnan ang bawat mong tinuran
na makadadalisay sa kasalukuyan
pagbati po ng maligayang kaarawan
at kadakilaan mo'y di malilimutan

- gregbituinjr.

Sabado, Oktubre 1, 2016

Nalulumbay man ang bituin

NALULUMBAY MAN ANG BITUIN

Talastas kong nalulumbay man ang bituin
Ay patuloy itong nagpapalipad-hangin
Adhikang pangarap ba'y paano bubuuin
Ng tulad kong sa putika'y alilang kanin.

Nagsipagbugahan ng apoy sa karimlan
Pusa'y dumating, mga daga'y nagtakbuhan
Tangay ang tuyong ulam sa hapag-kainan
Habang sa isang sulok may nagyayakapan.

Nagdedeliryo pagkat kayraming balakid
Nais nang sumigaw subalit nauumid
Pilit na hinahatak ang kayhabang lubid
Bakasakaling hinahanap ay mabatid.

Lumulusong man sa putikan kahit lugmok
Taas-noong haharapin anumang dagok
Sa sikap ay mahuhuli ri't matutumbok
Yaong nasang mabatid ngunit di malunok.

- ni gregbituinjr.